Isang Sulyap sa Gawain ni Pastor Hokage — “Bible Study” Sa Impyernong Sulok ng Facebook

2864

Sa panandaliang langit sila patungo habang malayang nakapambabastos ng babae, ngunit panigurado, sa impiyerno ang kababagsakan ng mga ito.

Kung unang mapapakinggan ang katagang “Bible Study of Pastor Hokage,” maaring hindi mapapansin ang kabalahuraan nito. Subalit para sa ibang mga Pilipino, partikular na ang mga kabataang nahihilig sa Facebook, alam na alam na nila ang baho ng pangkat na ito at hindi maitatanggi na kahindik-hindik ang gawain nila.

Hindi ito isang relihiyosong pangkat salungat sa inaakala ng iba dahil sa mga salitang “Bible Study.” Ang grupong ito ay isa sa dumadaming bilang ng mga Facebook groups na pinamamahalaan ng mga Pinoy, at dito sila nagpupulong-pulong para makapambastos ng mga kababaihan. Kung susubukang mag-search sa Facebook ng katagang “hokage,” makikita dito ang dami ng mga grupo na ginagawang libangan ang panghahalay sa mga babae. Tinatayang may humigit-kumulang na isang daan na ang bilang ng mga grupong ito at matiyaga silang nagbabalik sa kabila ng paulit-ulit na mga reklamo.

Ang pagsikat ni Pastor Hokage

Una kong nalaman ang tungkol sa grupong ito mula sa isang “mom group” na kinabibilangan ko. Nadiskubre ito noong nakaraang taon ng isang nanay at nanghingi siya ng tulong na i-reklamo ang mga ito dahil sa kanilang lantarang pambabastos.

Isa sa pinaka-sikat dito ay ang “Bible Study of Pastor Hokage” at mabuti na lamang at nasuspindi itong muli kamaikailan lang. Binuo ng halos dalawang milyong miyembro ang nasabing grupo at tinatawag nila ang kanilang mga sarili bilang “pastor” at “pastora.” Mayroon pa silang isang pangkat ng mga kababaihan na buong-loob na nag-popost ng kanilang mga larawan at hinahayaan naman nilang pagsamantalahan sila ng mga lalaki.

Ang ilan sa mga utos ni Pastor Hokage (o ang mga lider ng grupo) ay ang pagbibigay ng ambag. Ang ambag ay kadalasang isang larawan o video ng babae at inaasahan ang mga miyembro na sila ay magbigay-ambag araw-araw. Kabilang rin sa utos ang pagsasabi ng amen bilang pasasalamat sa mga naiambag ng kanilang kapwa miyembro. Ang pagsabi ng amen, o paminsan ay “heymen,” ay sumisimbolo rin ng pagiging kaisa sa kanilang mga gawain.

Wala naman talagang isang indibidwal na nagngangalang Pastor Hokage. Ang pangalang Hokage ay nagmula sa isang Japanese anime na matagal nang sinusubaybayan ng mga Pilipino. Ang katagang ito ay nangangahulugan na pinakamataas at malakas na ninja at naisalin ito sa kolokyal na pananalita ng mga Pinoy. Magagamit sa maraming paraan ang hokage ngunit sa kasong ito, ang paningin sa isang hokage ay maihahambing sa paningin ng mga taga-Kanluran kay Mick Jagger.

Samakatuwid, kung sasabihan ka na ikaw ay isang hokage, ikaw ay mabilis at madiskarte sa isang bagay, maging sa pag-akit ng mga kababaihan. Ganito rin ang translasyon nito para sa mga taga-Kanluran. Ngunit iyon lamang ang tingin ng mga miyembro ng “Bible Study” groups sa kanilang mga sarili. Sa katotohanan, sila ay hindi maipagkakailang kasuklam-suklam na mga tao.

Ang pagbasak ng pastor

Bilang isa sa mga pinakaaktibo sa Facebook sa buong mundo, hindi mahirap para sa mga Pinoy na magpasikat ng isang bagay gamit ang nasabing social platform. Kaya naman nang nag-reklamo ang isang babae ukol sa gawain ng “Bible Study of Pastor Hokage”, halos karamihan ng grupo na katulad nito ay nawala na parang bula.

Nakatanggap si Czarina Ching ng mga mensahe mula sa hindi kilalang mga lalaki at walang kahiya-hiyang tinanong siya kung magkano ang kanyang halaga sa isang gabi. Dumagsa ang mga lalaking nagpakita ng interes sa kanya hanggang nalaman niya mula sa isang kaibigan na naka-post pala sa grupo ang kanyang mga larawan. Isang nagngangalang Tenzen Xiao ang nag-post ng mga larawan ni Ching karugtong ng ilang mga deskripsyon niya tulad ng kanyang edad at lokasyon. Inilarawan rin ang dalaga bilang isang “fresh” na babae. Ayon sa post, siya raw ay nangangailangan ng tulong at siya ay nagkakahalagang PhP 5,000 para sa dalawang “pop.”

Sa pagkabigla at galit, ipinaalam niya ang kababuyang ginawa sa kanya sa Facebook at inireklamo ang panghahalay na ginawa sa kanya sa “Bible Study” na grupo. Isinama niya sa post ang mga mensahe na ipinadala sa kanya at pati na rin ang orihinal na post ni Xiao sa grupo. Nakarating ang kanyang post at nai-share ito ng libo-libong mga miyembro ng Facebook ngunit tinanggal ito ng Facebook. Ito ay matapos na i-report ng mga miyembro ng “Bible Study” group ang post ni Ching upang mapagtakpan ang kanilang kabastusan.

