Ang Panlalamig ni Adrian
EWAN ni Rain kung bakit nitong nakaraang araw ay parang tamad na tamad siyang bumangon, para ring nagiging matampuhin siya. Kunsabagay, talaga namang nakakasama ng loob na parang balewala ka na lang sa asawa mo.
Adrian, naiinis na naman niyang sabi. Lagi itong umaalis na para bang mayroon itong mahalagang pupuntahan at minsan nasilib niyang si Veronica ang kasama nitong umaalis. Gusto sana niyang tanungin si Jeremy kung anong nalalaman nito pero nagbabago ang kanyang isip. Tiyak niya kasing hindi siya makakahagilap dito ng sagot na gusto niya dahil pinsan nito si Adrian at best friend nito si Veronica. Alangan namang ilaglag nito sina Adrian at Veronica para sa kanya.
Saka, hindi na rin naman kailangan pa ng kumpirmasyon para malaman niya kung ano ang katotohanan. Sapat ng instict niya para ma-gets niya kung ano ba ang nangyayari.
Hindi naman siya manhid para hindi niya maramdaman ang pag-iwas sa kanya ni Adrian. Damang-dama niya na mayroon itong itinatago sa kanya at alam niyang may kinalaman ang babaeng iyon. Ayaw man niyang isipin pero parang nasa isipan pa niya ang halakhakan ng mga ito.
Pero, hindi nga ba sinabi sa kanya ni Adrian na bata pa lang sila ay mahal mahal na siya nito?
Totoo bang iyon ang nararamdaman ni Adrian? Nanunudyong tanong ng kanyang isip. Maaari naman kasing sinabi lang nito ang mga salitang iyon dahil gusto nitong bigyang katwiran ang dahilan kaya siya pinakasalan. Kung tama kasing matibay ang pag-ibig nito sa kanya ay di iyon basta-basta guguho lang dahil nagkita si Adrian at ang ex nito, not unless si Veronica pa rin talaga ang gusto nito.
“Iha, hindi kaya masira ang tiyan mo niyan?” nag-aalalang tanong ni Lolo Segundo.
Bumaba ang tingin niya sa kapeng iniinom na nilalagyan niya ng katakut-takot na gatas. Naitanong niya tuloy sa sarili kung bakit araw-araw niyang ginagawa iyon?
“May problema ba?” Nag-aalalang tanong nito.
Umiling siya. Kahit naman kasi mabigat na mabigat ang kanyang dibdib, hindi niya magagawang sabihin iyon sa lolo ni Adrian.
“Si Adrian?” Tanong nito.
“May mahalaga raw hong pupuntahan,” matamlay niyang sabi. Hindi na niya tinanong kung saan dahil ayaw naman niyang masaktan kung sasabihin nitong sa piling ng ex-girlfriend. Hindi kasi niya makita ngayon si Veronica kaya duda siyang magkasama ang mga ito.
“Nag-away ba kayo?”
“Naku, hindi po,” mabilis niyang tanggi. Talaga naman kasing hindi sila nag-aaway ni Adrian at kung totoo man iyon, hindi niya sasabihin sa kahit na sino. Puprotektahan niya ang privacy nilang mag-asawa.
Matagal pa siya nitong pinagmasdan bago ito muling nagsalita. “Siya nga pala, napagawa ko na sa abogado ko ang aking testamento,” pabulong na sabi sa kanya ng matandang lalaki kahit silang dalawa lang ang naroroon. Umalis din daw kasi si Jeremy.
Sukat sa sinabi nito ay hindi niya napigilan ang mapahagikgik. Alam niya kasi ang testamentong tinutukoy nito. Siyempre, siya ang nagsuhestiyon noon. At dahil sa lagi rin namang itinatanim ni Jeremy sa kanyang isip na hindi tapat sa kanya si Adrian, ito ang kanyang ganti.
Naisip niya tuloy na baka hindi naman layunin talaga ni Jeremy na saktan siya. Baka naman ang gusto lang nito ay maging handa siya sa maaaring mangyari.
Napasinghap siya nang maisip niyang iyon ay kapag dumating na sa puntong hihiwalayan siya ni Adrian. Para kay Veronica.
“Kailan naman ninyo sasabihin kay Jeremy?” excited niyang tanong. Kailangan niyang pasiglahin ang boses para hindi mahalata ni Lolo Segundo ang paghihirap na kanyang nararamdaman.
