Huwag Magpanggap na Walang Pera

Kung may mga taong mayayabang, may mga tao namang mapagkunwari. Palagi nilang sinasabi na wala silang pera pero hindi naman nawawalan ng buo at barya ang kanilang wallet. Kaya, kung susumahin ay nagsisinungaling siya. Kung ikaw ay masasabi kong isa sa mapagkunwari, baguhin mo ang ugaling ‘yan dahil kapag panay ang sabi mo na wala kang pera ay iyon talaga ang mangyayari.

Siguro naman ay hindi mo gugustuhing mangyari iyon, hindi ba? Kaya, huwag na huwag kang magbubulalas ng salitang ‘wala akong pera’ dahil talagang mamalasin ka. Gayunman, hindi rin naman kita masisisi kung lalabas sa bibig mo ang mga katagang ‘yan kung may lalapit sa’yo at mangungutang. Kung malalaman niya kasi na may pera ka, talaga ngang kukulitin ka niya na bigyan mo siya ng pera.

Kaya naman ang payo ko sa’yo, kaysa sabihin mo ang mga katagang ‘wala akong pera’ ay sabihin mo na lang na ang pera mo ay nasa bangko o kaya naman ay diretsuhin mo na siyang hindi ka makapagpapahiram ng pera dahil mayroon kang pinaglalaanan. Kung minsan kasi ay mas madali ang magsabi ng katotohanan para agad din niyang matanggap ang iyong dahilan.

Kung ikaw naman ay may negosyo, huwag na huwag ka lalong magsasabi na wala ka talagang pera dahil mangyayari iyon. Hindi mo naman siguro gugustuhin na malugi ang iyong negosyo, hindi ba? Ang mas maigi pang sagot ay wala kang barya o puro buo ang aking pera. Sa pamamagitan noon ay hindi magtatampo ang suwerte sa’yo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here