Hindi Penitensya Ang Sagot

517
Hindi Penitensya Ang Sagot on PhilippineOne

Denise Gozun

Aktibong miyembro ng lipunan na may mataas na pangarap para sa bayan. Bilang kabataang umaako sa kanyang responsibilidad bilang mabuting mamamayan, sa pamamagitan ng pagsusulat ay nagnanais itong makatulong sa reporma tungo sa pangkalahatang pag-unlad.

Latest posts by Denise Gozun (see all)

Panahon na naman ng Cuaresma. Kabi-kabila na naman ang mga nagpepenitensya bilang bahagi ng tradisyong atin nang nakasanayan tuwing Mahal na Araw. Ito ay nakatatak na sa kulturang Pilipino ngunit hindi ko maiwasang makaramdam ng pagkabigo at galit tuwing makakakita ako ng mga kalalakihang nagbubuhat ng krus o naghahampas ng kanilang mga sugatang likod habang naglalakad sa mga kalsada. Mas lalo akong nababahala tuwing makikita ko sa telebisyon ang mga nagpapapako sa krus tuwing Biyernes Santo. Kung tutuusin, kilala ang aming probinsyang Pampanga para sa aming mga Senakulo kung kaya’t kilalang-kilala ko na ang kulturang ito.

Hindi naman ako takot sa dugo. Marahil noong bata ako, ngunit may mas malalim na dahilan kung bakit hindi ko gusto ang nakagisnang tradisyon ng pagpepenitensya dito sa ating bansa.

Nauunawaan kong ang mga bagay na ito ay nagnanais isabuhay ang paghihirap at sakit na dinanas ng ating Panginoong Hesus para sa ating kaligtasan. Ngunit sa paglipas ng panahon, tila ba nawawalan ng kabuluhan ang tradisyon. Gaya ng kahit anong pag-alala sa mga mahahalagang okasyon, nakalilimutan natin ang tunay na kahulugan ng Mahal na Araw. Karamihan sa atin ay ginagawa na lamang ang mga ito dahil ‘yon ang nakagisnan at hindi dahil nauunawaan ang ibig sabihin o kung para saan. Madalas, hindi ko maiwasang makaramdam ng pambabastos sa aking pananampalataya bilang Kristyano.

Kung ating iisipin, karamihan sa mga nagpepenitensya tuwing Mahal na Araw ay naglalayong maabswelto mula sa kanilang mga pagkakasala. Kumbaga, ‘yon ang kanilang paraan upang humingi ng kapatawaran, sa pamamagitan ng pagdanas sa sakit. Ngunit pagkatapos ng Paskong Pagkabuhay ay balik na naman sila sa kani-kanilang mga dating gawi— pag-inom, paninigarilyo, pagsugal, pagmumura, at kung ano-ano pang bisyo at hindi magagandang gawain. Hindi ko nilalahat ang mga nagpepenitensya ngunit hindi maikakaila ang katotohanan ng aking nabanggit.

Para sa akin, hindi kinakailangang saktan ang sarili at literal na pagdaanan ang mga dinanas ni Hesu Kristo noon. Ang daming paraan upang ihayag ang ating pananampalataya. Sa pamamagitan ng pagdarasal, pagbibigay sa kapwa, at pag-aayuno ay maipapakita na natin ang ating pagpupuro at pasasalamat sa Panginoon kasabay ng ating pagsisisi. Ito nga lang ang hinihingi sa atin ng ating pananampalataya tuwing Cuaresma— walang labis, walang kulang.

Kung babalik rin naman tayo sa dating gawi at hindi pagsusumikapang magbago upang maging karapat-dapat sa pagmamahal ng Panginoon ay mabuti pang ‘wag na lang tayong magpenitensya. Nawawalan ng saysay ang pagkamatay ni Kristo para sa atin tuwing ating binabalewala ang tunay na diwa ng Mahal na Araw.

The opinions of the author(s) are not necessarily the opinion(s) of the PhilippineOne management

More Commentary

 

SHARE
Previous articleOnline Horoscope Abril 1 2018
Next articleYour Dreams: Ang barya at mangkok
Aktibong miyembro ng lipunan na may mataas na pangarap para sa bayan. Bilang kabataang umaako sa kanyang responsibilidad bilang mabuting mamamayan, sa pamamagitan ng pagsusulat ay nagnanais itong makatulong sa reporma tungo sa pangkalahatang pag-unlad.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here