Pila Laguna. Ito ang bayan ko. Ang bayang ipinagmamalaki ko. Mayaman sa kulturang pinoy ang Pila. Nadiskubre ito bilang isa sa mga lokasyon sa Pilipinas na may mayamang kaalaman sa arkeolohiya bago pa man ang A.D.1000.(Anno Domini or year of our Lord) Ang komunidad dito ay nabubuhay sa pamamagitan ng pangigisda at pagsasaka. Ang mga archeologist ay nakakuha ng mga artifacts, porcelaines and potteries na sinasabing mula pa sa panahon ng dinastiyang Tang. Sa lugar ding ito ay natuklasan ang pinakamatandang crematorium sa bansa. Ang pinakamatandang dokumento rin sa Pilipinas na nakilala bilang LCPI (Laguna Copperplate Inscription) ay nadiskubre din at nagbanggit sa Pila kaya magpahanggang ngayon ito ay isineselebra bilang pagbibigay pugay sa bayan sa mayaman nitong kasaysayan, pamana at kultura.
Ang bayan ng Pila ay kilala rin bilang “Bayang Pinagpala” sa kadahilanang ito ay nakaligtas sa malulupit na kamay ng mga hapones. Noong panahon ng world war II, ang bayan ng Pila ay hindi isinali ng mga hapones sa mga pagbobomba at paninira at hinayaan na maging ligtas ang mga naninirahan dito. Hindi rin sila kasali sa “Polo y Servicio o Forced labor”.Isa ang Pila sa mga piling bayan na kinilala rin ng Espanya at tinawag na “Villa” dahil sa pinong pag-uugali at tradisyon ng mga naninirahan dito. Tinawag rin itong “La Noble de Villa de Pila”. Ang mga mamamayan naman ng Pila ay naniniwala na sadyang itinangi ng Poong Maykapal ang kanilang bayan mula sa mga kaguluhang nagaganap sa bansa.
Hanggang sa kasalukuyan ay nananatili pa rin ang kagandahan at mayamang kultura ng Pila Laguna.Kabilang na ang town plaza, ang munisipyo at ang kauna-unahang Antonine Church sa Pilipinas,ang San Antonio de Padua Church. Mula rin sa sa bayan ng Pila ang kilalang musicians na si Jose Maceda na isa ng National Artist for Music ngayon. Bilang isa sa mga anak ng Pila, ipinagmamalaki ko na isa sa apat na bayang itinuturing na National Historical Landmarks ang Pila Laguna, kabilang din sa apat na bayan ang Vigan sa Ilocos Sur, Silay City sa Negros at Taal sa Batangas.