INIWANAN NG FIANCEE PARA SA IBANG LALAKI KAYA NAGBALAK MAGPAKAMATAY

Dear Maria: Advice column on PhilippineOne

Dear Maria,

Ikakasal na kami ng fiancee ko kaya lang sumama siya sa ibang lalaki. Sobra-sobra ang kahihiyang nararamdaman ko kaya gusto ko na sanang magpakamatay pero hindi ko magawa. Ayokong saktan ang pamilya ko na todo ang suporta sa akin. Sa palagay mo ba, may pag-asa pa na ako ay makabawi?’ Payuhan mo naman ako. — Wilfred

 

Wilfred,

Oo naman, makakabawi ka pa. Alam kong sariwa pa ang sugat na nararamdaman mo kaya mabigat na mabigat pa ang dibdib mo ngunit hindi mo dapat isipin ang pagpapakamatay. Kailangan ay pahalagahan mo ang buhay dahil iyan ang regalo ng Diyos. Isipin mo na lang na maraming tao ang nakikipaglaban para sa kanilang buhay. Kaya, huwag mong aksayahin para sa taong hindi karapat-dapat.

Pasensiya ka na kung sasabihin ko sa’yong ‘di worth it ang ex-fiancee mo para mag-suicide ka. Wala siyang kuwenta. Pasensiya ka na sa katagang ito pero iyon talaga ang tingin ko. Imagine, wala man lang siyang lakas ng loob na harapin ka at sabihin na hindi ka na niya mahal. Mas ginusto pa niyang iwanan ka sa ere. Mas higit ‘yang masakit kung ginawa niya ‘yan sa mismong araw ng inyong kasal.

Oh my God! Ganoon ba ang kanyang ginawa? Tsk, kung ganoon nga mas higit mo siyang dapat kalimutan. Ibig kasing sabihin niya, wala siyang puso. Ni hindi man lamang niya pinahalagahan ang damdamin mo. Ang mahalaga lang sa kanya ay ang kanyang gusto at nararamdaman. Balewala sa kanya kung masaktan niya ang taong minahal siya ng labis. Ganito na lang ang isipin mo, suwerte ka pa rin dahil nagbago ang isip niya bago ka niya pakasalan. Kung kasal na kayo at saka siya nagtaksil, baka hindi lang pagpapakamatay ang isipin mo. Maaaring makapatay ka pa o kaya naman mapatay ka.

Hindi man madali ang makapag-move on pero tiyak na magagawa mo agad ‘yan kung ibabaling mo ang pansin mo sa ibang mas importanteng bgay. Sa’yong trabaho, sa mga kaibigan mo na gusto kang pasayahin at higit sa lahat, sa’yong pamilya na handang dumamay sa’yo.

Masuwerte ka at may pamilya kang nandiyan para sa’yo ay sumoporta. Huwag mo silang babalewalain. Mahalin mo sila ng todo. Kung hindi ka man pinanindigan ng babaeng pinili mong makasama sa habambuhay, napakapalad mo naman at mayroon kang pamilya na sa’yo ay sumosuporta. Sila ang kapitan mo sa panahon na nasasaktan ka at hindi mo na maiisipan pa ang magpakamatay.

Saka, sa takdang panahon ay makikilala mo rin ang babaeng nakatakda mo talagang makasama sa habambuhay. Sabi nga, lahat ng tao ay mayroong katapat. Kung sakaling itinadhana kang maging single, tanggapin mo iyon. Baka nga mas maging happy ka kapag nag-iisa ka. Maging masaya ka sa’yong buhay. Magagawa mo iyon kapag natuto kang makontento.

Sana sa aking ipinahayag ay nagawa ko ring pagaanin ang iyong kalooban. Kung mahal mo pa hanggang ngayon ang iyong fiancee, alisin mo na lang ang galit na nasa iyong puso. Pagkatapos, hangarin mo na lang na maging maligaya ang ex-fiancee mo sa lalaking pinili niya. Sana nga lang, maisipan din ng lalaking iyon na siya ay pakasalan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here