Kahulugan ng palay, mais at bigas

1
6881
Maestro Honorio Ong

Maestro Honorio Ong

Si Maestro Honorio Ong ay tubong Bulacan. Anak ng mag-asawang Ka Talia at Kapitan Sucing. Bunso at pinakaguwapo sa sampung magkakapatid. Nagtapos ng Bachelor of Science ,Major in Clinical Psychologysa Far Eastern University, Sampaloc, Manila. Sa University ring ito nag-aral at kumuha ng Master of Arts in Clinical Psychology.
Maestro Honorio Ong

Dream Interpretation Isyu # 126

Tunghayan naman natin ngayon ang panaginip ni Lian, tungkol sa palay, mais at bigas.  

Dear Maestro, 

Ano po ba ang kahulugan ng palay, mais at bigas sa panaginip?Unang panaginip ko po ay nag-aani po ako ng palay, pero nang napuno na ang kamay ko ng palay bigla akong nasugatan sa kamay ng gamit kong pang-ani. Tapos nilapag ko ang isang bungkos ng palay para ayusin ang gamit kong pang-ani ng palay, tapos biglang dumating ang kapatid ko at binigyan ako ng isang bungkos na palay pero ng titigan ko po ay naging mais. Inilapag ko ito sa katabing palay kasi aayusin ko po ang gamit kong pang-ani ng palay. 

Pangalawang panaginip ko, isang kuwarto na may sako-sakong bigas at palay ang nakita ko. Ang kaso sobrang lakas daw ng ulan tapos may mga tao sa labas ng bahay na masasama raw po ang ugali. At pilit na pinapapasok ang tubig sa loob ng bahay gamit ang tubo para mabutas at para daanan ng tubig at para mabasa ang bigas at palay sa kuwarto. Pero, gumawa ako ng paraan para takpan ang mga butas gamit ang mga plastic. Sa sahig naman, maraming rubberband akong nakita at pinulot ko para gawing panali sa plastic na ipantatakip ko sa butas para matigil ang pasok ng tubig na umaagos sa loob ng bahay. Pero, bigla naman pong tumigil ang pagpasok ng tubig kung kailan tatalian ko na sana ng rubberband ang mga plastic at itatapal ko sa mga butas. At naisip ko that time, “bakit gustong basain ng masasamang tao ang bigas at palay pagkatapos naman daw po ng malakas na ulan ay ibabahagi rin sa kanila ang mga bigas at palay bilang tulong? 

 

KASAGUTAN:

Ang panaginip mo, Lian, ay isang babala na maaaring mangyari sa susunod na mga panahon sa iyong buhay. Bagamat hindi naman tahasang babala, dahil ang “palay, mais at bigas” ay may iisang kahulugan lamang, dahil ito ay mga “butil” ito ay nagbabadya ng kasaganahan.

Kaya hindi nga babala na matatawag, bagkus ang saktong “term” ay ipinapakita sa iyo ng iyong “unconscious self” ang susunod na magaganap pagkatapos ng kasaganahan, na dapat mong paghandaan.

Samantala,  sa makaluma o pang-tradisyunal na kahulugan,  sinasabing isa sa pinakamapalad na panaginip ang mga butil sa partikular ay ang palay, bigas at mais, sapagkat ito ay nagpapahayag ng kasaganahan. At hindi lang ‘yon, sinasabi ring basta nagsikap ka lang sa buhay, ibig sabihin ay nagsipag ka, siguradong yayaman ka at hindi ka lang yayaman, irerespeto ka pa ng lipunan o kumunidad na iyong kinabibilangan at sa’yong pagtanda magkakaroon ka ng maraming pagkilala at mga karangalan.

At dahil ang palay, bigas at mais ay pangunahing pagkain ng buong pamilyang Pinoy, ibig sabihin din ng iyong panaginip, hindi ka mauubusan ng grasya at hindi sasala sa pananghalian ang iyong pamilya, kung saan, bukod sa laging masagana ang inyong hapag kainan, magiging masagana rin ang iyong pamilya habambuhay.

Sa mga magsasaka at negosyante, ang panaginip na palay, bigas at mais ay nagpapahiwatig ng masaganang ani. Ito ay tanda rin ng maraming kita at doble-dobleng tubo ang darating sa susunod na mga araw.

