HINDI LANG DURUGISTA AT PUSHER PATI PROTECTOR, ‘PATAY’ KAYO

0
356

NANG magsanib puwersa sina President Duterte at General Bato, nakaramdam ng takot ang mga may kinalaman sa droga. Desidido kasi talaga silang mapagtagumpayan ang War on Drugs kaya kailangan nilang magtrabaho ng husto. Hindi lang paghuli ang ginagawa ng ating Kapulisan, nagagawa rin nilang patayin ang mga may kinalaman sa droga. Ngunit, nagagawa lang naman daw nilang patayin ang mga drug addict kapag lumaban ang mga ito.

Naniniwala ka ba? Gusto ko sanang maniwala kaya lang para namang ang daming kriminal na nanlalaban. Talaga bang ganoon sila kadesperadong tumakas? May nguso na ng baril na nnakatutok sa kanila pero manlalaban pa sila. Hindi naman ako bobo ‘no. Alam na alam kong drama lang iyon. Talagang gusto talagang lipulin ng Kapulisan ang mga kriminal. Siyempre, may go signal iyon sa duo na ito.

Hindi nga ba sinabi ni Presidente na magiging madugo ang kanyang termino? Sa salitang iyon pa lang ay alam mo na kung ano ang kahihinatnan ng mga kriminal. Mga durugista at ang pushers. Ngunit, hindi lang naman sila ang dapat na tugisin ng ating Pamahalaan. Kailangan din siyempreng malaman kung sino nga ba ang pumuprotekta sa kanila.

Bakit maraming Durugista? Sinu-sino ang nagbibigay sa kanila ng droga? Bakit malalakas ang loob ng mga Pusher na magbenta ng Ipinagbabawal na gamot? Ang sagot, may mga matataas na opisyal sa ating Gobyerno ang pumuprotekta sa kanila.  At iyon nga ang pinatunayan ni Presidente. Limang General ang itinuro niyang protektor ng droga.

Sila nga ba talaga ang mga protektor o itinuro lang sila para masabing mayroon talagang nangyari sa imbestigasyon? KUmbaga, sacrificial lambs para nga naman mas bumango ang pangalang Rodrigo Roa Duterte. Biro mo, sikat siya talaga kapag may naipakulong siyang mataas na opisyal. Kaya naman ang 16 M na bumoto sa kanya ay natuwa ng labis. Mas dumami pa nga ang naging fans niya sahil Superman ang tingin ng taumbayan kay P Digong.

Ang pangako kasi ni Pangulong Duterte ay lilipulin niya ang lahat ng tao na may kinalaman sa droga. Kaya, nitong nakaraang linggo ay isinambulat na naman niya sa publiko ang listahan ng mga opisyal na may kinalaman  sa droga. Nais daw kasi niya na magkaroon ng tunay na pagbabago sa ating bansa kaya naman ang ginawa ni Presidente Duterte ay inanunsiyo sa publiko ang mga pangalan ng mga opisyal na hindi na dapat pang pagkatiwalaan.

Ang tanong nga lang, gaano siya kasigurado na lahat ng nasa listahan niya ay may kinalaman sa droga? Wala siyang tsansa na maaari siyang magkamali. Kung wala naman kasing kinalaman iyon sa droga, kawawa naman ang masasangkot. Ibig kasing sabihin ng pag-anunsiyo sa mga pangalan na iyon ay ang pagdurog din sa pagkatao ng inaakusahan,

Ngunit parang walang pakialam doon si President Duterte. ang importante sa kanya ay magawa ang kanyang trabaho. Kaya, lahat ng Narco-Politician diyan o ‘yung mga taong pumuprotekta sa droga, ingat ingat na kayo dahil nandiyan na si President Duterte. Humanda kayo sa kanya kung malalaman niya na may kinalaman ka sa drugs. Dahil sabi nga ni President Duterte, uubusin namin kayo!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here