KUMUSTA NAMAN ANG KALULUWA MO?

Ang paliwanag ko bakit mainit ang mga nakararaang buwan kahit na dapat ay tag-ulan ngayon sa bansa, nakabukas kasi ang pinto ng impyerno at naglalabas-masok ang mga demonyo. Di ba nga sabi ni Dan Brown nasa Maynila ang “gates of hell”? Naalala ko tuloy naoffend pa ang noo’y MMDA Chair na si Francis Tolentino (oo, yung nasira ang diskarte sa pagtakbong senador dahil pinulaan sa dinala niyang sexy dancers sa birthday party ng isang taga-LP), at minasama ang bansag na ito sa pinakamamahal niyang Metro Manila. Mabuti nga kahit gate meron tayo . Ibig sabihin puedeng lumabas o pumasok. Sa ngayon, mahigit isang taon nang nakalipas simula nang ibukas ang gate na iyan , parang Hotel California na ang nangyari sa mga lungsod ng NCR at mga probinsiya. Yun bang “You can check in anytime you want but you can never leave!” (Kinanta nyo no?) Paano nga ba tayo makalalabas sa nasuotan nating ito? Nakalulunos na ang libu-libong namatay, ang pagpapakawala sa mga tiwali, ang pagwasak sa Marawi, ang panggigipit sa mga IPs, ang gumagapang na paniniil na ala-Marcos dictatorship, ang mga paglilihis, pagkakalat ng kasinungalingan, ang pagtatakip sa katotohanan. Nakakahiya na tayo sa mundo. Ipinamimigay na ating mga isla, niyuyurakan na ang ating karapatang pantao, tinatawanan lang ang ating mga paghibik. Nasa loob tayo ng isang multong hotel at tila di matanaw ang palabas mula rito.

Kumusta naman ang kaluluwa mo? Isa kaba sa mga tauhan sa multong hotel na ito? Kaluluwa pa ba ang taglay mo o isa ka na lang nilalang na nilamon na ng kasamaan dahil sa ambisyon, kasakiman, pagkabulag sa katotohanan o kawalang pakialam? Ano ang nakikita mong lusot sa mga ito? Kaya pa bang isalba ang natitira mong kaluluwa bago ka tuluyang mabulid sa impyerno? O sanay ka na sa impyerno dahil doon ka galing at isinugo ka para sirain ang bansang ito at gumapas ng mga mahihinang kaluluwa pabalik? Ikaw ang tinutukoy ko: Senador, Congressman, CabSec, ASec, Judge, General, Chief, blogger, troll. Alin ka dito? Sapul ba o wala na talagang pakiramdam dahil pumanaw na noon pa ang iyong konsyensiya?

Hanggang kelan nyo sususugan ang kasamaan? May quota ka rin ba ng mga kaluluwang iyong mahahawaan? Di ka ba nababagabag ng mga kaawaawang pinaslang? Bakit mo ito ginagawa? Kagahamanan? Pagkamakasarili o likas na kasamaan?

Kumusta naman ang kaluluwa mo? Mga kasabwat sa pagkakalat ng kasinungalingan? Kailan ka ba nagsimula? 2013? Sinu-sino ba ang sinira ng iyong dila at panulat? Magkano na nga ang nabentahe mo riyan? Mayaman ka na ba? Masaya ka na ba sa biyayang iyong natanggap? Hanggang kalian mo gagawin iyan?

Dami kong tanong, no? Pasensiya na pero malapit na akong takasan ng pag-asa na makikita pa natin ang daan palabas sa multong hotel na ito. Nakahambalang kasi kayo sa pinto habang ang iba sa inyo ay patuloy na iniaangat sa pedestal ang poon niyo. Di ba kayo naaawa sa mga Pilipino? Di pa ba kayo nalalansahan sa dugo sa mga kamay ninyo? Umaalingasaw na ang napakaraming bangkay na inialay sa poon niyo. Di pa ba siya nasisiyahan? Ilan pa ba ang gusto niyang ialay ninyo?

Kayo namang nasa sulok lang at nakatakip ang mga mata at tenga. Nakikita niyo ba ang nakatatakot na paligid ng hotel na ito? Bakit di niyo tingnan? Nakakulong din kayo at di makalalabas dahil nandiyan lang kayo sa sulok at pilit niyong winawaksi ang nakikita niyo sanang tunay na nangyayari. Gusto niyo pa bang maligtas mula sa nakatatakot na lugar na ito? Ilang buhay pa ang kailangang wakasan sa harap ninyo para kayo ay maghumiyaw ng TAMA NA! ? Di ba kayo nahihirapan sa sulok na iyang inyong pinagtataguan? Labas na at isalba ninyo ang inyong kaluluwa. May pag-asa pa kayo.

Saan nga ba ang daan palabas sa lugar na itong puno ng kabulukan, kasinungalingan, kasamaan, katiwalian at kamatayan? Mag-uumaga na ba o lalo lang humahaba ang madilim na gabi? Nagsasaya pa ba ang mga kampon o nanghihina na sila dahil may mga umaalma na at kumikilos? Nakanino ba ang susi ng gate? Parine na dito at palayain ang kaluluwang Pilipino. Mahabag kayo sa mga kababayan ninyong ikinulong ng dilim. Nagkamali sila ng pasok. Pati tayo nadamay. Kaya ba nating pagtulungang hanapin ang susi, buksan ang gate para lumaya sa piraso ng impyernong kinasadlakan natin?

Ikaw, kumusta ang kaluluwa mo? Kaya pa bang tumagal sa multong bansang ito? Baka hawak mo ang magpapalayang susi.

SHARE
Previous articleKadamay binigyan na ng Bahay, Demanding Pa!
Next articleHoroscope, Setyembre 26, 2017

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here