Ganda at hindi utak ang kailangan sa paghanap ng trabaho

With pleasing personality — kung minsan ang mga katagang ito kapag naghahanap ka ng trabaho ay talaga namang nakakakaba. Para kasing sinasabi ng employer na hindi sila tumatanggap ng pangit. Kahit naman kasi alam mo na wala namang mali sa mata, ilong, balat at ngipin mo, parang hindi pa rin sapat na dahilan iyon para hindi ka makaramdam ng kaba kapag nag-a-apply ka ng trabaho. Siguro dahil alam mo na mas marami ang magaganda o guwapo na mag-a-apply sa trabahong tina-target mo ay may tendensiya na panghinaan ka ng loob.

Paano nga kasi kung hindi ka naman ganoon kaganda? Okay lang ba kung idadaan mo na lang sa make-up o bonggang kasuotan? Ngunit, sapat na ba iyon? Paano kung hindi na matatakpan pa ng make-up at magandang kasuotan ang kapintasan mo. Halimbawa na lamang kung mataba ka o may balat sa mukha, ibig bang sabihin noon ay hindi ka na makakapagtrabaho dahil hindi ka kaaya-aya sa paningin ng mga tao?

Aba’y okay lang naman talaga na maging maganda ka sa lahat ng oras. Okay nga iyon dahil tumataas ang self confidence mo kapag alam mong kahanga-hanga ang tingin sa’yo ng mga tao kaya lang kung dahil sa hitsura mo ay huhusgahan ka na, hindi naman tama iyon. May mga kumpanya kasi na nagsasabi na hindi mo magagawa ng mahusay ang trabaho mo kung wala kang pleasing personality.

Aba’y artista ba o modelo ang pinag-apply-an mo?

Ang tanong naman sa mga employer, kailangan ba talaga ang pleasing personality kahit na nasa isang sulok naman ang iyong empleyado?

Kung saleslady siguro ang pag-a-apply-an mo, natural lamang na ang kukunin mong tauhan ay seksi at palangiti dahil talagang ang nakabandera sa mga customer ay ang kanilang mukha pero mayroong mga employer na kahit nasa isang sulok lang naman ang kanilang tauhan, ibig pang magandang-maganda ang kanilang tauhan. Kung maaari nga lamang ay magsuot pa ng heels. Kaya, kahit pa siguro Cum Laude ka ay hindi ka pa rin matatanggap kung hindi ka kagandahan sa paningin ng magiging boss ko.

Matatawag man na diskriminasyon ang mga ganitong eksena, wala pa rin tayong magagawa kundi ang umiling na lang. Siyempre, wala naman tayong magagawa kung iyon ang desisyon ng may-ari ng kumpanya o kung sinuman ang tatanggap sa’yo. Kaya lang, nakakababa ng pagkatao iyong hindi ka lang tatanggapin dahil hindi pleasing ang personality mo.

May mga trabaho naman kasing dapat ay utak ang bibigyan ng priority kaysa ganda ngunit sadya talagang may mga taong nagagawa kang husgahan dahil sa panlabas mong anyo. Kaya, huwag na tayong magtaka kung bakit karamihan sa kumpanya ay hindi tuluyang umaasenso. Dahil mas gusto nilang bigyan ng halaga ang nakikita ng mata kaysa nilalaman ng utak.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here