KAHIT PA MARAMI ANG NAKISIMPATYA KAY KIAN LOYD: ANTI-DUTERTE RALLY, NILANGAW!

“TAYO ngayon ang lalaban,” ito ang matapang na pahayag ni Sen. Risa Hontiveros nang dumalaw siya sa burol ni Kian Loyd Delos Santos, 17, Grade 11 student na pinatay ng pulis dahil nanlaban daw nang magkaroon ng Oplan Galugad sa Caloocan nu’ng August 16. Ngunit, pinatunayan ng CCTV at ng mga testigo na hindi naman talaga lumaban si Kian Loyd. Kitang-kita sa CCTV na bitbit na siya ng mga pulis Caloocan. Gayunpaman, natagpuan pa rin siyang patay.

Nakalulunos nga ang hitsura ng Grade 11 student nang matagpuan nakasubsob sa putikan. May tatlong tama ng baril, 2 sa may tenga at ang isa ay sa likod nang sumailalim ito sa autopsy. Napatunayan pa na hindi naman nanlaban ang binatilyo at wala itong gun powder sa kamay na makapagpapatunay na nagpaputok nga ito ng baril. Kaya ang katabing baril sa nasa kaliwang kamay nito ay maaari ngang inilagay lang doon.

Kaya namang hindi ko rin masisisi si Sen. Risa Hontiveros kung bakit nagpapakita siya ng galit at ibig na niyang magtawag ng rally para mawakasan na ang War on Drugs. Nakikita niya kasing umaabuso na rin ang ibang Kapulisan. Na kahit na hindi naman nanlalaban ay pinapatay pa rin. At dahil nga sa pagkamatay ng isang inosente ay hindi na niya napigilan ang umalma. Sa palagay kasi niya ay may mga pulis na hayok na talaga sa dugo.

Kung ang mga adik ay hinahanap-hanap ang droga, may mga pulis naman na parang hindi mapakali hangga’t hindi sila nakakakita nang bumubulagta. Kaya naman marami rin talaga ang nakakaramdam na naman ng takot sa kapulisan dahil may tendensiya na kapag nangangati na ang mga daliri nilang muli ay mayroon na naman sumunod kay Kian Loyd.

Kaya naman nag-anunsyo pa si Sen. Risa Hontiveros nang malawakang rally. Isinabay pa nito sa kamatayan ng dating Sen. Benigno ‘Ninoy” Aquino. Naniniwala kasi si Sen. Hontiveros na sumusobra na ang pakikipaglaban sa War on Drugs kaya naman ang solusyon na lang ng alam niya ay ang patalsikin sa puwesto si President Rodrigo Duterte. Ngunit, dahil nga sa  marami naman ang nasisiyahan sa War on Drugs dahil sabi ng marami, mas naging safe sila nu’ng si President Duterte ang nakaupo kaysa noong mga nakaraang administrasyon.

Saka, marami ang nagsasabi na wala namang kinalaman si President Duterte sa kamatayan ni Kian Loyd Delos Santos. Paano naman kasi niya magiging kasalanan iyon, eh, hindi naman siya ang kumalabit ng gatilyo. Kaya, ang dapat lang na maparusahan, ay ang mga pulis na umabuso sa kanilang kapangyarihan. Sang-ayon ka ba rito o feel mong sinuportahan mo rin si Sen. Risa Hontiveros sa naisip niyang solusyon?