I Am Filipino June 8: Nakapagsayaw ka na ba ng Tinikling?

I am Filipino June 8. Alam mo ba ang sayaw na tinikling? Kung bata ka pa, siguro ay maririnig mo na lang ito mula sa iyong mga lolo at lola, tito’s and tita’s dahil klasiko na ang sayaw na ito. Sikat at kilalang tatak Pinoy. Nakilala ang sayaw na ito noong panahon pa ng mga kastila. Karaniwang apat ang tao na kailangan dito. Ang dalawa ang siyang maghahawak ng kawayan na gagamitin sa pagsasayaw at ang dalawa naman ang siyang magkaparehang iindak sa gitna ng mga kawayan. Magsasalimbayan ang mga kawayan. Magkasabay na lalapat sa lupa, tataas at bababa. Siguraduhin mo na makakasabay ka sa bilang dahil kung hindi’y mapapaaray ka kapag naipit ng kawayan ang mga paa mo. Sa una ay mahihirapan kang sumabay at talagang magkakandaipit ang mga paa mo pero kapag nakuha mo na ang tiyempo ay tiyak na maaaliw ka at sasabihin mong isa pa, isa pa. Kahanga-hanga ang magagaling sumayaw ng tinikling. Bagamat mapapanood na lang ang mga ganitong sayaw sa mga piling pagtatanghal ay hindi maaring hindi ka mapapanganga sa oras na umindak na sila.

Ang salitang tinikling ay hango sa ibon na kilala sa pangalang tikling. Ito ay literal ding nangangahulugan na “to perform it”. Sa kasalukuyan ay mapapanood na lang natin na sinasayaw ang tinikling sa mga eskuwelahan sa tuwing may pagtitipon na kinakailangang ipakita ang ilan sa mga tradisyonal na bahagi ng ating kasaysayan. Ganoon din sa mga kapistahan lalo na sa mga baryo. At sa tuwing Araw ng Kalayaan ay sinasayaw rin ito bilang bahagi ng ating pagseselebra. Isa ang Tinikling sa ipinagmamalaking kulturang Pinoy. Sa ibang bansa tulad ng US ay itinuturo na rin ito bilang bahagi naman ng kanilang aerobic exercise sa K-12.

Kung hindi mo pa nararanasan na sumayaw ng Tinikling, subukan mo na dahil siguradong hindi ka magsisisi at tiyak na mae-enjoy mo ang bawat pag-indak ng iyong kaliwa’t kanang paa kasabay ng mga kawayan at kapag naranasan mo na ito, masasabi mong …I am Filipino!