Samantala sa sa modernong kahulugan o pang-psychology na interpretasyon, sinasabing sa mga taga-Silangan, ibig sabihin ay sa Asia, ang palay, bigas at mais ay itinuturing na pangunahing pagkain. Habang sa Europe naman wheat o trigo ang pangunahing pagkain, kung saan, kapag binigyang kahulugan ang “trigo, palay, bigas at mais” sa panaginip, lumalabas na ito ay may parehong interpretasyon  at dahil ang trigo, palay, bigas at mais ay ang pangunahing pagkain ng mga tao, kapag nanaginip ka nito, ito ay tanda ng “abundance” o kasaganahan. Bukod sa kasaganahan, ang bigas ay naghahayag din ng napipintong pagyaman at pagkakaroon ng maraming-maraming ari-arian at mga kabuhayan.

At dahil ang mga butil ng bigas ay siya ring pangunahing isinasaboy sa ikinakasal bilang blessing, sa panaginip ang butil ng bigas ay tanda rin ng  “fertility’ at masayang pag-aasawa.

Kaya kung ikaw ay isang binata o isang dalaga at nakapanaginip ka ng mga butil ng bigas ito ay nagpapahiwatig na malapit ka nang ikasal o makapag-asawa at sa iyong pag-aasawa, pihadong magkakaroon ka ng isang masaya at masagang pamilya habang buhay.

Para naman sa mag-asawa na wala pang mga anak, ang butil ng mga bigas, palay at mais, tulad ng nasabi na ay kumakatawan din sa “fertility”, ibig sabihin, gumawa lang kayo ng gumawa ng baby, at makikita n’yo, isang umaga kapag nag-pregnancy test na si misis, positive ang magiging resulta, na naghahayag na “buntis si misis at pagkatapos nang siyam na buwan isang matalinong lalaking sanggol ang isisilang na kukumpleto sa pagmamahal ng mag-asawa.”

Samantala tulad ng nasabi na sa itaas, Lian, ang iyong panaginip ay:  ipinapakita sa iyo ng iyong “unconscious self” ang susunod na magaganap pagkatapos ng kasaganahan, na dapat mong paghandaan.”

Ganito yon: Dahil “habang nag-aani ka ng palay ay bigla kang nasugatan”  at sa pangalawang panaginip mo ay “may isang kuwarto na may sako-sakong bigas at palay ang nakita mo, pero napakalakas ng ulan at pinipilit ng mga tao na may masasamang ugali at pilit na pinapasok ang baha sa loob ng kuwarto para mabasa ang palay at bigas” pero ginawan mo ng paraan at bigla naman tumigil ang pasok ng tubig sa kuwarto” ay malilinaw na tanda “paghihirapan mo ang iyong tagumpay, ngunit matapos kang sumagana at umunlad sayong buhay, maraming mga taong maiingit sa iyo, maging ang mga kamag-anak mo, kapamilya at kapit-bahay, pero wala silang magagawa, dahil bilang isang “mabuting tao” (ginawan mo ng paraan para wag makapasok ang tubig sa kuwarto)  at masipag (nag-aani ka ng palay) mananatili ang mga suwerte mo at mga pagpapala habang buhay, kaya kung maunlad ka na sa ngayon o mayaman, lalo ka pang uunlad ng uunlad hanggang sa yumaman pa ng napakayaman, basta’t ang payo, panatiilin mo sa iyong pagkatao ang pagiging masipag at pagkakaroon ng isang mabuting puso sa lalo na sa mga mahihirap at sa mga nangangailangan. Sa ganyang paraan, “bumaha man o umagos man ang tubig, masugatan ka man habang nag-aani” patuloy na dadaloy sa iyong buhay, ang suwerte at magagandang kapalaran habang buhay.  

 

1 COMMENT

  1. good morning po tanong q lng po sna qng ano po ibig sabihin ng panaginip q kagabi n lumubog dw po aq s kumunoy ng kaning baboy po peo nailigtas nman po aq ng isang ale s panaginip q ano pong ibig sabihin po non??

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here