GINOO AT BINIBINING LAGUNA, PINAKAAABANGAN SA ANILAG FESTIVAL NGAYONG 2018

0
1080

Geraldine Monzon

Geraldine Monzon; Writer in komiks/pocketbooks/newspaper/indie film
My motto in life is; Be stronger than your excuses. If you can't say it, write it.

Latest posts by Geraldine Monzon (see all)

“Laguna, nang ito ay marating ko, para bang ako’y nagbago, kakaibang damdamin” Isang linya lang iyan sa sikat na liriko ng kantang nagpakilala sa Laguna. Ito ay isang lalawigan na matatagpuan sa bahaging Calabarzon sa Luzon .Nakuha ng lalawigan ang pangalan nito sa kastilang salita na lago na ang ibig sabihin ay lawa. Bilang isang Laguena, saksi ako sa mga katangi-tanging yaman na maipagmamalaki nito. Sa Calamba Laguna, isinilang ang pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Kabilang sa iba pang ipinagmamalaki nito ang liwasang bayan ng Pila (kilala rin bilang bayang pinagpala) ang Talon sa Pagsanjan, ang mahiwagang bundok ng Makiling, ang Hidden Valley Springs sa Calauan at marami pang iba.

 

Kung tradisyon naman ang pag-uusapan, kilala ang Anilag Festival na ipinagdiriwang tuwing buwan ng Marso. Anilag is short for “Ani ng Laguna.” Ang engrandeng taunang selebrasyon na ito ay ginaganap sa kapitolyo ng Sta. Cruz. Ito ay bilang pasasalamat sa lahat ng mga nagbigay ng karangalan sa Laguna. Sa selebrasyong ding ito ay ipinapakita ang mga katangi-tanging produkto ng Laguna. Bahagi ng selebrasyon ang mga palaro, mga sayawan at kantahan at ang pinakaaabangan ng lahat na Ginoo at Binibining Laguna na nilalahukan ng mga piling kandidata mula sa iba’t-ibang bayan na nasasakupan nito.

Ayon kay Gobernador Ramil Hernandez, ang tema ngayong taon ng Anilag ay “Sama-sama ang pamilya, sa masayang Laguna”. Sapagkat ang selebrasyong ito ay alay din sa bawat pamilya at mga anak ng Laguna. Ilan sa mga kilalang personalidad na nagbigay karangalan sa Laguna ay sina Ariella Ara Urida (Ms. Universe 3rd runner up 2013), Justine Mae San Jose (Mutya ng Pilipinas Tourism 2016), Laren Mae Bautista (Miss Tourism Queen of the Year International 2015) at ang tinitilian ngayon na aktor na si Richard Faulkerson na mas kilala bilang Alden Richards. Si Alden ay tubong Sta. Rosa Laguna.

Sa lahat ng mga naging edisyon ng Anilag Festival, ngayong 2018 ang sinasabing pinaka-engrande. Ang Ginoo at Binibining Laguna ay nilahukan ng apatnapung naguguwapuhan at naggagandahang kandidata. Ang kompetisyong ito ay ididirehe ni Francisco “Gareth” Blanco. Ang mga kuwalipikasyon ay ang mga sumusunod; kailangan ang kandidatang babae ay natural born female, ganoon din ang kandidatong lalaki, tubong Laguna, labing pito hanggang dalawampu’t limang taong gulang, may taas na 5’4 sa babae at may taas na 5’7 sa lalaki, kailangan ay walang asawa, at may malinis na record sa anumang aspeto. Sa nasabi ring kompetisyon ay ipinapakita hindi lang ang ganda kundi maging ang talento ng bawat kalahok.Bukod sa Ginoo at Binibining Laguna, may kompetisyon din para sa “Pinaka magandang Lola ng Laguna” at ang “Little Mister and Miss Laguna”.

Ang isang linggong selebrasyon ng Anilag ay dinadaluhan ng mahigit sa isangdaang turista na nagmula pa sa iba’t-ibang panig ng mundo upang masaksihan ang engrandeng pagtitipon na ito. Nakatanggap na rin ng mga parangal ang selebrasyong ito at katunayan ay naging hall of famer na sa Provincial Festival Category na ibinibigay ng Association of Tourism Officers in the Philippines.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here