Nagulat naman ito sa tanong niya “Hindi ba dapat malaman niya iyon kapag wala na ako sa mundong ito?”
“May sakit ba kayo?” nag-aalalang tanong niya.
Tumawa ito. “Malakas pa ako sa kalabaw.”
Sa sinabi nito, nakahinga naman siya nang maluwag. Kunsabagay, kita rin naman niya sa kilos nito ang kasiglahan. At kapag nagagalit naman ito, malakas pa sa may hawak ng mega phone ang boses nito. “Kaya nga po, mas makabubuti kung ipapaalam na ninyo kay Jeremy ang gusto ninyong mangyari.”
“Sa tingin mo?”
“Kayo nga po ang nagsabi na malakas pa kayo. Baka nga abutin pa kayo ng 100 years old Kapag nangyari iyon, paanong magkakaroon ng happy ending sina Jeremy at ang ex niya? Kaya nga ho dapat ngayon pa lang ay alam na ni Jeremy ang tungkol sa testamento para naman makakilos na siya. Iyon nga lang, paano kung may asawa na ang babae o kaya ay magpapakasal na pala?”
“Ang galing mo talaga, iha. Sige, sa lalong madaling panahon ay sasabihin ko kay Jeremy ang lahat.”
“Good Afternoon!”
Hindi man niya nilingon kung sino ang may-ari ng boses, alam niyang si Adrian iyon Bumilis na naman kasi ang pintig ng kanyang puso. Sa sobrang pagmamahal na nararamdaman nga niya rito’y alam na niyang sapat ng dahilan iyon para makalimutan niya ang lahat ng tampo at sakit na nararamdaman. Ganu’n niya ito kamahal.
Ngunit, pagkaraan ay napaisip siya sa pagbati nito. Bakit kung magsalita ngayon sa kanya si Adrian ay para lang bumati sa boss nito. Hindi man lang magsabi ng How are you, Love.
How are you, Love? Sarkastikong tanong niya ulit sa kanyang sarili tapos ang atribidang bahagi ng kanyang isipan ay mabilis ding nagtanong, bakit mahal ka ba talaga ni Adrian?
“How are you?” masuyong tanong sa kanya ni Adrian matapos siya nitong bigyan ng masuyong halik sa noo.
See, walang Love man lang, nang-iinis pang sabi ng kanyang isipan. Para ngang tinanong lang iyon ni Adrian dahil wala itong ibang masabi.
“Fine naman,” aniyang pilit pinasigla ang boses. Kahit na parang may milyun-milyong kutsilyong tumarak sa kanyang puso. Pakiramdam niya, halik kapatid lang ang ginawa nito. Dahil kung mahal siya nito bilang asawa, hindi ba dapat ang halik nito ay sa kanyang lips?
“Sure?” Naniniguradong tanong nito.
“Yes na yes,” aniyang pinalawak pa ang ngiti para hindi nito mabasa ang tunay niyang nararamdaman. “Iniisip ko lang ang susunod kong eksena,” sabi niya kahit wala naman siyang naidudugtong sa pagsusulat niya kunwari.
Lumawak ang ngiti nito. “Kailangan mo ba ang tulong ko?” excited nitong tanong.
Napangiti siya “Siyempre naman,” wika niyang pilit na pinasigla ang tinig kahit damang-dama niyang nagdurugo ang kanyang puso. Kitang-kita niya kasi ang lungkot sa mga mata ni Adrian na pilit nitong pinaglalabanan.
Miserable na ba ang buhay nito sa kanyang piling? Malungkot niyang tanong sa sarili.
Ang tanong niyang iyon sa kanyang sarili ay parang bulang naglaho ng bigla nitong angkinin ang kanyang labi na para bang miss na mias siyang talaga nito.
Well, sabik naman talaga siyang maangkin ulit ang labi ni Adrian at pati na rin ang sandata nito kaya mas naging mapangahas siya. Hindi lang halik ang ibinigay niya rito, pati na rin siyempre ang buo niyang pagkatao kaya naman pinagala niya ang kanyang katawan sa kamay nito. Gusto niyang ipadama kay Adrian na mahal na mahal niya ito. Sana nga lang sapat na iyon para wala na itong ibang isipin pa kundi siya.