KAYA NGA BA AYOKO SA FACEBOOK, E.

0
636

Latest posts by @nagmamatyag (see all)

Noon pa man halata nang may matinding lagim na bumabalot sa pinakapopular na social media platform-ang Facebook. Napakabilis ng usad ng mga newsfeed ng mga FB user kung kaya’t di nila ramdam na nagagamit na pala sila o kaya’y natatamnan na ng kung anu-ano ang kanilang mga isip.

Madalas akong makarinig ng ganito: “Ma’am, totoo po ba na [babanggitin ang balitang nasagap na hindi naman totoo]?” Tanong ko naman [na medyo nakataas na ang kilay]: “Saan mo naman nabasa iyan?” Sagot: “Sa FB po.” May kasama ng ismid ang sagot ko: “Hindi totoo yan. Fake news.” Nakalulungkot na dati-rati kapag may balita, ang sasabihin ng tao sa TV o sa radio o sa diyaryo niya nakita iyon. Nang nauso ang cellphone at email, ang sagot ay may nagforward sa kanya ng info. Ngayon, ang bilis sasagot ng: “Nakita ko sa FB.”

Kelan pa naging credible news source ang isang social media platform na dinisenyo para sa pag-aanunsyo ng mga kainggit-inggit mong ginawa, nakamit o pinasyalan? Noong una, maganda itong medium ng interaksyon ng mga magkakamag-anak na magkalayo o bihirang magkita at mga dating magkaklase na kung saan-saan na pinadpad ng kapalaran.   Kung tutuusin, lagi akong huli sa balita pagdating sa reunion o burol dahil wala ako sa FB group ng aking mga kaklase noong hayskul o college. Pagkatapos kasing kinalimutan nila ang yahoogroup ay di ko sila sinundan sa FB.Ewan ko, nagtampo kasi ako noon dahil nauna akong nag MySpace at wala akong kakilalang mahatak doon. Ayoko naman ng Friendster at mabilis ding nalaos iyon.

Ngayon, ang aking mga kaguro at mga administrador, lahat nasa FB. Ang mga anunsyo mula sa division ay sa FB rin nakikita. Di ako sanay sa ganyang komunikasyon dahil sa aking palagay kung seryosong trabaho ay dapat iniemail man lang ang gustong sabihin o gawin. Pero hindi, lubha nang dependent ang maraming tao sa FB. Lalo na ang mga guro. Hinihikayat ko silang magTwitter o kaya ay Telegram (kaysa Viber) pero FB lang ang libre sa mga load. Yun rin ang isang dahilan bakit naging pangunahing daluyan ng impormasyon (totoo man o hindi) ang FB. Ang ating mga OFW ang isa pang malaking sektor na dependent dito. Sila nga ang mina ni Uson di ba?

Nabalitaan niyo na ba na di na maikakaila ng Facebook ang naging papel nito sa pagpipilipit sa katotohanan at pag-impluwensiya sa pag-iisip ng mga botante sa Pilipinas at Amerika noong 2016 na nagresulta sa karumal-dumal na pagkapanalo ng dalawa sa pinakanakalulunos na uri ng lider sa dalawang bansang ito? Grabe. Lumalabas pa yata na sa Pilipinas nagdry-run ang mga kapural sa propagandang ito bago nagtagumpay sa Amerika. Ang galing ng Pilipinas! Little Brown Brother pa rin ng Amerika pati sa pagkakamali sa pagboto at pagpapagamit sa Facebook. Naku. Zuckerberg. Iniidolo pa naman kita noon at dinidiscuss ko pa ang iyong tagumpay sa murang edad sa aking mga naging estudyante. Hindi rin pala nagbago ang gimik mo ng paggamit mula nang inagaw mo ang ideya ng social networking sa mga kaeskwela mo sa Harvard. Akala ko pa naman mabait ka lalo pa’t may pamilya ka na. Sana alam mo kung ilang buhay ang winasak ng pakikipagsabwatan ng kompanya mo para tulungang goyoin ang mga botante para kay Duterte o kay Trump.

Akalain ba natin na ang bilis ng daloy ng impormasyon sa Internet ang siya ring magpapamangmang sa marami sa atin? Di na kasi halos nagbabasa.Mas gusto na ang mga meme o malalaking letra ng anunsyo o headline kahit pa di naman na-check kung galing nga sa credible na source. Marami sa atin ang nakasubsob sa ating mga gadget saan man mapuesto pero ang bilis namang magscroll down sa mga post at update. Hihinto lamang kapag may nakapukaw ng interes at madalas ay walang kwenta naman ang hatid na kaalaman ng nakaakit na post o update na iyon.

Kaya nga ba ayoko sa Facebook,e. Naging kasangkapan ito ng mga masasamang loob at mga gahaman at makasarili para alipinin ang mga tao sa kanilang kamangmangan sa tunay na mga pangyayari. Ang pang-aalipin na ito ay hindi masakit tulad ng hampas ng latigo o suntok ng kamao. Pero ang latay nito ay mas matagal maghilom dahil ang sugat ay nasa katinuan, karunungan, at moralidad. Isang sakit ang dala nito na wala pang bakunang naiimbento. Alis na kayo sa Facebook!

More @nagmamatyag

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here