INIWAN NG MAPAPANGASAWA SA ARAW NG KASAL KAYA GUSTO NA MAGPAKAMATAY

1099
Dear Maria: Advice column on PhilippineOne

Dear Maria,

Gusto ko nang mamatay. Iniwan ako ng mapapangasawa ko sa mismong araw ng kasal namin. It so unfair. Wala akong ginawa kundi mahalin siya tapos ngayon ay bibigyan niya ako ng kahihiyan. Napakasama niya. Pero, mahal ko pa rin siya. Ano ba ang gagawin ko? — Sarah

 

Sarah,

Marami kang magagawa at hindi kabilang doon ang pagpapakamatay, ano ka ba? Alright, mahal mo siya. Mahal na mahal, in fact. Kaya nga gugustuhin mo siyang makasama sa habambuhay, ‘di ba? Nangarap ka nga na sa paggising mo, siya ang mamumulatan mo. Kaya lang, ‘di iyon nangyari. Ang dahilan, iniwan ka niya. So, bakit mo pa ikukulong ang iyong sarili sa kanyang mga alaala? Matauhan ka nga!

Sobra ang sakit na kanyang ginawang pag-iwan sa’yo. Biro mo, isang hakbang na lang patungo sa pangarap mong magkakaroon kayo ng forever, nagbago pa ang kanyang isip. Iniwan ka niya. Anong dahilan ng pag-iwan niya sa’yo? Bakit ka niya iniwan? Pasensiya ka na kung kailangang ulit-ulitin ko sa’yo na iniwan ka niya. Baka kasi sa pamamagitan niyan ay magawa mo ng makapag-move on.

Yes, mahirap lalo pa’t katakut-takot na kahihiyan ang naramdaman mo ng hindi ka niya siputin sa kasal ninyo. Ngunit, nangyari na ang nangyari. Wala ka nang magagawa kundi tanggapin ang lahat. Huwag mo na ipakita sa nakararami lalo na sa ex mo na nagbigay sa’yo ng kahihiyan na nanghihina ka. Mas kaaawa ka lang at pagtatawanan ng mga taong siyang-siya sa pagdurusa mo.

Ang kailangan mong kapitan ay ang pamilya mo at ang mga tunay mong kaibigan na sigurado kong nag-aalala sa’yo. Huwag mong isara sa kanila ang iyong pinto. Kailangan mo sila kaya pagbuksan mo sila. Hayaan mong damayan ka nila sa sakit na iyong pinagdaraanan. Alam kong ibig nilang mapasaya ka, kaya, kausapin mo sila. Kung gusto mong magwala sa harapan nila, gawin mo. At pagkaraan, mamamalayan mo na lamang na nakakapag move on ka na.

Madali mo namang magagawa iyon dahil siya ang nagkasala sa’yo. Isipin mo na lang na hindi siya karapat-dapat na pagkatiwalaan at mahalin. Sa totoo lang, masuwerte ka nga dahil bago kayo ikinasal saka nagbago ang kanyang isip. Mas masasaktan ka kung kasal na kayo bago niya na-realize na hindi ikaw ang gusto niyang makasama sa habambuhay. Ibig kasing sabihin noon, may tendensiya na pagtaksilan ka lang niya. Dahil, hindi buo ang pagmamahal niya sa’yo.

Ituon mo na lamang ang iyong pansin sa mahalagang bagay. Sa pagtatrabaho. Isubsob mo ang ulo sa mga gawain. Sa pamamagitan nito ay unti-unti mong makakalimutan ang taong nakapanakit sa’yong damdamin. Alam kong hindi madali ang makalimot pero magagawa mo. Just concentrate. Libangin mo rin siyempre ang iyong sarili. Sa tulong mga kapamilya at mga kaibigan, magagawa mo ito.

Ngunit, magagawa mo lang na makalimot talaga kung ang mga bagay na makapagpapaalala sa’yong ex ay kalilimutan mo. Wala na siya sa buhay mo kaya burahin mo na siya sa’yong sistema. Ang mga larawan niya o kung anumang bagay na ibinigay niya sa’yo ay itago mo na. Ilabas mo na lang uli kung alam mong wala na ang sakit. Kapag nakita mo kasing muli ang mga iyon ay mapapangiti ka na lang sa mga alaala.

Masakit man ang nangyari sa buhay mo, huwag mong isasara ang iyong puso dahil baka naman may dumating pang iba. Sabi nga, kung may pintuang nagsasara, mayroon namang binatanang bumubukas. Kaya, huwag kang mainip. Mangyayari ‘yan, maniwala at magtiwala ka riyan.

O, sana naman ay nakatulong ako para mapagaan ang iyong kalooban. Huwag na huwag mo na iisipin pa ang tungkol sa pagpapakamatay, ah. Tandaan mo, masarap ang mabuhay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here