GALIT AT ANG EPEKTO NITO SA KALUSUGAN (PART 1)

0
150

Ang galit ay isang normal na emosyon na nangyayari kapag may tao o sitwasyon na sumasalungat sa  ating prinsipyo at kapag nagagawan ng masama ng kapwa. Kasama ang emosyong ito nang lalangin ng Diyos ang tao.

Ang galit ay nagti-trigger ng   ‘fight or flight’ response. Ito ay dahil sa biglaang paglalabas ng hormones na adrenalin,  noradrenaline at cortisol mula sa adrenal glands na nagiging sanhi ng paglakas ng  stress hormones. Sa ganitong sitwasyon, ang atensiyon ng isang tao ay nasa galit at hindi na nakakapag-isip ng tama.

Iba-iba ang antas ng galit. Pwede itong magsimula sa simpleng tampo, pagkairita,  inis,  yamot at asar sanhi ng mga taong makukulit, taklesa, intrimitida, pasaway, tsismosa at iba pang asal na hindi kanais-nais. Posible ring dahilan ng galit ay ang hindi magandang kalagayan katulad ng paghihirap, kawalan ng pera at pagkain at mga bagay na pangunahing pangangailangan. Pero ang  ganitong uri ng galit ay madaling makontrol at maaaring sa loob ng maikling panahon ay maiayos na ng may katawan ang sarili at mawala ang galit sa kapwa at sa sitwasyon.

May positibong epekto rin ang galit, kung ito ay magsisilbing daan para mailabas ng isang tao ang kanyang sama ng loob na makakapagpaluwag ng kanyang dibdib. Ngunit may posibilidad na humantong sa isang matindi at bayolenteng pagkilos ang sobrang galit kapag sobrang nasaktan,  nainsulto at napanahiya ang isang tao.

Ito ang hangganan ng galit: pagkasuklam o pagkapoot na  na naitatago ng tao sa isip at puso sa matagal na panahon. Kung minsan, ito ay nag-uudyok sa taong sobra ang galit,  para mag-isip na makaganti  na humahantong sa  pagbigkas ng mahahayap na pananalita, ang pagkawala ng hinahon at kontrol,  at may posibilidad na humantong sa matinding kondisyon  at makapanakit ng kapwa o makamatay.  Ang  sukdulan nito ay maaring ikamatay dahil sa atake sa puso at pagtaas ng presyon o kaya ay humahantong ito sa krimen at mapatay ang taong kinasusuklaman.

Kapag itinanim at  itinago sa dibdib ang galit at hinayaang makontrol nito ang ating sistema at isipan, ito ay nagiging sanhi ng hindi magandang pakiramdam. Inaalisan nito ng kapayapaan ang  ating isipan at puso. Kapag nauwi na ito sa pagkasuklam at poot, ang taong nasa ganitong kalagayan ay mawawalan na ng katahimikan at galak sa kanyang buhay. Higit sa lahat, ito ay maaring maging sanhi ng mga karamdaman katulad ng mga sumusunod:

  1. Stroke

Ang pagsabog ng galit ay maaring humantong sa stroke  dahil sa blood clot at makapagpalala sa aneurysm kung meron ng findings na ganito.

  • Nakakapagpahina ng immune system

Ang taong may nakatagong galit ay palaging mahina ang pakiramdam at hindi makapag-isip ng maayos dahil sa galit na lumalamon sa kanyang sistema. Dahil dito ay madali siyang kapitan ng mga sakit.

      3.   Atake sa puso at sakit sa baga

Dalawang oras, matapos magalit o sa mismong oras na inatake ng matinding galit, ang isang tao ay posibleng magkaroon ng biglaang atake sa puso. Maraming testimonya na akong narinig na namatay ang isang tao dahil sa galit. Isa pang maaaring maapektuhan ay ang baga. Kahit hindi ka naninigarilyo, pwedeng mapasikip ng galit ang daanan ng hangin sa iyong baga at magkaroon ng respiratory illness.

     4.    Anxiety

            Ang taong may nakatagong galit sa dibdib ay nagiging nerbiyosa, palaging kinakabahan,

mapag-isip ng mga negatibong bagay, hindi mapakali at ang kaisipan ay hindi na makapag-isip ng positibo.

    5.     Depresyon

Maaari ring mauwi sa depresyon ang matinding galit kung saan ang isang tao ay palaging malungkot at nawawalan ng gana sa buhay. Naiiba rin ang pag-iisip at kilos na kung minsan ay humahantong sa pagpapakamatay.

    6.    Nakakaiksi ng buhay

Ang taong hindi masaya at may nakatagong galit sa dibdib ay palaging hindi maganda ang pakiramdam at wala nang nakikitang maganda sa paligid. Dahil dito, ay madali na siyang kapitan ng mga sakit na maaaring ikaiksi ng buhay.

Durugtungan. Abangan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here