Kahulugan ng pagkain at 3 bangka

Tunghayan naman natin ngayon ang panaginip Jayson tungkol sa pagkain at tatlong bangka sa gilid ng ilog.  

Dear Maestro,

Nag-picnic daw kaming magkakaibigan sa bukid. Maraming mga pagkain, na nakalatag sa dahon ng saging. May isdang inihaw, barbeque, hiniwang mga manggang hinog, hinog na saging, at marami pang ibang handa na hindi ko na matandaan. Basta ang alam ko lang nakakamay kami at masayang nagkakainan. Matapos ang picnic humiga na kami sa kamang kawayan na nasa ilalim ng punong mangga. Tapos noong pauwi na kami, may mga bangka na nakaparada sa gilid ng ilog. Tatlo ang bangka. Ang dalawa’y malayo sa akin, pero maganda at matibay. Ang isa malapit sa akin pero hindi masyadong maganda, dahil bukod sa luma na ay parang sira-sira na rin. Kaya lang dahil ito ang malapit sa akin at gusto ko na ring makauwi,  ito ang pinili ko at nasakay naman ako sa bangka, noon una okey naman, kaya lang ng nasa gitna na ako ng ilog, hindi maganda ang takbo ng bangka, buti na lang hindi ako lumubog, pero gumegewang ang bangka habang nakasakay ako. Mukhang malapit ng lumubog. Hanggang sa nagising na ako. May kaunayan ba ang panaginip kong ito sa pag-apply ko ngayon sa abroad?  Tapos po ako ng Marine Transportation.

KASAGUTAN:

Kadalasan ang panaginip na “kumakain, maging ito ay picnic man”, tulad ng panaginip mo Jayson,  o “kumakain sa handaan o kaya naman ay kumakain ka sa inyong lamesa” ito ay may kaugnayan sa “wish fulfillment”.

Ang nangyayari kasi kadalasan, sa panaginip na pagkain ay ganito: “kapag natulog ka ng “gutom o nagugutom” malaki ang posibilidad na makapanaginip ka ng “pagkain habang ikaw ay natutulog.” 

Nangyaring ganoon, dahil gustong-gustong kumain ng sikmura mo o ni conscious self mo, bago siya natulog. Kaya itong kagustuhan o “wish” na ito ay awtomatikong ipinagkaloob sa’yo ni “unconscious  self mo”, habang ikaw ay natutulog, upang“kahit saglit lang, kahit sa panaginip man lamang ay makaraos at magkatotoo ang paghahangad mo sa isang bagay o pangyayaring gustong-gusto mong mangyari  sa totoong buhay.”

 Ang mga ganitong panaginip tulad ng nasabi na ay tinatawag na “wish fulfillment”  na kadalasan ding napapanaginipan ng isang teenager, halimbawa ng isang babae na may crush sa kanyang ka-eskuwela at lagi niyang naiisip ang crush niyang ito. Malaki ang  posibilidad na sa susunod na mga araw makakapanaginip ang nasabing teenager na “magkasama silang naglalakad o nagkukuwentuhan sa classroom ng kanyang crush.”

Ang ganitong mga panaginip, kagaya rin naman na nagka-break kayo ng boyfriend mo, pero mahal na mahal mo pa rin. Gagawa ng paraan si unconscious self upang muli kayong magkasama. At tulad ng naipaliwanag na, posibleng mapanagipan mo ang ex-boyfriend mo na nagde-date o magkasama kayong dalawa sa isang parke o sa lugar kung saan madalas kayong namamasyal.

Ang ganitong klaseng panaginip tulad ng naipaliwanag na ay isang uri ng “outlet” sa supistikado at high tech na pagkakaugnay o pagkakagawa sa ating conscious at unconscious self na tila, “nagtutulungan silang dalawa, upang magkaroon ng balanse at masarap na karanasan ang  ang isang indibidwal sa pansamantalang buhay natin sa mundo.”

Kaya kapag may “gusto kang mangyari sa walking life mo o sa panahong gising ka, pero imposible o malabong mangyari, matulog ka lang at makikita mo, kusang papangyarihin ito ni unconscious self na parang totoong-totoo ang gusto mong mangyari, – kaya lang, sa panaginip nga lamang.”

Samantala, Jayson sa kabilang banda, kung hindi ka naman natulog ng gutom at nakapanaginip ka ng “pagkain”, kagaya ng panaginip mo “na nag-picnic kayong magkakaibigan sa bukid” ito ay malinaw na tanda na sa susunod na mga araw marami at ibat-ibang uri ng suwerte ang magdaratingan sa iyong buhay.

Ang lahat kasi ng uri ng pagkain sa panaginip ay itinuturing na “suwerte” at nagpapahiwatig din ng “pagdating ng magandang kapalaran, tulad ng kasaganahan at pag-unlad”. Nangyaring ganoon, dahil ang pagkain ang pangunahing bumubuhay sa mga tao at ito rin ay nakapagpapalusog. Ito ang dahilan kaya tayo naghahanap buhay at nagpapakayaman. Kaya, kapag nakapanaginip ka ng pagkain, tulad ng nasabi na, “lulusog at uunlad din ang iyong kabuhayan”.

Bukod sa pagkain, kapansin-pansin ding maraming iba’t-ibang uri ng “prutas” sa iyong panaginip, kung saan, tulad ng pagkain ang “prutas” ay isa rin sa mga itunuturing na suwerte at mapalad na mapanaginipan, dahil ito ay nagbabadya ng “kayamanan, ligaya at masarap na buhay.”

Ibig sabihin, Jayson, ipinapakita ni unconscious self mo ang kasalukuyan mong buhay o ang magiging buhay mo sa future.Magiging masagana, malusog, maligaya at posible ding yumaman ka, lalo na kung madalas kang makapanaginip ng mga pagkain.

Ang naging problema nga lamang sa iyong panaginip ay ng mag-uuwian na kayo, kung saan, makakita ka ng “tatlong bangka sa gilid ng ilog” ay namili ka ng sasakyan. Kaya lang ang bangka hindi masyadong maganda, dahil bukod sa luma na ay parang sira-sira pa” ang napili mo, “dahil iyon ang mas malapit sa iyo.”

At pagkatapos, ng sumakay ka na “sa umpisa maganda ang takbo pero ng nasa gitna ka na ng ilog, hindi na naging maganda ang takbo ng bangka, dahil ito ay gumegewang-gewang,” at buti na lang ay nagising ka na,  “bago tuluyang lumubog ang bangka” sa iyong panaginip.

Ibig sabihin ay tama ka Jayson, “ang mga bangka ay may kaugnayan sa pag-aapply mo sa abroad sa ngayon”. Ang mangyayari ay ganito: “pipiliin mo ang madaling paraan para makaalis ka na agad o kayay pipiliin mo ang ruta ng barko na sasakyan mo na malapit lang sa Pilipinas” pero imbis na mapanuto ang iyong pangingibang bansa, malamang na “hindi magiging maganda ang kalagayan mo sa nasabing pag-aabroad”.

Kaya, kung sakali mang nag-a-apply ka na nga sa ngayon sa abroad at may oportunindad na may pinamimilian kang ruta ng barko na sasakyan mo, ang payo, “piliin mo ang pinakamalayo, dahil ito rin ang “bangka sa gilid ng ilog na nakita mo na malayo sa iyo”  subalit ang bangkang ito  ang siguradong magbibigay sa iyo ng “isang masagana at maligayang pamumuhay habang ikaw ay naglalayag sa ibayong dagat.”