Grab: Monopoliya sa Transportasyon

463
Monopoliya sa Transportasyon

Denise Gozun

Aktibong miyembro ng lipunan na may mataas na pangarap para sa bayan. Bilang kabataang umaako sa kanyang responsibilidad bilang mabuting mamamayan, sa pamamagitan ng pagsusulat ay nagnanais itong makatulong sa reporma tungo sa pangkalahatang pag-unlad.

Latest posts by Denise Gozun (see all)

Kamakailan lamang ay ibinenta na ng Uber, ang pangunahing ride-hailing service provider sa buong mundo, ang operasyon nito sa buong Timog Silangang Asya sa pangunahing kakompetensiya nito sa rehiyon, ang Grab. Habang nakatutuwang isiping makatutulong ito sa pag-unlad lalo ng mga lokal na serbisyo sa ating rehiyon sa pag-alis ng isang malaking kanluraning kumpanya, hindi ko rin maiwasang mabahala. Marami kasing masamang epekto ito lalo na sa ating mga mamamayan.

Una sa lahat, sinasalamin nito ang kakulangan natin ng maayos na imprastraktura para sa pampublikong transportasyon. Ang pagpapakandili natin sa ride-hailing services ay bunga ng kakulangang ito. Nagbibigay man ito ng ginhawa sa ating mga nabibilang sa gitnang uri ng pamumuhay, hindi pa rin nito nasosolusyunan ang pangkalahatang problema. Isa itong balakid sa masa dahil ang mga gaya ng Grab at Uber ay hindi hamak na mga band-aid na solution lamang; kumbaga, pansamantalang solusyon para sa mga nakaaangat at pangmatagalang pasakit para sa mga karaniwang manggagawa.

Sa naisarang kasunduan ng Grab at Uber, ang una ang siyang tanging magmamay-ari ng industriya. Sa madaling salita, magkakaroon ito ng monopoliya sa pagbibigay ng ride-hailing services sa ating bansa. Sa kawalan ng kompetisyon, ang Grab ang may kapangyarihang diktahin at kontrolin nang ayon sa interes nito ang industriya. Ano ang maaaring ibig sabihin nito para sa ating lahat?

Hindi maiiwasan ang pagtaas ng presyo ng mga serbisyo ng kumpanya. Dahil walang kalabang kumpanya ang makagigipit dito, malayang mapagsasamantalahan ng Grab ang pangangailangan nating mga Pilipino lalo na sa kalakhang Maynila. Isa pang aspeto ng problemang ito ay ang kakayanan ng Grab na tustusan ang lalaking pangangailangan sa serbisyo nito. Handa nga ba talaga ang kumpanyang harapin ang mga hamon ng transisyong ito? Darami ba ang bilang ng mga driver nito upang masabayan ang pagdami ng mga pasaherong aasa rito?

Bukod sa mga pag-aalinlangang ito, hindi rin mawawala ang mga patong-patong na isyu laban sa Grab, lalo na sa kung paano nito patakbuhin ang operasyon. Kamakailan lamang ay naglabas ng cause order ang Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB) laban sa kumpanya. Ang cause order ay patungkol sa ‘diumanong pagsingil sa mga pasahero ng karagdagang dalawang piso kada minuto ng biyahe. Ayon sa LTFRB, wala itong inaprubahang ganitong panukala. Labas pa ito sa P40 na flagdown rate at P10 hanggang P14 na patong para sa bawat kilometro. Ibig sabihin, iligal ang naturang dagdag singil para sa bawat minuto.

Ayon kay Rep. Jericho Nograles ng Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA), humigit kumulang na P1.80 bilyon ang nalikom ng Grab mula sa mga pasahero dahil sa iligal na dagdag singil. Nararapat lamang na ito ay ibalik sa mga pasahero.

Ang matinding pangangailangan natin sa Grab ngayon ay bunga lamang ng isang malaking problemang dapat noon pa’y binigyan nang pansin. Kung hindi pa rin ito sapat upang magising ang mga kinauukulan sa realidad ng ating pampublikong transportasyon, habambuhay tayong aasa sa mga pansamantalang solusyon na itatawid lamang tayo mula sa isang araw hanggang sa susunod.

More Commentary

More Politics

More OFW

SHARE
Previous articleKapangyarihan : ANG HEALING POWER NG AROMATHERAPY
Next articleTanong mo Sagot ko: Mga Tugon sa Sampung Katanungan
Aktibong miyembro ng lipunan na may mataas na pangarap para sa bayan. Bilang kabataang umaako sa kanyang responsibilidad bilang mabuting mamamayan, sa pamamagitan ng pagsusulat ay nagnanais itong makatulong sa reporma tungo sa pangkalahatang pag-unlad.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here