“Gising na Pani” ” Late ka na” ” Timpla kita kape”

0
321

Latest posts by JEFANIE TUAZON (see all)

Kilala nyo ba ang taong bumibigkas ng mga linyang yan? Siya si Chatit o mas kilala ng iba bilang si Tita. Hayaan niyong sariwain ko ang kanyang mga alaala at alalahanin ang mga bagay na hindi natin malilimutan mula sa aking lola. Ngunit sino nga ba si Chatit? Sa barber cut, blusa, at palda siya madalas makilala. Siguro’y kung tatanungin kayo kung kamusta siya bilang nanay, kapatid, kaibigan, at katrabaho ay hindi na mabilang pa ang inyong mga sasabihin tungkol sa kanya. Pero ako, ang pagiging Lola at nanay niya sa akin ang masasabi kong hinding-hindi ko malilimutang alaala ko mula sa kanya. At ngayong wala na siya, nais kong isa-isahin ang mga bagay at papel na kanyang ginampanan sa aking buhay bilang aking pinakamamahal na lola.

Si Chatit bilang kumot. Ako kasi yung tipo ng taong hindi makakatulog kung walang kumot na nakabalot sa aking katawan. Kaya para sa akin, si Chatit yung nagsilbing kumot ko sa gabing malamig at madilim na sa piling niya ako’y panatag habang nakayakap ang kanyang maalagang mga kamay at braso sa akin.

Si Chatit bilang kape at orasan. Dahil siya yung tipo ng taong gigisingin at gigisingin ako sa umaga wag lang ako mahuli sa klase. Dahil alam niya na importante sa akin ang bawat oras na sana ay naibigay ko sa kanya noong mga araw na pwede pa.

Si Chatit bilang hangin. Hanging na laging nasa aking tabi ano man ang mangyari. Siya yung tao na lagi kong nalalapitan sa lahat ng aking problema at ako’y dinadamayan dahil hindi niya hinahayaan na harapin ko iyon mag-isa.

Si Chatit bilang pagmamahal. Oo, pagmamahal dahil tulad nito si Chatit ay nasa puso ng lahat. Siya yung taong hindi magagalit o magtatanim ng sama ng loob kahit pa sa mga taong nang-aapi o nang-aalipusta sa kanya bagkus ay kanya itong pinapakitaan ng kabutihan, ipinagdarasal, at patuloy na pinakikisamahan ng mabuti.

Lahat na yata ng magagandang katangian niya ay nasabi ko na. Ngunit alam kong hindi pa rin sapat iyon upang ilarawan ang kanyang nag-uumapaw na pagmamahal at pag-aaruga sa atin. Hindi pa rin sapat upang mailahad ang kanyang mga kabutihang walang sawa niyang ipinakita at ipinaramdam sa ating lahat. Ngayon, nais kong buong pusong magpasalamat sa kanya sa lahat ng pagmamahal, pag-aalaga, pag-aaruga, at kabutihan niya sa ating lahat.

Kaya nais kong gamitin ang pagkakataon na ito upang sabihin kay Chatit na..

Salamat, sa pagiging nanay, lola, at kaibigan na dinamayan ako sa lahat ng aking problema at sa patak ng aking luha’y nagpatahan.

Salamat, sa pananatili sa aking tabi noong mga panahong pakiramdam ko’y ako’y mag-isa at wala man lang makaintindi.

Salamat, sa pag-aalaga sa akin at aking mga kapatid, hinding-hindi  namin siya malilimutan lalo na yung mga yakap niyang kay higpit.

Salamat, sa pagsuporta sa akin sa mga bagay na nais kong gawin. Mga pangarap na sinang-ayunan niya at sabay na pinangarap para sa akin.

Salamat, sa masasarap niyang lutuin na masayang hinahain sa hapag upang maibsan ang gutom naming sikmura at kami’y pinakain.

At ang huli, salamat, sa mga aral niyang kay bubuti. Mga aral na habang buhay kong babaunin at kailan may hindi lilimutin.

Ngayong wala na siya, hindi ko malaman kung paano magsisimula at kung paano magpapatuloy pa.

Tama nga sila, na mapagtatanto lang natin na mahalaga ang isang tao/bagay kapag nawala na ito sa ating piling. At alam ko na kahit ano pa ang aking gawin ay hinding-hindi ko na maibabalik pa ang mga oras na nagdaan upang makasama at makapiling siyang muli. Tanging mga alaala niya na lamang ang titimo sa aking puso at isipan. Mga alaalang hindi ko malilimutan na kailan may hindi mapupunan ninuman.

Ang kamatayan ay parang nakatagong regalo. Pinagsama-sama tayong mga kaanak sa pamamagitan ng pamamaalam ng isa.

Ang kamatayan ang nagsisilbing paalala sa atin na bilang lang ang oras natin dito sa mundo. Hindi natin malalaman kung kailan magsisimula at lalong hindi masasabi kung kailan matatapos. Ang mahalaga ay maipadama natin ang ating pagmamahal sa mga taong mahalaga sa atin habang may oras pa at pwede pa, at sulitin ang bawat sandaling nandiyan pa sila sa ating tabi at masayang magkapiling.Dahil kapag huli na ang lahat, hinding-hindi na kaya pang ibalik ang mga pagkakataong nagdaan at lumipas na.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here