28.4 C
Manila
Thursday, July 18, 2024

Multo ng Unang Pag-ibig

ni Geraldine Monzon

                “EEEEEEE!” Nakarating sa pandinig ni Mark ang napakalakas na sigaw ni Margarette. Kaya pinuntahan agad niya ito sa kuwarto.

                “Margarette buksan mo ang pinto!”

                “Tulungan mo ko Mark!” Umiiyak na yakap ni Margarette sa asawa pagkabukas niya sa pintuan.

                “Anong nangyari?”

                “Si Beth, minumulto niya ko, hinihila niya ang paa ko tapos sinasabunutan niya ko!”

Napakunot ang noo ni Mark.

                “Patay na siya, at walang dahilan para multuhin ka niya…”

Natigilan si Margarette. Malinaw pa sa isip niya ang ginawa niyang pang-aakit kay Mark noong lasing ito at saka niya ipinadala ang video kay Beth na asawa nito, iyon ang totoong dahilan kaya nagpakamatay si Beth at siya lamang ang tanging nakakaalam. Bestfriend niya si Beth kaya walang naghinala sa kanya. Kaya nang mabiyudo si Mark ay saka lamang niya itinuloy ang plano na tuluyan itong akitin upang sila na ang maging mag-asawa. At nagtagumpay siya…

“Mark, ayoko nang tumira dito sa bahay nyo…ilayo mo ako rito…’

                “Pero ito ang bahay ko, ang bahay na ipinundar namin ni Beth.”

                “Pero hindi niya ko patatahimikin!”

Tinitigan ni Mark sa mga mata si Margarette.

                “Bakit Marga, may kasalanan ka ba sa kanya para guluhin ka niya kahit nasa kabilang buhay na siya?”

Umiling lang si Margarette. Hindi niya magagawang sabihin kay Mark ang totoo.

Sa ayaw at sa gusto niya ay kumonsulta sila ni Mark sa isang espiritista. Hindi siya naniniwala dito pero kailangan niyang pagbigyan si Mark para hindi siya nito pagdudahan.

Makahulugan ang tingin ng matandang babaeng espiritista kay Margarette. Sinimulan na nito ang pag-usal ng panalangin at mga salita sa ibang lengguwahe na ito lamang ang nakakaintindi. Habang magkakahawak sila ng kamay at nakapikit ay biglang dumilat si Margarette. Nanlilisik ang mga mata nito at galit na tumingin kay Mark.

“Inagaw ka niya sa’kin, inagaw ka niya sa’kin!”

Dumilat din si Mark. Sa kabila ng takot ay mas piniling kausapin si Margarette na sa palagay niya ay sinaniban na ni Beth.

“Hindi Beth, wala ka na bago pa man maging kami ni Margarette…oo aaminin ko sa’yo na isang beses ay nalasing ako at may nangyari sa’min….pero hindi namin ‘yon sinasadya, pareho lang kaming lasing…”

                “Sinungaling! Ipinanood niya sa’kin ang pagtataksil nyo kaya ako nagpakamatay, kaya isasama ko siya sa kabilang buhay!”

Nanlaki ang mga mata ni Mark. Hindi makapaniwala. Nakabitaw siya. Pagkabitaw niya ay biglang sinakal ni Beth ang sarili sa katauhan ni Margarette.

“Mamamatay ka rin!”

Inaawat siya ng espiritista. Pero sadyang malakas ang kaluluwa ni Beth. Wala namang magawa ang kaluluwa ni Margarette na hindi makabalik sa katawan niya na sinasakal ni Beth.

“Huwaaaggg!”

Hanggang sa bumagsak na ang katawang lupa ni Margarette. Walang nagawa si Mark at ang espiritista.

Hindi na ulit nagparamdam si Beth. Ganoon din si Margarette. Mag-isa na lang sa buhay si Mark.

Gabi. Inilatag niya ang katawan sa malabot na kama at tumingala sa kisame.

                “Sapat na sa akin na minahal ko si Beth..pinapatawad ko na rin si Marga…”

Lingid sa kanya, naglalaban pa rin ang dalawang kaluluwa.

                “Umalis ka rito, kama namin to ni Mark!” ang kaluluwa ni Beth.

                “Ikaw ang umalis, dahil ako ang huli niyang minahal kaya may karapatan din akong tumabi sa kanya!” ang kaluluwa ni Marga.

                “Hindi ka niya minahal!”

                “Minahal niya rin ako!”

Ang ending ay nasa kanan ni Mark si Beth at nasa kaliwa naman si Marga nang hindi nalalaman nito.

Makalipas ang ilang taon.

                “Tuloy ka Olivia, ito ang bahay ko.”

May kasamang babae si Mark pag-uwi sa bahay. Inilaglag ng kaluluwa ni Beth ang picture frame niya. Inilaglag naman ng kaluluwa ni Margarette ang plorera. Kaya nagtatakbo palabas ng bahay si Olivia.

Ilang beses naulit ang eksenang iyon sa tuwing mag-uuwi si Mark ng babae sa bahay nila kaya nagpasya siyang tumanda na lang na mag-isa.

Related Articles

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

- Advertisement -spot_img

Latest Articles

Join us today!

Get access to exclusive content

Are you ready to take your experience to the next level? Unlock a world of exclusive benefits by joining our premium content community. As a member, you'll gain access to a wealth of valuable resources, tailored specifically for you.