KINUKONTRA ANG PAGBABALIK NI LABS

793
Dear Maria: Advice column on PhilippineOne

Dear Maria,

Binalikan ako ni labs kaya lang marami ang kumokontra. Super duper happy man ako sa relasyon namin, nasasaktan ako at nahihirapan dahil sa kanilang pagkontra. – Megan

 

Megan,

 Kahit sa totoong buhay, hindi nawawala ang mga kontrabida. Kaya, kung iintindihin mo sila, mawawala ang happiness mo. Ano ba ang importante sa’yo, ang iniisip nila o ang nararamdaman mo? Hindi ba, may importante ang feelings mo? Kung ganoon, bakit papansinin mo sila kung hindi naman sila importante sa buhay mo? Wait, sila ba ay iyong mga tsismosa lang sa kanto? Kung sila ay ang pamilya at mga  kaibigan mo, kailangan ay pakinggan mo rin sila. Baka hindi mo alam, sila ang mga taong tunay na nagmamahal sa’yo. Kung kinukontra man nila ang iyong mahal, I’m sure hindi dahil sa gusto ka nilang saktan. Tiyak na may matinding dahilan kung bakit nila inaayawan ang labs mo. So, ang tanong ko, bakit umalis siya sa’yo at bakit binalikan ka niya? Kung niloko ka niya, hindi ka ba natatatakot na baka umilis na naman niya ang panloloko sa’yo?

 Para sa akin, ang second chance ay ibinibigay lang sa taong karapat-dapat. Hindi naman masama kung muli kang susugal sa kanya, kaya lang, naitanong mo na ba sa’yong sarili kung handa kang masaktan ulit?

 Kung kaya mong mahalin ang isang tao na nagawang saktan ang kalooban mo, hindi naman siguro mali kung mas mamahalin mo ang iyong sarili. Kapag nagawa mo ito, magiging maingat ka na. Hindi mo na nanaisin pang masaktan na naman. Higit sa lahat, hindi na magiging kontrabida ang tingin mo sa mga taong nagsasabing, ‘ano ba ‘yan binalikan mo na naman ang lalaking ‘yan.’ Dahil baka naman tama ang sinasabi nila, sadya lang nagbibingi-bingihan ka dahil mas pinipili mong maging happy sa ngayon.

 Ngunit, kontento ka na ba talaga sa pansamantalang kaligayahan? Hindi ko naman  tinatanong ito dahil gusto ko lang pabigatin ang loob mo. Ang nais ko nga, maging happy ka rin. Pero, alam mo ba, malabong maging masaya ka sa piling ng maling tao. May mga tao kasing ningas kugon lang. Sa simula lang magaling pero habang tumatagal, nag-iiba sila. Mula sa pagiging mabuti ay nagiging masama. Nangyayari ito kung likas na sa isang tao ang sama ng kanilang ugali o pagiging manloloko. Kaya, kung ganito ang mahal mo, huwag kang umasa na magkakaroon kayo ng happy ending.

Kung hindi ka talaga mapigilan, ganito na lang ang payo ko sa’yo. Mahalin mo siya ngunit huwag mong ibibigay sa kanya ang buong puso’t kaluluwa mo. Magtira ka para sa’yong sarili para kapag nagkahiwalay uli kayo, hindi ka na gaanong masasaktan. At kapag nga napagtanto mong tama lang ang pagkontra ng mga tao sa relasyon ninyo, huwag kang madi-disappoint. Ganyan talaga ang buhay. Basta tandaan mo na lang, hindi pa huli ang lahat. Malay mo, isang araw ay dumating din ang lalaking inilan talaga ng tadhana para sa’yo.

 Alam mo ba kung paano mo matitiyak na siya na si Mr. Right? Kapag ang mahahalagang tao sa’yong buhay ay nagsabi ng aprub sa lalaking pinili mong mahalin.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here