Kasal, Isa nga bang Pundasyon ng Pag-ibig na Panghabambuhay?

togetherness

Ang kasal ay parang taling nag-uugnay sa dalawang pusong nagmamahalan ngunit hindi naman ibig sabihin noon ay di iyon mapuputol kung may isa sa pareha na tumalikod sa kanilang sinumpaan. Na hanggang kamatayan ay sila lang ang dapat magsama, kaya kung may ibang namamagitan sa kanila ay siguradong magiging dahilan ng pagwawakas ng kanilang relasyon. Kung minsan naman ay hindi lang ibang tao ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng problema ang pagsasama kabilang na siyempre ito ang tatalakayin natin ngayon.

“Balewala ang kasal kung puro pagmamahalan lang, kailangan din naman siyempre na mayroong respeto at pagtitiwala. Mabuti na lang at ganoon kami ng husband ko. Kapag may problema, pinag-uusapan namin. Hindi namin tinatakasan. Marami riyan, konting problema lang, umaayaw na sa pagsasama.”Mrs. Santos

Sa mga pagsubok ay kailangang maging matatag ang mag-asawa. Sa pamamagitan noon ay magagawa mo na rin ninyong  ipaglaban ang inyong pagmamahalan. Sa bawat paglutas ng inyong problema nang magkasama ay mas pinatatatag ninyo ang inyong relasyon. Tandaan parati na kayo ang laging magkakampi. Walang ibang dapat magtulungan kundi kayong dalawa.

“Kailangan mo ring suportahan ang iyong asawa sa kung ano ang gusto niya. Hindi maaari iyong ikaw lang ang iintindihin niya. Dapat magbigayan. Dapat magtulungan.”  — Ciara

Tiyak na ang puso ng asawa mo ay laging lalambot sa’yo kung nararamdaman niyang lagi kang nandiyan para sa kanya  Kaya, anuman ang gusto niya sa buhay ay huwag kang maiinis at lalong huwag mo siyang aawayin dahil di ‘yan makabubuti sa inyong relasyon Magiging simula pa ‘yan ng inyong pagkakasira

“Huwag kang magtataksil. Kung sakali mang may nanunukso sa’yo ay iwasan mo na. Kung maaari ay sabihin mo sa’yong asawa dahil siya ang higit na makakatulong sa’yo para talagang ikaw ay makaiwas” Bea

Anuman ang pagkukulang sa’yo ng iyong asawa ay hindi ka dapat tumingin man lang sa ibang lalaki o babae dahil ‘yan ang sisira sa inyong relasyon. Kailangan ay maging tapat ka palagi sa’yong kabiyak upang manatili sa pagitan ninyo ang magandang samahan. Kapag kasi may iba kang natipuhan, siguradong unti-untina ring magbabago ang pagtingin ninyo sa isa’t isa.

“Ang pagsisinungaling ay para ring magnanakaw. Magiging dahilan ito para ang pagtitiwala ninyo sa isa’t isa ay gumuho. At pagkaraan lamang ng ilang panahon ay unti-unti na ring maglalaho ang pagmamahal. Kung mahal mo ang iyong asawa ay hinding-hindi mo maaatim na siya ay lokohin dahil maaaring maging dahilan ‘yan ng katapusan ng inyong pagsasama” Martina

Kahit gaano pa kasakit ang katotohanan, kailangan mo itong ibahagi sa’yong asawa para naman hindi ka niya magawang pagdudahan. Sa relasyon ay talagang napakaimportante ang inyong katapatan kaya huwag na huwag mong hayaan na masira iyon ng pagsisinungaling. Mabuti pang bago mo man lang maisipan na magsinungaling ay balikan mo rin sa alaala mo ang masasaya ninyong pinagsamahan.

Ang katamaran ng babae sa kanyang responsibilidad sa kanyang mister ay maaaing magpabago sa pagmamahal.” — Abby

Huwag mong isipin na porke nagpakasal ka ay magiging alila ka na ng lalaking minamahal mo. Hindi siyempre ganoon lang iyon. Responsibilidad mong alagaan siya at mahalin habambuhay. Hindi mangyayari iyon kung iaasa mo sa katulong ang lahat ng kanyang pangangailangan. Kaya, maigi talaga na ikaw ang personal na mag-aasikaso ng pangangailangan niya. Kapag mahal mo naman ang isang tao ay magiging madali sa’yo na gawin iyon.

“Dapat lamang na maging sweet ang mister sa kanyang misis o ang misis sa kanyang mister kahit na ilang taon na silang nagsasama.”Loy

Ang haba ng pagsasama ng mag-asawa ay makikita rin kung gaano nila inaalagahan at minamahal ang bawat isa. Huwag mahihiya na ipakita sa partner ang pagmamahal sa anumang oras at pagkakataon. Isipin mo na lang din na iyon ang magiging dahilan kung gaanong tatagal ang inyong pagsasama.

“Kahit na kasal ka ay huwag mong isipin na magiging panghabambuhay ‘yan kung kinakalimutan mo naman ang lahat ng responsibilidad at obligasyon mo sa’yong kapareha.Dahil ang pagsasama ay talagang hindi magtatagumpay kung hindi mo naman ito mapapangalagaan.”  Diego

So, anong kailangan mong gawin? Alamin mo ang iba’t ibang sangkap ng pagsasama. Hindi lamang pag-ibig, kasama na ang respeto at pagtitiwala ay siyempre, kailangan ay sahugan mo ito ng pagsuporta,  paglalambing at huwag na huwag mong kalilimutan gawin ang iyong mga obligasyon sa’yong napangasawa. Sa pamamagitan nito ay magagawa mong makuha ang pag-ibig na iyong inaasam.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here