Guro, Mas Malaki Nga Ba Ang Responsibilidad Kaysa Magulang

Gaano nga ba kalaki ang responsibilidad ng mga guro sa kanilang mga estudyante? Alam na nating lahat na ang mga guro ang maituturing na pangalawa nating magulang bukod sa mga ninong at ninang. Kapag tayo ay nasa eskuwelahan, sila ang tumatayong ama at ina natin. Hindi lamang nagtuturo sa atin ng mga kaalaman sa academics kundi tinuturuan din tayo ng kagandahang asal. Kung paano maging isang mabuting anak, kapatid, kaeskwela, estudyante at mamamayan. Hinuhubog nila tayo na maging kapaki-pakinabang sa ating pamilya at sa bayan para sa hinaharap. Para maging sandalan at huwaran ng susunod na henerasyon. Kung minsan ay mas malaki pa ang oras na naigugugol natin sa paaralan kaysa sa ating tahanan. Kaya naman ang pagkakataon na makasama ang ating mga guro ay napakahalaga. Nakasalalay sa kanila kung paano natin haharapin ang mga susunod pang araw sa eskwela at sa ating buhay.

Ang mga magulang ay mayroon lamang isa hanggang sampu o labingdalawang anak ang iba. Sila ang matiyaga nilang hinuhubog sa kanilang tahanan. Subalit ang isang guro na halimbawa ay may apatnapung estudyante sa kanyang klase, ang 40 students na ito ay responsibilidad niyang lahat. Dapat niyang turuan at gabayan na parang kanyang mga anak. May kanya-kanyang istilo ang mga guro kung paano nila magagampanan ang kanilang tungkulin sa bawat estudyante. Kung minsan, tulad ng isang istriktong magulang, ang guro ay nagiging mahigpit din sa pagpapatupad ng kanyang mga rules sa loob ng paraalan. May mga guro na may mahabang pasensya at meron din na nauubusan na. Pero sa laki ng responsibilidad ng isang guro, ang makagawa ng pagkakamali sa kanyang estudyante ay tila isang krimen na agad sa paningin ng iba. Kailangan natin silang unawain, subalit kailangan din nilang unawain ang bawat ugali, personalidad at maging ng pinagdadaanang problema ng kanilang mga estudyante.Upang sa halip na makadagdag ay makabawas sila sa bigat ng dinadala nito. Lalo na sa panahon ngayon na ang mga estudyante ay mas higit na sensitibo sa kanilang damdamin.

Kaya ang maging guro ay hindi lang basta-basta. Hindi sapat na nakapagtuturo lamang ng akademya kundi dapat ay may malawak na pang-unawa, pasensya at mabuting diskarte kung paano dapat hawakan ang bawat isang estudyante.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here