Kape at pagbubuntis

0
274
Kape at pagbubuntis

SA mga misis nating tagasubaybay ng philippineone, nagpaplano na ba kayong magbuntis pero hindi naman matuluy-tuloy? Baka naman heavy drinker kayo ng kape at naaapektuhan nito ang inyong pagdadalang-tao. Sa panahon ngayon, napakasikat ng kape at kalaban na ng softdrinks at beer sa dami ng kumukonsumo. At kung dati-rati ay mga lalaki lang ang mahilig sa kape, ngayon ay maging ang mga babae na rin lalo na nang mauso ang iba’t ibang timpla nito.

Pero gaya nang nabanggit sa itaas, maaari nga bang makasira sa fertility ng isang babae ang pag-inom ng caffeine?

Isang pag-aaral ang lumabas sa ‘British Journal of Pharmacology’ ang nagsasabing ang pagbabawas sa pag-inom ng caffeine ay makatutulong sa mga babaing nahihirapang magbuntis.

Ayon sa mga researcher mula sa University of Nevada School of Medicine sa Estados Unidos, nakita nila mula sa kanilang pag-aaral na ang caffeine ay maaaring makasira sa fertility ng mga kababaihan dahil sa nagagawa nitong ma-relax ang cells mula sa mga muscle ng fallopian tubes na siyang nagdadala ng mga egg cell mula sa obaryo papunta sa matris. Dahil dito, napipigilan ang pag-urong o pag-ikli ng muscle sa fallopian tube kung kaya’t nahihinto ang paglalakbay ng egg cells. Ito ang tinuran ng researcher na si Sean Ward sa health website na MyHealthNewsDaily.

Sinubukan ni Ward at ng kanyang grupo ang epekto ng caffeine sa daga na sinasabing may reproductive similarity sa tao. Hindi naman sila nagbigay ng detalye tungkol sa kung gaanong bilang ng caffeine intake ang maaaring makasira sa fertility, pero ang dami na ginamit nila sa eksperimento ay katumbas ng dalawang tasa ng kape para sa tao.

Dagdag pa ni Ward, ito raw ay nagbibigay ng nakaiintrigang paliwanag sa katanungang bakit ang mga kababaihang mataas magkonsumo ng caffeine ay mas matagal magbuntis kaysa mga kababaihang hindi kumukonsumo ng caffeine.

May mga pag-aaral na rin na naisagawa sa nakalipas na mga taon ang nagpapakita ng koneksyon sa pagitan ng caffeine at fertility problems. Sa isang pag-aaral noong 1993, nakita na ang pag-inom ng caffeine ng sobra sa “moderate amount” o ‘yung katamtaman lamang, ay nakapagpapababa ng 27% sa posibilidad na magbuntis ang isang babae.

Pero gaano ba karami ang sobra sa katamtaman na pag-inom ng kape?

Ang pag-inom daw ng sobra sa dalawang tasa ng kape sa loob ng isang araw, o 200 milligrams ng caffeine ay masasabing sobra na. Gayunpaman, nakita rin sa nasabing pag-aaral na ang mga babaing umiinom ng mas kaunti sa isang tasa ng kape sa isang araw ay nagkakaroon ng mababa sa 10% na tsansang magbuntis.

Kaya naman kung kayo ay nagnanais na magbuntis ngunit nagkakaroon ng problema, ipinapayo ni Ward na kausapin ninyo ang inyong doktor at ikonsulta ang inyong pag-inom o sobrang pagkonsumo ng caffeine na maaaring sanhi ng problema o nakakaapekto sa inyo. Ang caffeine ay may kakaibang epekto sa iba-ibang paraan at sa iba’t ibang tao kaya naman maaaring makaapekto ito sa fertility ng ibang kababaihan sa iba ring paraan.

Gayunpaman, may epekto man o wala ang kape sa pagbubuntis, mas makabubuting iwasan muna ito ng mga nagdadalangtao para makatiyak na magiging malusog ang sanggol sa kanilang sinapupunan. Kung healthy ang mommy, healthy rin ang magiging baby.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here