Hindi sinasabi kay labs na may anak sa pagkadalaga

0
226
Dear Maria: Advice column on PhilippineOne

Dear Maria,

In-love ako at mahal ko rin siya pero hindi niya alam na may anak ako sa pagkadalaga. Natatakot kasi akong kapag nalaman niya, iwanan niya ako. Ano ang aking gagawin? Please, tulungan mo ako. — Agatha

 

Agatha,

Walang lihim na hindi nabubunyag. Kahit na anong pagtatago ang gawin mo, lilitaw at lilitaw pa rin ang katotohanan. Kaya, kung ako sa’yo, magiging tapat ka na. Sabihin mo na sa kanya ang tunay na sitwasyon dahil malalaman at malalaman din niya ‘yan. Huwag mo hayaang sa ibang tao pa niya marinig ang katotohanan dahil baka mawala ang pagmamahal niya sa’yo. Kailangan mong tandaan na hindi lang pag-ibig ang bubuo sa relasyon. Kailangan din siyempre ang respeto at tiwala.

Kapag nalaman niya ang pagsisinungaling mo, malaki ang posibilidad na ang respeto at tiwala niya sa’yo ay mawala. Gusto mo bang mangyari iyon? Kung ayaw mo naman, pag-isipan mo na kung paano mo sasabihin sa mahal mo na mayroon ka ng anak sa pagkadalaga. Kung talaga naman kasing mahal ka niya, matatanggap niya pati ang nakaraan mo. Saka, bakit ba kailangan mong ikahiya ang iyong anak? Siya ay dugo at laman mo kaya dapat ay mahalin mo at ipagmalaki.

O, huwag mong sabihin na hindi mo siya mahal dahil sa kanyang ama? Hay naku, pwede ba? Huwag maging makitid ang utak mo. Hindi rin naman lilitaw sa mundong ito ang iyong anak kung hindi ka tumihaya. Tapos ngayon ay siya ang parurusahan mo siya. Anong klase kang ina? Kung hindi mo magagawang mahalin ng totoo ang iyong anak, sinisiguro ko sa’yo, hindi ka rin makakatagpo ng lalaking tunay na magmamahal sa’yo.

Kung ano ang itinanim mo, iyon din ang iyong aanihin. Kailangan mong tandaan at unawain ang kahulugan niyan. O, para hindi ka na mahirapan, sasabihin ko na rin, Kung hindi mo mamahalin ang iyon anak, sa palagay mo ba sa pagtanda mo’y mamahalin at aalagaan ka niya? Paano niya gagawin iyon kung noong kailangan ka niya, hindi mo siya pinahalagahan. Huwag mong ipagkait na maging ina ka niya.

Saka, mas gusto ng mga lalaki ang babaeng tapat. Mas iginagalang ng mga lalaki ang mga babaeng nagpapahalaga sa kanyang pamilya. Kaya, kung ako sa’yo ay magiging tapat ka na. Kung sakaling hindi matanggap niyang mahal mo ang tungkol sa’yong anak, ibig lang sabihin nu’n, kulang ang pagmamahal niya sa’yo.

Bago ka kasi magmahal ng iba, mahalin mo muna ang iyong sarili. Tanggapin mo rin na nagkamali ka noon at kailangan mong ‘yakapin ang bunga ng iyong pagkakamali para makapag-move on ka at mahanap mo ang tunay na kaligayahan. Baka hindi mo alam, hindi ka lang magiging happy kapag natagpuan mo na si Mr. Right mo, magagawa mo rin maging masaya basta nandyan ang iyong kapamilya at iyon ay ang anak mo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here