GOD KNOWS HUDAS NOT PAY!

0
528
politics on philippineone.com

Latest posts by @nagmamatyag (see all)

Kung mananakay ka ng jeep, malamang nakakita ka na ng warning sign na ito na nakadikit sa windshield o kaya’y nakasabit sa kisame ng jeep sa pagitan ng drayber at mga pasahero. Isa itong pun o wordplay sa pariralang “who does” (Hudas). May mga pasahero kasing nagpapanggap na nakatulog o nakalimot sa pagbabayad. Naniniwala ang marami na ang maliit na gawang panlalamang na ito ay nakikita ng Diyos. Kaya ang mensahe sa Hudas na di nagbabayad- nakikita ka ng Diyos, mahiya ka naman!

Sabi sa Twitter, araw daw ng pagkakanulo ni Hudas ang Miyerkules Santo. Ito yung ipinagpalit ni Hudas sa 30 pirasong pilak ang impormasyon kung saan makikita si Hesus. Parang yung mga nagkakanulo sa mga kapitbahay nila o kabarangay na “adik” daw kaya tatargetin naman ng tokhang team ng rehimeng galit sa adik. Nakalulungkot na ang ganitong kalakaran ay maraming nabibiktimang wala namang kasalanan. Agad naparurusahan kundi man tuluyan nang binubura sa sangkalupaan dahil lamang may nagalit o atraso kaya sa isang nag-aala-Hudas. Maraminga bang Hudas sa mga Pinoy?

Sinu-sino ang tingin niyong naghuHudas sa kasakuluyan? Nariyan yung mga kongresistang kumuyog sa isang senadora, pinagbintangan siya ng imoralidad, kalaswaan, at pagiging mastermind ng sindikatuhan ng droga. Yaon namang naipakulong niyang mga druglord, gumanti sa kanya o pinilit na pagHudasin sa kanya sa kanilang testimonyang siya nga ang pasimuno ng kalakalan ng droga sa bilibid. Hinudas din siya ng mga kapwa niya senador. Imbes na protektahan siya laban sa mga pagkuyog at maling paratang ng mga kongresista, ay nag-unahan pang alisin siya sa kanyang puesto sa komite at pabayaan siyang maaresto at makulong. Hudas na Hudas ang ating mga inihalal na mambabatas, di ba?

Panghuhudas din ang nagaganap sa ating hudikatura. Ang ating mga kagalang-galang na mga mahistrado ay lumantad upang tumulong na alisin sa puesto ang mahinahon ngunit matapang at marangal na punong mahistrado. Ang mga empleyado ay nagsusuot pa ng pula tuwing Lunes bilang pagkakaisa laban sa punong mahistradong gustong patalsikin ng mga kongresista. Lumalabas lamang na may mga naiinggit o gumaganti sa kaniya kundi man naiinip na mawala sa puesto ang batang appointee ng nakaraang rehimen. Balakid siya sa mga nais na sabwatan sa paghuhukom kung kaya’t kung anu-ano na lang ang inirereklamo laban sa kanya. PanghuHudas iyan ng mga katuwang niya sana sa pag-aayos ng hudikatura.

May titindi pa ba sa panghuHudas na ginagawa ng pamunuang ipinanalo ng pangakong pagbabago? Ipinagkanulo nito ang mga sektor na umagapay , sumuporta, at bumoto sa kanya. Patuloy na binabalahura ang mga kababaihan, kinukutya ang mga pulahan, at minamata ang mga mahihirap. Kinalimutan na marami sa mga miyembro ng mga sektor na ito ay bumoto sa kanya. Nagpikit-mata sa kabastusan, kagarapalan, at kauhawan niya sa dugo dahil inakalang siya ang may sapat na tapang at paninindigang ayusin ang bayan. Ngunit ang bayan ay hinudas niyang tunay.

Imbes na katarungan para sa mga naapi at biniktima ng diktadurya, itinanghal pa niyang bayani ang naunang diktador. Imbes na singilin ang mga nangulimbat sa pera ng bayan, pinakawalan pa niya ang mga mandarambong. Imbes na tulungan ang mga mangingisdang inaagawan ng kabuhayan sa karagatang sakop natin, hinayaan niyang pamugaran ito ng mga permanenteng istruktura ng kaibigan niyang malaking bansa. Imbes na tulungan ang mga naliligaw ng landas dulot ng kahirapan, pinagbintangan silang adik at salot ng lipunang kailangang maubos. Imbes na ipaglaban ang ating teritoryo at pangalagaan ang ating likas na yaman, hinayaan niyang pag-interesan ang mga ito ng kaibigan niyang bansang matakaw sa teritoryo at yaman ng malilit na bansa.

Hinudas niya ang 16 na milyong nagtiwala ng kanilang boto sa kanya. Di pa nga nakadadalawang taon ang kanyang pamumuno, laglag na ang bansa sa maraming mga panukat ng pag-unlad at kaayusan. Ang dating Asia’s Bright Star ay nanganganib nang dumilim at tutluyan nang mawala sa kalawakan. Ang anumang ipinagmamalaking nagawa ay puro galing sa nakaraang administrasyon. Ang anumang di masolusyunan, sa nakaraang administrasyon din ang sisi.

Matindi ring panghuHudas ang ginagawa ng kanyang mga appointee. Kumikita mula sa pasueldo ng buwis ng bayan, ngunit walang alam kundi ang sambahin siya at sundin ang anumang maisip niyang gawin kapag siya ay nagtatatalak sa kanyang mga talumpati. Marami sa kanila ang nagpapasasa sa kanilang mga puesto kahit nga di naman kwalipikado o di alam ang ginagawa. Tunay na mga katulong na Hudas ng pinunong Hudas.

Sabi sa Twitter, di sila dapat ikinukumpara kay Hudas dahil si Hudas ay may konsyensiya at nagpatiwakal nga ito dahil sa tindi ng pagsisisi sa pagkakanulo kay Hesus. May konsyensiya pa kaya ang pinunong Hudas at mga alipores niyang mga Hudas din?

The opinions of our writers do not necessarily reflect the opinions of PhilippineOne management or administration

More Articles by @nagmamatyag

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here