Kahulugan ng namimitas ng rose sa garden, bubuyog at paru-paro

0
800
Maestro Honorio Ong

Maestro Honorio Ong

Si Maestro Honorio Ong ay tubong Bulacan. Anak ng mag-asawang Ka Talia at Kapitan Sucing. Bunso at pinakaguwapo sa sampung magkakapatid. Nagtapos ng Bachelor of Science ,Major in Clinical Psychologysa Far Eastern University, Sampaloc, Manila. Sa University ring ito nag-aral at kumuha ng Master of Arts in Clinical Psychology.
Maestro Honorio Ong

Dream Interpretation Isyu # 87

Tunghayan naman natin ngayon ang panaginip ni Sheila tungkol sa namimitas ng mga bulaklak na rose sa garden.

Dear Maestro,

Lagi ko pong napapanaginipan ito, tatlong magkakasunod na gabi na.  Namimintas daw ako ng rose sa isang garden na napakaganda at mabango. Ako lang daw mag-isa, tapos maraming mga bubuyog at paru-paro na lilipad-lipad sa paligid ko. Ano kaya ang ibig sabihin nito?

 

KASAGUTAN:

Kung pagtutugma-tugmain ang panaginip mo at kumbaga sa “scenery sa isang painting” mapapansing ang iyong panaginip ay tila nasa“isang romatikong lugar ka na sadya ngang nature ang dating, napakayumi, nakaka-relax at napakaganda!”

Ibig sabihin nito, nagkataong ang bubuyog, ang garden, ang mga bulaklakpati na rin ang mga paruparo sa panaginip ay halos may iisa lang na kahulugan, “suwerte at magandang kapalaran para sa iyo ang pinapahiwatig na mangyayari sa susunod na mga araw.”

Ayon sa pang-tradisyunal o makalumang kahulugan ang garden o halamanan, ay nagsasabing sadyang napakasuwerte at mapalad kapag ito ay iyong napanaginipan.

Para sa mga mangangalakal o negosyante ang garden ay tanda ng paglago ng negosyo at ng kabuhayan ng hindi lang doble, kundi, doble-doble pa o sampung doble pa.

Sa mga manlalakbay, OFW o kaya’y sa mga mandaragat o sa mga seaman, ang garden o halamanan ay tanda ng mabunga at maligayang paglalakbay. Kung saan, kahit saan bansa ka madestino tiyak ang pag-angat ng iyong kabuhayan.

Sa mga pangkaraniwang  empleyado at empleyada, ang garden ay nagpapahiwatig ng dagdag na kita o suweldo. At maaari ring dahil magpa-Pasko ngayon, biglang lalakihan ng higit sa iyong inaasahan ni Boss ang 13th month pay mo at bonus.

Sa mga estudyante, ang garden ay nangangahulugang sa darating na mga araw ikaw ay makakatanggap ng karangalan at mataas na marka.

At para naman sa mga mangingibig, ang garden ay nangangahulugan ng isang masaya, romantiko, pambihira  at pang-habambuhay na relasyon.

Samantala, ang roses o bulaklak na rosas sa pang-tradisyunal o makalumang kahulugan ay nagbabadya ng kasaganaan, kaligayahan at mahabang buhay.

Sinasabing kapag ang isang babae ang nakapanaginip ng roses ito ay tanda na siya ay makapag-aasawa ng isang lalaki matalino, maginoo, may kaya sa buhay o mayaman. Isang lalaking kinikilala at may sinasabi sa lipunan na sa sandaling napangasawa mo ikaw ay susuwertehin at magiging mayaman at maligaya habambuhay.

Samantala, sa aspetong pang-pinansyal, sinasabi ring kapag nakapanaginip ng mga rosas ito ay siguradong tanda ng paglago ng kabuhayan sa malapit na inaharap.

Sa moderno at pang-psychology interpretasyon naman ang garden o halamanan ay nagpapahiwatig ng “fertility and creative ideas”.

Ibig sabihin, kaya ka nakapanaginip ng garden o halamanan, sa kasalukuyan ipinababatid ng unconscious self mo na nagku-construct ng produktibong plano o diskarte ang iyong kaisipan na kapag iyong ipinatupad, ang hantungan nito ay malaking pag-unlad at pag- asenso ng iyong pagkatao at ng iyong kabuhayan.

Kung ikaw naman ay isang teenager, ang garden ay larawan din ng sarili mo. Sinasabing kaya ka nakapanaginip ng halamanan ay ikaw mismo ito –  sumisimbolo na sa kasalukuyan “unti-unti kang lumalago at nagdadalaga, bumubulas at gumaganda, na sa susunod na mga araw puwede ka ng pitasin o puwede ka ng magboyfriend hanggang sa tuluyang makapag-asawa.”

Ang garden o halamanan ay tanda rin ng “blooming state of mind and physical body”. Ibig sabihin, hindi ka lang paganda ng paganda habang ikaw ay nagdadalaga, bagkus tumatalino ka pa at nagiging aware ka sa mga nangyayari sa iyong kapaligiran.

Samantala, ang roses naman o bulaklak na rosas sa moderno at pang-psychology interpretasyon ay siya ring larawan ng iyong pagkatao. Ayon sa psychologist na si Carl Jung ang rosas o rose ay:  “a symbol of the self”, kung saan, idinagdag pa niyang: “is similar to the Holy Grail quest to the search for  paradise and wholeness”

Kaya nga Sheila, kung pagtutugma-tugmain natin ang mga interpretasyon inilahad na sa itaas, ang panaginip mong “namimitas daw ako ng roses sa isang garden na napakaganda at napakabango” ay nagpapahiwatig na sa kasalukuyan bukod sa nagma-matured na ang iyong pagkatao, ang iyong mentalidad at ang iyong kagandahan, darating ang malapit na hinaharap, “ikaw din ay mamimitas ng maraming suwerte at magandang kapalaran”.

Pinatunayan ang “pipitasin mong suwerte at magagandang kapalaran ay marami at masagana sa susunod na mga araw” ng ganitong tagpo sa iyong panaginip: “tapos maraming mga bubuyog at paru-paro na lilipad-lipad sa paligid ko,”Ito ay nagpapahiwatig din ng hindi lang sa materyal na bagay ka susuwertehin, tulad ng sa career at sa aspetong pananalapi, bagkus sa malapit na hinaharap kung ikaw ay isang dalaga pa, “susuwertehin ka rin sa pag-aasawa, sobrang romantiko ang bubuuin ninyong relasyon  at ang inyong pamilya ay panghabang buhay na sasagana at magiging maligaya.”     

 

PhilippineOne is actively accepting articles in Tagalog or English from Filipinos and/or expats living in the Philippines.  Get published today on any subject you feel like writing about. Send your articles to info@philippineone.com with a brief description.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here