Karunungan mula sa isang Troll

735

Ang diyalogong ito ay gawa-gawa lamang at nakakuha ng inspirasyon mula sa dulang A Game of Trolls. Anumang pagkakapareho sa totoong tao, kaganapan, o ibang materyal ay nagkataon lamang.

Imagine. Kung anong sasabihin ng troll mula sa hinaharap sa kanyang sarili na nandito sa kasalukuyang panahon at nagtatrabaho bilang isang troll.

Jude 2037: Psst… Psst…

Jude 2017: Woah. Sino ka? Paano ka nakapasok sa kwarto ko?

Jude 2037: Ako ay ikaw. Di mo ba ko namumukhaan? Kwarto mo? Kwarto natin ito!

Jude 2017: Multo ka ba? Please! Umalis ka na! Takot ako sa multo.

Jude 2037: Alam ko. Syempre, takot din ako sa multo. Dahil ako nga ay ikaw. Pero ako yung 45 years old na ikaw.

Jude 2017: Weh! Ano ito joke? Di naman ako nagdadrugs! Bakit ako maghahallucinate ng ganito?

Jude 2037: Galit tayo sa drugs. Wag ka ngang ano diyan! Pero nandito ako para balaan ka sa kung anumang ginagawa mo ngayon.

Jude 2017: Alin? Itong trabaho ko ngayon? Trabaho mo rin ito uy! Okay nga ang kita diba kaya mo tinanggap yung offer.

Jude 2037: Oo nga, trabaho lang. Pero tumanda na ko at na-realize ko na ang selfish ng ginawa ko. Ginawa natin. Di ko naman alam na may malaki palang epekto ang pagiging, yung tinatawag nilang, troll. Ang mahalaga lang sa akin noon, eh, bukod sa suporta ko sa War On Drugs at least kumikita pa ko.

Jude 2017: Ano bang pinagsasasabi mo diyan? Syempre kampi tayo sa War On Drugs. Salot talaga yang droga, pusher, at mga adik. Dapat sa kanila mawala lahat!

Jude 2037: Jude. Batang Jude. Tama naman, masama ang droga, pero hindi tama ang pamamaraan ng kampanya laban sa droga sa panahon ni Duterte. Madaming namamatay na tao, guilty man o inosente. Hindi sila diyos para humusga sinong dapat mamatay. Mali ang bulag na pagsuporta.

Jude 2017: Anong nangyari sayo? Tunog dilawan ka na!

Jude 2037: Sabihin na lang nating pag tumanda ka talagang ma-rerealize mo lang ang mga bagay pati ang mga mali mo sa buhay. Parang ito. Hindi lang tayo nagsisinungaling, nanloloko, nanlilito pa tayo ng mga tao. Sobra na ang fake news! Isipin mo nakakasira din ito ng lipunan parang droga.

Jude 2017: Boring!!!

Jude 2037: Seryoso Jude. Sa pagkakalat natin ng fake news at pamimilosopo natin online, lalo nating ginagawang bobo ang mga kababayan natin. Nababawasan ang kritikal nilang pag-iisip. Nating lahat. At bumababa ang level ng diskurso. Anong kinabukasan na lang mayroon ang isang bansang mangmang at hindi alam ang kasaysayang babalikan.

Jude 2017: Wow Jude tatalino pala tayo! Big words ha.

Jude 2037: Yung kinikita natin sa pagiging troll, barya lang yan. Pero yung pagbabayaran natin at ng mga kababayan natin, malaking-malaki. Ginagamit tayo ng mga totoong kalaban. Nililigaw natin ang taumbayan, ang lahing Pilipino.

Jude 2017: Mukha bang may pakealam ako? Kelangan ko lang ng pera. At tsaka gusto ko lang barahin at mapatahimik yang mga dunung-dunungan na yellowtards na yan. Kala ba nila sila lang marunong magmahal sa bansa.

Jude 2037: Maraming bagay ang higit na mahalaga kaysa sayo, sa atin, at sa kanila. Huwag kang selfish Jude. Maghanap ka ng trabahong may kabuluhan. Kung mahal mo talaga ang bansa at gusto mong umayos ang Pilipinas, mag-iingat ka sa iyong mga ginagawa. Sisimulan mo ang magandang pagbabago sa iyong sarili. Hindi kasama ang pagiging troll sa mga pwede mong gawin para makatulong.

Jude 2017: Ok fine. Sabihin mo nga sa akin, matatapos ba itong labanan na ito sa online, sa social media?

Jude 2037: Gustuhin ko man, pero hindi ko pwedeng sabihin. Ang maipapayo ko lang sayo ay hindi ito matatapos hangga’t may mga trolls na tulad mo at natin. Mga taong nagtatago ng katotohanan, umiiba ng kasaysayan, pinagtatakpan ang mga kamalian, at binabaligtad ang mabuti. Nasa kamay mo Jude ang kinabukasan nating lahat.

Habang nanonood kami ng dula ay naisip ko na kung noong unang panahon pinalabas ang materyal na ito ay malamang na hinuli na ang mga direktor, manunulat, at artista. Gayundin, ang kalayaang tinatamasa para makapagpost sa social media kahit na mayroong pagtatalo ng mga ideya ay dahil sa mga taong nauna nang lumaban para dito.

Ngunit ngayon, maaaring ang pagsakal sa kalayaang mayroon tayo ay nagagawa sa pamamagitan ng pagkakalat ng fake news ng mga taong gustong kontrolin ang kapangyarihan at bansa para sa kanilang sariling interes.

Hindi malaya ang isang bayan na nabubuhay sa kasinungalingan at binabagong kasaysayan.

Panoorin ang A Game Trolls, ang pagkekwento ng Martial Law para sa mga millennials. Tuloy ang pagtatanghal hanggang Setyembre 30, 2017 sa PETA Theater Center. Para sa tickets, pumunta sa https://www.ticketworld.com.ph/ #

SHARE
Previous articleANG KAHULUGAN NG PAGYUKO AT PAGYUKOD SA PANAGINIP, IPAPALIWANAG NI MAESTRO
Next articleKadamay binigyan na ng Bahay, Demanding Pa!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here