Iniwanan ni labs matapos ma-promote

0
88
Dear Maria: Advice column on PhilippineOne

Dear Maria,

Iniwanan ako ng boyfriend ko dahil lang sa na-promote ako. Pakiramdam kasi niya ay tinatapakan ko ang kanyang pagkalalaki. Para tuloy gusto ko na mag-resign. Mahal na mahal ko kasi siya kaya parang hindi ko makakaya na iiwasan lang niya ako dahil lang sa trabaho. — Flor 

Flor,

Mahal mo nga siya, hindi ka naman niya mahal. Puwede ba, tigilan mo na ang kae-emote mo. Tulad ng sinabi ko, hindi ka niya mahal kaya huwag kang magpaapekto. Kung tatanungin mo ako kung paano ko nasabing hindi ka niya mahal, simple lang ang sagot. Dahil hinayaan niyang mamagitan sa inyo ang tagumpay mo sa career.  

Iniwanan ka niya dahil lang sa na-promote ka, anong klaseng utak mayroon siya? Ang dapat nga ay matuwa siya dahil nagtatagumpay ka. Kung nasaktan man ang ego niya, dapat mas pagbutihin niya ang trabaho para mapansin din siya ng bossing ninyo pero pinili niyang magtanim ng sama ng loob. Iniwanan ka niya, ano ‘yun, wala man lang pormal na break-up. Anong klaseng lalaki ‘yan? Walang ibang mahal kundi ang sarili.  

Ikaw naman, huwag kang mag-iisip na mag-resign dahil lang sa nasasaktan ka dahil sa iniwan ka niya. Dapat nga ay mas maging matatag ka at ipakita mo sa kanya na kaya mong mag-move on. Huwag mong hayaan na mangibabaw ang emosyon mo at iwanan ang suwerteng dumating sa buhay mo. Mas maigi kung pangangalagaan mo ‘yan at kalimutan ang walang kuwenta mong ex-boyfriend. Hindi siya makakatulong sa’yo kaya kalimutan mo na.  

Pag-aralan mo na lang ang Art of Dedma. Sa halip na magpaapekto ka sa kanya, ngumiti ka na lang at isipin mo na hindi siya ang lalaki para sa’yo. Dahil kung siya si Mr. Right na itinadhana para sa’yo, hindi ka niya basta iiwanan. Magiging masaya siya at magiging proud para sa’yo. Saka, bakit ba gugustuhin mo ang lalaking mas mababa ang posisyon sa’yo?  

Aminin man natin o hindi, kailangan ang mga lalaki, eh, mistulang knight in shining armour at Prince Charming sa ating paningin. Ibig sabihin, sila ang dapat na magiging tagapagligtas natin. Dapat sila ang makakapitan natin sa lahat ng oras at hindi ganoon ang boyfriend mo. Kaya, huwag mo na gustuhin na makasama pa siya. Pasalamat ka na lang at iniwan ka niya dahil may tsansa ka pang makatagpo ng lalaking mas karapat-dapat para sa’yo.  

Sa ngayon ay mag-concentrate ka muna sa trabaho mo. Ipakita mo sa’yong bossing na hindi siya nagkamali nang i-promote ka. Kapag mas nagtagumpay ka, manghihinayang din ang lalaki na ‘yan na pinawalan ka. Pero, sa ngayon, alisin mo na siya sa puso’t isipan mo. Hindi naman mahirap gawin iyon dahil nga nauna naman siyang iwanan ka na para bang walang pakinabang na basahan. Kaya uulitin ko, itanim mo sana ito sa’yong isipan, hindi siya karapat-dapat para sa’yo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here