Hirap magsalita ng Ingles kaya makikipaghiwalay sa bf na Kano

0
207
Dear Maria: Advice column on PhilippineOne

Dear Maria,

Mahal ko ang boyfriend kong Kano kaya lang, hindi naman ako makapagtapos ng pag-aaral kaya hindi kami gaanong magkaintindihan. Basta ang alam ko sa sinasabi niya, I love you and you are my forever. Noon ay akala ko sapat na ‘yon pero hindi pala. Mahirap magsalita ng english. Makikipagbreak na ba ako? — Peachy

 

Peachy,

Kung mahal mo talaga ang boyfriend mo, kailangan ay mag-adjust ka para sa kanya. Magagawa mo namang matuto kung gugustuhin mo. Gayunpaman, nauunawaan ko rin ang pangamba mo na hindi rin kayo magkakaintindihan dahil hindi ka gaanong marunong magsalita ng Ingles at siya naman ay siguradong hindi rin naman nagsasalita ng Tagalog kaya mahirap nga ang makipagkomunikasyon kapag ganyan. Saka, naisip ko rin na kung ang mga tao ngang pareho ang salita ay hindi nagkakaintindihan kapag nagkakagalit, kayo pang magkaiba ang wika?

Ang pag-ibig daw ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Nagagawa nitong kalimutan ang pagkakaiba ng dalawang taong nagmamahalan. Pero, mahirap manghula ng iniisip at nararamdaman. Hindi maaaring ang interpretasyon ninyo ay nakabase lamang sa ekspresyon ng isa’t isa. Kailangan ay nagagawa ninyong mailabas ng tama ang inyong iniisip at nararamdaman. Mangyayari lamang iyon kung magkakaintindihan kayo.

Kaya, kung ako ang iyong tatanungin, siguro nga ay mas maiging makipag-break ka na lamang sa kanya. Wala naman kasing silbi ang sinasabi mong pagmamahal kung hindi naman ninyo nauunawaan ang isa’t isa. Hindi naman maaaring mag-sign language lang kayo. Saka, bukod sa lengguwahe, marami pa rin kayong pagkakaiba. Halimbawa na lamang sa paniniwala at mga tradisyon, baka kasi doon nagsisimula ang hindi ninyo pagkakaunawaan.

Kaya, ang maigi pa, habang maaga pa lang o hindi pa malalim ang inyong relasyon ay gawin mo na kung ano ang makakabuti sa inyo. Siyempre, ang maghiwalay. Masakit ito dahil kahit naman hindi kayo nagkakaunawaan ng boyfriend mo, minahal pa rin ninyo ang isa’t isa. Talaga lamang may pagkakataon na hindi sapat ang pag-ibig para magawa ninyong panindigan ang isa’t isa.

Pero, bago ka magdesisyon, maigi kung mag-uusap muna kayo. Iyon nga lamang, kung mag-uusap kayo ay kailangan ay maipaliwanag mo rin sa kanya ang dahilan kaya makabubuting magsanay ka muna sa’yong mga sasabihin bago mo siya harapin. Iyon nga lamang kapag na-gets niya ang ibig mong mangyari, sigurado akong magsasalita na siya ng tuloy-tuloy na Ingles na maaaring hindi mo rin maintindihan.

Kapag nangyari na ang sitwasyon na iyon, nakakasiguro ako na iyon na ang simula na mari-realize mo na tama nga talaga na hiwalayan na lamang siya. Biruin mo, dahil hindi ka marunong umintindi at magsalita ng Ingles ay hindi mo agad mapagtatanto ang mga sinasabi niya. Na maaaring minumura ka na pala niya, hindi mo pa naiintindihan.

Masarap nga na marinig na mahal ka ng taong mahal na mahal mo rin kaso kapag nagkakagalit naman kayo ay hindi ninyo maipaliwanag sa isa’t isa ang nararamdaman at iniisip ninyo. Kaya kung hindi kayo mag-a-adjust para matutunan ang lengguwahe ng bawat isa, maghiwalay na kayo. Mas maaayos ninyo ang gusot sa pagsasama ninyo kung kayo ay nagkakaintindihan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here