Komentaryo: Bakit may kriminal, bakit may adik?

0
378
Komentaryo: Bakit may kriminal, bakit may adik

MARAMI ang nagtatanong ng pa-komentaryo: Bakit kahit itinutumba ang mga adik at tulak ng droga, napakarami pa rin ang nahuhuli sa akto na nagbebenta at humihithit ng shabu? 

Bakit kaya kahit alam na makakasuhan, makukulong at mapapahiya, marami pa rin ang nagnanakaw sa kaban ng bayan? 

Bakit kaya kahit alam na masama ang pumatay, marami pa rin ang pumapatay? 

Matagal nating sinaliksik ito kung ano ang sagot sa tanong : Bakit kahit alam ng isang tao na masama ang isang desisyon at aksiyon—yun pa rin ang kanyang ginagawa? 

Bakit kahit alam na masama ang softdrinks, inom-inom pa rin ng soda at maasukal ang tao? 

Bakit kaya kahit masama ang magpuyat, sangkaterba pa rin ang nagtatambay sa bangketa ? 

Bakit kaya kahit masama ang taba ng baboy at mamantikang pagkain iyong pa rin ang nilalantakan? 

Bakit kaya’t kahit masama ang processed foods at may kemikal na pagkain, iyon pa rin ang paborito? 

Kahit masama ang magtsismis o magkalat ng pekeng balita, iyon pa rin ang ginagawa ng marami? 

Opo, iisa ang sagot dito. 

Ito po ang tinatawag na akrasia. 

Ang akrasia, ay ang ugali o nakamihasnan ng tao na kung alin ang mali, ay yun ang kanyang ginagawa kahit may mas tamang dapat niyang sundin. 

Matagal na pinagdebatehan ito ng mga iskolar pero hanggang ngayon ay hindi nasagot. 

Ang tanong na iyan ay nagsimula pa sa panahon nina Socrates, Plato at Aristotle—na sinundan pa ng mga iskolar –pero hindi rin naresolba. 

Ilan sa malinaw na sagot ay:Kumikilos ang tao, hindi gamit ang “katwiran” o reasoning, bagkus ay ang emosyon. 

Ang emosyon ang nagtutulak sa aktuwal na pagkilos kaya’t kahit alam niya  ang “mas tama”—yung mali pa rin ang kanyang ginagawa. 

Sa ibang panig, sinasabing ang subconscious o natatagong kamalayan, kung saan nakasiksik ang pagnanasa—ang siyang nagtutulak sa tao na kumilos nang mali  kaya’t napupuwersa ang  kamalayan na ito  ang gawin. 

Sa iba pang katwiran, mali ang ikinikilos ng tao—dahil inaakala niyang “tama” ang maling gagawin kung saan nag-uugat ang masamang ugali o pagkilos sa kamangmangan. 

Ibig sabihin, hindi niya alam ang “tama” kaya’t “mali” ang kanyang kinasasadlakan. 

Kung gayon, ang maling pagkilos—ay hindi mula sa aktuwal na kamalayan—kaya’t ang mga kriminal o mga adik—ay pwedeng sabihin—HINDI NILA ALAM ANG KANILANG GINAGAWA. 

Sa ganyang pananaw, maaari silang maabsuwelto sa hukuman o kaya ay hindi ganap na masisi sa kinasadlakan nilang buhay. 

Imbes na isisi sa kanilang kamalayan, matutuklasan natin dapat silang wagas na KAAWAAN. 

Pumalya ang utak na mapigil nito ang “mali” at ipatupad ang “tama”—na hindi nila nagawa tulad ng marami mong ring mali na hindi mo rin nagawang mapigil sa nagdaang mong buhay. 

Pero sa batas ng tao, sa alinmang gobyerno—hindi ang pagkadispalinghado ng utak ang batayan ng “parusa” o pag-absuelto, bagkus ay ang aktuwal na paggawa ng krimen at kung gaanong kalaki ang epekto sa kapwa nilalang. 

Paalala: Ito ay komentaryo lamang ng manunulat na si Danny C. Ambrocio. Hindi ibig sabihin ay paniniwala rin ng Philippineone at ibang manunulat. Maraming salamat po.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here