Hindi lahat nabibigyan ng tulong sa Tondo

Ito ang malungkot na katotohanan na hindi alam ng marami. Kapag kasi sinabing Tondo ang lugar na iyon ay siguradong dadagsa ang mga tulong dahil karamihan sa mga naririto ay mahihirap. Gayunman may mga lugar sa Tondo na nag-i-impove na tulad sa brgy 193. May malalaking bahay at building na. Ngunit, hindi pa rin sapat na dahilan iyon para masabing sila ay mayaman. Mas maigi sigurong sabihin na sila ay mga sinuwerte sa buhay.

Kahit na ganoon, hindi pa rin sana dahilan iyon para mapagkaitan sila ng tulong tulad ngayong mayroong Covid-19. Kahit naman kasi malalaki ang kanilang bahay, marami pa rin silang bayarin at may ilan diyan ay nangungupahan lang, kaya kung nahinto sila sa pagtatrabaho, siguradong mawawalan din sila ng panggastos. Kaya naman hindi ko maintindihan kung bakit tila kinalilimutan din kami sa aming lugar.

Sa kabilang barangay namin ay lagi akong nakakakita ng relief na dumarating samantalang dito ay mangilan-ngilan lang. Kung hindi ako nagkakamali hanggang lima lang mula ng magsimula ang ECQ. Tapos,wala ring form na dumating sa amin para sa social amelioration program dahil hindi raw qualified ang aming barangay.

Nakalulungkot isipin na kahit sa gitna ng krisis ay mayroon pa ring pinipili ang mga namamahala sa atin. Sana naman ay magkaroon ng pagkapantay-pantay dahil lahat naman tayo ay apektado ng krisis na ito.

Ikaw na taga-Tondo, may tulong ka bang natanggap?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here