Hindi lang pera kundi pagmamahal ang kanilang kailangan

“PALIMOS po,” ito ang sabi ng isang katutubona kumatok sa tindahan ng BFF kong si Ghing na kakambal naman ni Jhen. Nahiya ang future kong inaanak na si Glaiza na magsabing ‘kuhanan ko po kayo ng picture’ kaya pasensiya na kung hindi masyadong kita pero promise, mga katutubo sila. Mabuti na nga lang itong si Ghing ay nagawa pa silang tanungin kong ano ang ginagawa nila sa Manila.

Ngunit, parang wala namang balak ang Ginang na makipagkuwentuhan sa kanya at tiningnan lang siya. Matapos nga niyang abutan ng piso ang babaeng may kargang bata ay umalis ito na parang hindi inintindi ang kanyang tanong.

Kunsabagay, kahit naman hindi sagutin ang tanong ni Ghing, alam naman natin kung bakit sila dumadayo rito sa Manila kapag malapit na ang Pasko. Ibig nilang makahingi ng tulong upang mayroong makain. Maaari ring umaasa sila na kapag malapit na ang Pasko ay maraming mabubuting tao na maaawa sa kanilang kalagayan.

Kaya naman kahit na mainit ang araw, pinipili nilang maglakad. Mabuti na lang na ang ilan sa kanila ay nakukuha ng magpayong. Sa tindi kasi ng sikat ng araw, maaari tayong makakuha rito ng sakit. At kahit pa sabihin mong ang balat mo ay sanay na sa araw, hindi ka pa rin nakasisiguro na hindi ka bubulagta na lang.

Habang tinitingnan ko ang paglayo nila, malalim na buntunghininga na lang ang pinawalan ko. Nakakaramdam ako ng awa sa kanila pero wala naman akong magagawa dahil hindi naman ako mayaman para magawa silang tulungan ng bongga. Idinalangin ko na lang na may mga sangay sana ng ating gobyerno ang makakita at tumulong sa kanila.

Ngunit, sana ring ay mapagtanto rin nilang mga Indigenous people o mga katutubo na ang pagpunta sa Kamaynilaan o Siyudad ay magbibigay lamang sa kanila ng kapahamakan.

Marahil, hindi naman nila naiisip ang panganib dahil ang goal lang naman nila ay magkaroon ng pera, damit o pagkain. Siguro ay naniniwala sila na ang mga taong taga-Siyudad ay mayroong mabuting puso na maaaring maglimos o maawa sa kanilang kalagayan.

Ikaw, may mabuti ka bang kalooban?

Madali siyempreng magsabi ng ‘oo’ naman ngunit kung minsan ay kulang naman tayo sa gawa. O, sige nga, ano ba ang gagawin mo kapag may katutubo na kumatok sa’yo at mamalimos? Sa palagay mo ba ay tama na sa kanila ang piso o limang pisong iaabot mo?

Marahil nga ay kontento na sila roon pero mas maigi pa rin kung may mas magagawa pa tayo para sila ay pasayahin. Kung paano, hindi ko rin alam ang sagot. Marahil, magiging masaya sila kung mararanasan nilang magkaroon ng masayang Pasko.

Ang tanong lang, paano mangyayari iyon? O handa ka bang maging bahagi ng pagkakaroon ng masaya nilang Pasko? Pero, ano ang gagawin mo?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here