Patuloy pa rin ang Gawain

Halos isang taon matapos ko unang madiskubre ang mga grupong ito, tila hindi pa rin sila natatapos na maghasik ng lagim at mambastos ng mga inosenteng kababaihan. Matiyaga silang bumabalik mula sa impyernong kanilang pinagmulan kahit na ba sila ay ilang ulit nang sinubukang puksain. Kung gaano kasigasig ang mga puno ng grupong ito sa pag-gawa ng panibagong grupo ay siya rin ang pagpupursigi ng mga miyembro para masuportahan ang kanilang mga pinuno sa ngalan ng pambabastos.

Walang pinalalampas ang mga grupo. Ayon sa isang pribadong imbestigador mula sa isang anti-harassment group sa Facebook, sinusuportahan ng grupo ang anumang klaseng pambabastos sa kababaihan at kabilang na rito ang mga nakababatang mga babae. Ang mga kalalakihan rito ay walang habas na pinagpipiyestahan ang mga child porn na para bang walang kahindik-hindik sa kanilang mga ginagawa.

Sa kabilang banda, hindi patok ang celebrity porn dito. Ang nais ng mga miyembro ay ang mga inosenteng mga babae na hindi kilala ng publiko. Ipinapasok sa grupo ang mga larawan ng mga babaeng ito — matino man ang damit o hindi — at pinagnanasaan nila ang mga kaawa-awang mga biktima na tila wala silang kapatid o asawa na babae at ina.

Ang revenge porn naman ay isang hilig rin ng mga miyembro. Naghihiganti sila sa mga babaeng nang-basted sa kanila o di kaya ay nang-iwan sa kanila sa pamamagitan ng pag-post ng mga imahe ng mga babaeng ito.

Matapang sa likod ng kompyuter

Hindi natin maitatanggi na dumarami na ang mga taong nambabastos sa social media at hindi ito natatapos dito lamang — ang mga bastos sa daan ay marimba pa rin. Ang dami ng mga sekswal na krimen ay pataas ng pataas at ito ay nakakaalarma para sa mga magulang, lalo na sa mga may anak na babae. Pinatutunayan ng mga grupong ito na walang ligtas na lugar para sa mga kabataan, kahit na ba sila ay nananatili lamang sa kanilang mga tahanan. Kung mayroon silang mga larawan sa Facebook, kahit na ba matino ito, may tiyansa na ito ay mapagnasaan ng mga walang modong mga tao gaya ng mga miyembro ng “Bible Study” groups. May mga batas man na nagpipigil sa mga ganitong gawain ngunit tila hindi ito sapat upang matakot ang mga bastos na tulad nila, lalo na’t sila ay nakatago sa likod ng kanilang mga kompyuter.

Isa sa mga batas na maaring magbigay parusa sa mga nanghahalay ay ang Cybercrime Prevention Act. Ayon sa batas, mapaparusahan ang siyang mga nagpapalaganap ng cybersex at child pornography. Paliwanag ng batas, ang cybersex ay ang “sinasadyang pakikipag-ugnayan, pagpapanatili, kontrol, o pagpapatakbo, direkta o hindi direktahan, ng anumang mahalay na pagpapamalas ng maseselang bahagi ng katawan o sekswal na gawain, sa tulong ng isang computer system, bilang pabor o kunsiderasyon.”

Nagtatago ang mga miyembro ng mga grupong ito sa likod ng pekeng mga mukha at gumagawa ng poser accounts para makaiwas sa kapahamakan kung sila ay mahuli na ng batas. Ang iba naman ay makapal ang mukha na buong ipinagmamalaki na sila ay miyembro ng nasabing mga grupo. Matapang sila dahil nagagawa nila ito online. Nakalulungkot na ang mga batas sa Pilipinas na naglalayong sugpuin ang mga ito ay hindi pa gaanong nasusulit dahil nakagawian na ng mga babae na huwag nalang lumaban kapag sila ay nabastos. Sa kabila nito, hindi pa naman huli ang lahat sa pagbabago ng ating nakagawian.

Siguro ay panahon na na lumaban ang mga batang mga kababaihan kapag sila ay nabastos, sa daan man o online. At isa pa, panahon na rin na turuan natin ang ating mga batang lalaki na rumespeto at maging patas sa kababaihan. Kung gaano tayo kapursigido na turuan ang ating mga batang babae na maging peminista, dapat ay ganoon rin tayo katiyagang magpunla ng respeto sa ating mga batang lalaki.

Sa mga kaisa namin, huwag tayong tumigil sa pag-puksa ng mga grupong tulad nito. Hindi sila tumitigil, oo, ngunit patunayan natin na mala-impyerno ang bagsak nila sa pagsasamantala ng ating mga kababaihan at hindi kailanman sila maililigtas ng minamahal nilang Pastor Hokage.

Pigilan natin sila.

Panagutin natin sila.

Ipakulong natin sila, hangga’t maari.

 

More Commentary

More Politics

More OFW

 

Sources:

https://www.facebook.com/catcalledinthePH/posts/482149302123109

http://www.esquiremag.ph/long-reads/notes-and-essays/the-rise-of-pastor-culture-and-why-it-must-end-a1513-20170629-lfrm

http://www.officialgazette.gov.ph/2012/09/12/republic-act-no-10175/

http://www.gmanetwork.com/news/hashtag/content/616746/pastor-hokage-fb-groups-trading-lewd-photos-of-women-exposed/story/?utm_source=GMANews&utm_medium=Facebook&utm_campaign=hashtag

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here