HALAMAN NG ASWANG

0
482

Latest posts by BOBBY V. VILLAGRACIA (see all)

Kabilang ang aswang sa mga nilikha mula sa daigdig ng kababalaghang pinaniniwalaan sa Pilipinas na naghahasik ng takot sa mga tao pagsapit ng dilim hindi lamang sa mga liblib na lugar kung hindi maging sa kalunsuran. Sa lunggsod, higit na pinaniniwalang ang nilikhang ito sa mahihirap na lugar na ang mga nakatira nagmula sa probinsya kaya napabilang ako sa mga taong alipin ng paniniwalang ito.

               Kabilang sa sa paniniwalang narinig ko sa aswang ang pagkakaroon ng paboritong halaman, ang gabi na dahil nasasakop ng Bikol ang probinsyang pinagmulan ko, tinatawag na natong. At dahil may  kaugnayan ang kuwento sa katatakutan, malinaw kong natandaan kahit minsan ko lang narinig sa isang kaibigang nagmula sa probinsyang sinasabing pinagmulan ng aswang.

               “Gabi ang paboritong halaman ng aswang dahil ginagamit nila ito sa pagsasalin ng pagka-aswang”, paliwanag ng kaibigan kong nagmula sa probinsyang sinasabing pinagmulan ng aswang. “Pinapakain nila ang laman ng gabi na may malagkit na katas sa taong gusto nilang maging aswang!”

               Dahil nakatanim ng malalim sa utak ko ang paniniwala, lihim akong nakadama ng takot ng pumunta kami ng siyota ko sa probinsya nila sa Bisaya dahil maraming nakatanim na gabi sa paligid ng bahay. Nadagdagan ang takot ko ng sabihin ng kamag-anak ng siyota kong patitikimin ako ng halamang gabi na nakatanim sa paligid ng luma at malaking bahay ng kanilang angkan.

               Kahit alam kong hindi aswang ang siyota ko, inalipin ako ng takot dahil sa nakatanim na paniniwala sa utak kong gabi ang ginagamit ng aswang sa pagsasalin ng pagka-aswang sa ibang tao. Ngunit dahil kailangang makisama ako sa mga kamag-anak ng aking siyota, napilitan akong kumain ng laman ng gabi na tutuong masarap kahit may malagkit na katas kahit naluto na.

               “Arnel, hindi ba tutuo ang sinabi kong masarap ang gabing nakatanim sa paligid ng bahay namin?” Tanong sa akin ng kamag-anak ng aking siyota.

               “Tama ho kayo, tata Sendong”, sagot ko. 

               “Kaya dagdagan mo pa ang kain ng laman ng paborito kong halaman”, wika uli ng may-edad na kamag-anak ng siyota ko.

               Dahil sa pakikisama kay tata Sendong, kahit nakadama ako ng takot sa pagkain ng laman o ugat ng halamang gabi, patuloy kong kinain kahit idinidikta ng utak kong baka aswang ang kamag-anak ng siyota ko at isinasalin sa akin ang pagka-aswang. Sa pagsapit ng gabi dahil hindi conservative ang siyota ko, magkatabi kaming natulog sa isang kuwarto ng malaki at lumang bahay ng kanilang angkan.

               At dahil sa paniniwalang gabi ang paboritong halaman ng aswang, hindi ako nakatulog ng mahimbing dahil lihim akong nakikiramdam sa pag-aalalang aswang ang kamag-anak ng aking siyota. Ngunit sa pananatili namin ng ilang araw sa bahay ng angkan ng aking siyota, napatunayan kong hindi tutuo ang hinala ko kay tata Sendong, mahilig lang talaga siya sa halamang gabi.

               Tunay na nagkataon lamang na paborito ng kamag-anak ng siyota ko ang halamang gabi na napakasarap kapag nilutong ulam ang dahon at inilaga ang laman kahit nananatili ang likas na lagkit.  At kung tutuong halamang gabi ang ginagamit sa pagsasalin ng pagka-aswang, hindi ko alam, ang tiyak ko, mananatiling buhay ang paniniwalang ito hanggang may lumulutang na kuwento sa nilikhang ito.

Kuwento ni BOBBY V. VILLAGRACIA batay sa kuwento ng isang kaibigan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here