Kayang Magbago ng mga Adik (MMK Addicted to Love)

1068

Julinda Gallego

Juli Gallego is a 19-year-old journalism graduate and aspiring novelist. She is hoping to make a dent in the universe, one story at a time.

Latest posts by Julinda Gallego (see all)

Pinatunayan ng episode ng Maalaala Mo Kaya noong Sabado, Setyembre 2 na kayang magbago ng mga drogista.

Ang kwento ng MMK Addicted to Love ay tungkol sa buhay nina Randy (Xian Lim) at Mutya (Shy Carlos). Sa simula, si Randy ay isang simpleng bata. Mabait, matalino, mayos na nag-aaral at kadalasan ay nakakukuha ng pinakamataas na marka sa eskwela. Higit sa lahat, siya ay mapagmahal na anak sa kanyang ina. Para matulungan ang kanyang nanay ay napilitan itong maging macho dancer sa isang club at nagsimulang gumamit ng droga para masikmura ang trabaho.

Samantala, si Mutya naman ay isang dalaga na matagal nang pinagdadaanan ang hirap at deskriminasyon tungkol sa kanyang timbang. Dahil sa kagustuhan nitong magpapayat, siya ay napabaling sa paggamit ng droga.

Nakakaawa ang sinapit ni Randy sa paggamit ng droga. Para saakin, napaka-importante ng parte kung saan nagmamakaawa na si Randy sa kanyang ina na dalhin siya sa rehab, pero tumakbo lamang ito dahil sa takot sakanya. Mapapa-isip ka sa mga eksenang ‘to – maraming mga tao ang imbis na tulungan ang mga lulong sa droga ay walang ginagawa o di kaya’y mas pinaiiral ang takot mula sa mga tao. Kung sa parte pa lamang na ito ay gumawa na ng paraan ang ina niya at dinala siya sa rehab, mas malaki ang tyansa na maagang napabuti si Randy.

Ganoon rin ang ganap kay Mutya, hindi suportado ng mga magulang ang pagdodroga nito ngunit hinayaan pa rin nila at wala silang ginawa para mapatigil ito. Sa mga taong nalululong sa droga, hindi umpeepekto ang mga pag-iyak at pagmamakaawa. Ang kailangan ay medical na tulong at rehabilitasyon.

Makikita mo rin sa kwentong ito kung gaana husgahan ng lipunan ang mga taong tulad nina Randy at Mutya. Tinuturing silang salot sa lipunan, hindi pinagkakatiwalaan, at kinatatakutan. Maging pamilya at mga kamag-anak mismo ay nagiging kaaway nila. Nakikita natin ang katotohanan sa buhay ng mga lulong sa droga at nabibigyan tayo ng ibang pananaw tungkol sa adiksyon na ito. Higit sa lahat, makikita sa kwento na ito na sila ay tao pa rin na may pinagdadaanan at may karapatang mabigyan ng pagkakataon.

Napakahusay ng pagganap ni Xiam Lim. Nakakatakot ang karakter nito habang lulong sa droga, at mabibigyan ka ng ideya ng kinalalabasan ng mga taong nasasangkot sa mga bawal na gamot. Ang galing rin ni Shy Carlos. Napakita niya ang hirap na dinadanas ng mga tao na dumadaan ng withdrawal sa droga, ang pangangailangan ng katawan, at ang hindi naiiwasan na pag-relapse.

Mahusay at napapanahon ang episode na ito hindi lamang dahil sa tinatalakay nito ang mga illegal na droga, kundi dahil sa pagpapakita nito na may kakayanang magbago ang mga tao. Sa mga nakalipas na buwan, naging malaking debate kung nararapat nga bang bigyan ng pagkakataon ang mga user at pusher sa bansa. Marami ang naniniwala na wala nang pag-asang magbago ang mga ito at tama lamang ang mga pagpatay sa kanila, ngunit ang episode na ito ang patunay na hindi pa huli ang lahat para sa kanila.

Habang lulong sa droga, maraming masasamang bagay ang nagagwa ng isang tao. Nawawala sila sa sarili at ang iba ay umaabot sa punto na nakakagawa ng mga krimen. Hindi ko itinatanggi na ito ay masamang bisyo na kailangan sugpuin. Ngunit, kailangang maintindihan ng sambayanan na kaya pang magbago ng mga drogista. Hindi kinakailangan na ang mga ito ay umibig tulad nina Randy at Mutya. Oo, mahirap na proseso ang pagbabago at pagtigil ng isang bisyo, ngunit hindi rin dahas at pagpatay ang solusyon. Ang kinakailangan nila ay pag-unawa, at medical na tulong mula sa gobyerno, rehabilitasyon, at reintegrasyon. Kung mabibigyan lamang ng pagkakataon, kakayanin ding pagtagumpayan at talunin ng sinumang dumadaan sa parehong problema sa droga ang adiksyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here