LINSIYAK, inaprubahan ng isang komite sa Kamara ng mga Representante ang pagpapaliban ng barangay election na nakabingit na sa buwan ng Mayo.
Napakairesponsable at kawalang galang ang mga kongresista.
Isang klase ito ng pang-uunggoy sa katinuan ng mga barangay citizens na naghahanda na sa barangay elections.
Nagdudulot ito ng kalituhan at maituturing na isang klase ng pambubuwisit sa demokratikong proseso. Hindi naman tama iyon. Karapatan ng mamamayan na mamili ng mamumuno sa kanilang barangay. Hindi naman tamang basta na lamang I-retain ang dating namumuno. Paano kung nakakasuka na ang mga namumuno sa kanila, hindi pa nila ito magagawang palitan. Ibig sabihin noon ay kakailanganin pa nilang magtiis?
Kaya naman nakakasakit ng ulo ang problemang ito. Kungganoon, siguradong mas matinding sakit ng ulo ang kinakaharap ng mga taong direktang apektado nito. Sila siyempre iyong mga kakandidato sana at ang mamamayan na naghahanap na ng pagbabago sa kanilang barangay man lang. Ano ba kasi ang dahilan at gusto pang ipagpaliban ang tungkol sa barangay election?
Gusto kasi ng mga haliparot ay isabay ang plebisito.
Isang kamangmangan ang pagpapaliban ng eleksiyon sapagkat ang nagtakda rin ng halalan sa Mayo ay sila-sila rin at nilagdaan ni Pangulong Digong.Baka naman kasi wala lamang magawa at gumagawa ng isyu na mapag-uusapan.
Hindi ba’t isang klase ‘yan ng kabaliwan.
Pinamamahalaan ang Republika ng Pilipinas ng mga mangmang sa batas at hindi nakakaunawa ng kahulugan ng isang demokratikong proseso.
Isang klase ito ng pang-aabuso sa kapangyarihan. Mali ito. Ewan ko nga lang kung may magagawa ang ordinaryong mamamayan. Siyempre wala. Basta sa ayaw at sa gusto nila, kailangan nilang sumunod. Kahit pa sabihing tutol na tutol ang kanilang kalooban.
Isang paglabag ito sa Konstitusyon dahil inaaksayan nila ang bilyong bilyong pisong pondo ng gobyerno at salapi ng ordinaryong lider ng barangay.
Malaki na ang nagastos ng Comelec, malaki na ang nagastos ng mga aspirante, mahabang oras na at resources ang naaksaya.
Ito ay isang klase ng problema sa isang “super-majority” kung saan inaakala ng mga hunghang ay mapaglalaruan nila ang proseso sa demokratikong institusyon.
Bigo ang ordinaryong mamamayan na idepensa ang kanilang karapatan dahil dinidiktahan sila ng abusadong mayorya sa Kamara.
Kung papatol o kukunsintehin ito ng Senado ay nananatiling isang malaking palaisipan sa mga susunod na araw. Kaya, wala na tayong magagawa pa kundi ang manahimik. Kahit naman kasi mag-rally ka sa Mendiola, magpapakapagod ka lang. Eh, bakit gugustuhin mo pa ang magsayang ng lakas.
Other Danilo C. Ambrocio Articles