DUMIRETSO sa Washington ang delegado ng South Korea na nakipag-usap nang personal kay North Korea strongman Kim Jong Un.
Sa ilang ulat, umaasa ang South Korea na magkakaroon na ng kapanatagan sa kanilang peninsula. Mabuti naman kung ganoon. Huwag sanang paasa. Wala namang mapapala sa away-away. Magkakasakitan lang, may madadamay pa. Huwag ganoon. Isipin ang nakakarami kaysa sa gusto lang.
Sinasabing umamin si Kim Jong Un sa South Korean officials na last wish ng kanyang ama na matanggal ang nuclear weapons na siyang nais niyang ipatupad.
Nilinaw ni Kim na gumagawa sila ng nuclear arms upang mapigil ang US na salakayin sila. Ah, ‘yon naman pala. May katwiran naman pala.
Pero kung matitiyak ng malalaking bansa na hindi sasalakayin ang North Korea, kusa nilang ititigil ang paggawa ng nuclear weapons. May kondisyon pa, ah. Okay naman sana pero, paano naman kung hindi sila tumupad? Siyempre, kailangan din naman nilang maniguro. Sa panahon ngayon, kailangang maging sigurista. Dapat laging handa para hindi maisahan.
Maging si US President Donald Trump ay positibo sa bagong relasyon ng South at North Korea. Umaasa rin siya na simula ito upang matigil ang paggawa ng nuclear weapon ng Pyongyang.
Isang magandang balita ay ang pagkukusa ni Kim na kausapin nang personal si Trump.
Kapag nangyari yan—magiging aspirante ang dalawang lider sa taunang Nobel Peace Prize award dahil makakasiwan ang mailap na kapayapaan sa buong mundo.
Makikita dito na seryoso ang dalawang Korea na mag-usap at makasumpong ng solusyon sa krisis. Mabuti ‘yan. Pag-uusap lang naman talaga ang kailangan para magkaunawaan.
Malinaw din na ang sagabal sa kapayapaan at pagsasanib ng dalawang Korea ay ang mismong US na nanghihimasok lamang. Kung minsan talaga, mahirap ‘yung nanghihimasok lang. Kahit sabihing mabuti naman ang kanilang intensyon, sila pa rin ang lalabas na masama.
Malinaw na walang motibo si Kim na bombahin ang kapatid na bansang South Korea. Mabuti naman kung ganoon. Sana lang hindi nagsisinungaling.
Sa ganyang pananaw, hawak ng US ang desisyon kung mananatili itong kontrabida o maging bida sa pagbubuklod ng dalawang Korea sa hinaharap. Wala naman sigurong masama kung pipiliin lagi na magpabida.
Ang mga artikulo ni Danilo C. Ambrocio