FEDERALISMO: Kailangan nga ba?

3
15681
FEDERALISMO: Kailangan nga ba?

Latest posts by JEFANIE TUAZON (see all)

Hindi natin kailangan nito at kailanmay hindi kakailanganin.

Una pa lamang ay sinabi ko na agad ang aking posisyon sa usaping pagpapalit ng konstitusyon mula sa pagiging demokrasya papunta sa pagiging federalismo. Pero ano nga ba ang federalismo? Sa madaling paliwanag, ang federalismo ay isang uri ng pamahalaan kung saan ang isang bansa ay nahahati sa mga estado at ang nasyonal na gobyerno. Kabilang sa mga bansang may ganitong uri ng pamahalaan ang USA, at India. Pero ang tanong, kailangan ba ito ng Pilipinas? Ito ang sagot, hindi. Bakit? Maglalahad ako ng sampung (10) dahilan kung bakit sa tingin ko ay hindi karadapat-dapat ang ganitong uri ng pamahalaan sa ating bansa. 

Una, bababa ang pondo ng nasyonal na pamahalaan. Ito ay dahil sa sisenta porsyento (70%) at trenta porsyentong (30%) hatian sa buwis sa bawat estado ng lokal at nasyonal na gobyerno. Hindi sapat ang trenta porsyentong (30%) iyon upang matustusan ang pambansang gastusin ng pamahalaan ukol sa mga programa at proyekto nito. Kayatdi malayong mangutang na naman ang bansa sa internasyonal na bangko.  

Pangalawa, ang pagkakaroon ng kalituhan sa responsibilidad. Halimbawa, ang isang estado ay dumaan sa isang napakalakas ng bagyo, at ang lokal at nasyonal na gobyerno ay nagkagulo sa kung sino ba dapat ang primaryang tumulong sa mga nasalanta. Ang ganitong klaseng eksena ay magiging sanhi pa ng mabagal na pagresponde at aksyon para sa kaligtasan ng mga nabiktima. 

Pangatlo,  ang posibilidad ng pang-aabuso sa kapangyarihan. Ang isang estado ay mayroon lamang isang gobernador na siyang namamahala sa buong estado na kanyang nasasakupan. Ang lahat ng kapangyarihan ay nasa kanya na maaring maging sanhi ng pagtiwali sa katungkulan at korapsyon. 

Pang-apat, ang pagkakaroon ng dinastiya. Ang dinastiya ay isang pamahalaan kung saan ang mga namumuno ay pawang nagmula sa iisang angkan lamang. Sa panahon ngayon kahit wala pang mga estado ay kapansin-pansin na ang nabubuong dinastiya sa ibat-ibang lungsod at lalawigan sa bansa tulad ng pamumuno ng mga Oreta sa Malabon; Binay sa Makati; Gatchalian sa Valenzuela; Marcos sa Ilocos; at Duterte sa Davao. Sa pagkakaroon ng mga federalismo ay mas lalaki ang posibilidad ng pagkakaroon ng dinastiya sa bawat estado lalo pat nasa gobernador ang buong kapangyarihan dito. 

Panglima, ang mahinang pamumuno. Kung maipapasa ang federalismo sa bansang Pilipinas ay may tinatayang magkakaroon tayo ng labing-isang (11) estado sa buong bansa. Isipin mo na lang kung ilang lungsod at lalawigan ang mapapasailalim ng iisang estado lamang na pinamumunuan ng isang gobernador. Sa laki ng kanyang nasasakupan ay maaaring hindi niya na matutukan ang buong estado. 

Pang-anim, maaari itong magdulot ng kumpetensya sa mga estado. Ang bawat gobernador ay may kani-kaniyang paraan ng pamamalakad. Gayundin ang estado na may ibat-ibang paraan ng pamumuhay. Halimbawa, ang Makati ay kilala sa modernisasyon at industriyalisasyon nito. Samantalang ang Nueva Ecija naman ay kilala sa agrikultura. Ang bawat estado at magkakaroon ng hindi pantay-pantay na pag-unlad at progreso. Dahilan upang umusbong ang hindi pagkakaisa at diskriminasyon sa pagitan ng mga estado. 

Pangpito, ang tuluyang paghiwalay ng Mindanao sa bansa. Dulot ng federalismo ang pagkakaroon ng sariling pamahalaan ng bawat estado. Dahil dito may pagkakataon na ang mga Bangsamoro sa Mindanao upang magplano at tuluyan nang umalis sa poder ng Pilipinas. 

Pangwalo, ang pagkakaroon ng ibat-ibang batas. Halimbawa, ang isang estado ay nilegal ang same sex marriage habang tutol naman dito ang ibang mga estado. Magiging bunga nito ang pag-usbong ng alitan sa mga batas at paniniwala, at ng estado at simbahan. 

Pangsiyam, ang pagpapalit ng konstitusyon ay nangangailangan ng malaking pondo. Maging pratikal naman sana ang gobyerno na imbis ilaan ang mga pondo sa pagbabago ng konstitusyon ay ibigay na lamang ito sa pangangailangan ng mamamayan tulad sa pangkalusugan, pang-edukasyon, at pang-ekonomiya. 

At ang huli, ayon sa mga eksperto, ang kasalukuyang konstitusyon ng Pilipinas ay isa sa pinakamaganda, pinakamaayos, at pinakamakataong konstitusyon sa buong mundo. Ang federalismo ay nagtatakda ng pagbabago at pagsasaayos nito. Ang sa akin lang, bakit kailangan pang baguhin ang konstitusyong pamahalaan ng mamamayan; para sa mamamayan; at ayon sa mamamayan? 

Akin nang naipaliwanag ang mga maaaring idulot ng pagbabagong ito. Ngayon, ikaw ang sumagot, kailangan ba ng Pilipinas ang federalismo?

Narito ang pampulitikang artikulo

Mag-aaral ng mga artikulo dito

3 COMMENTS

  1. Oo kailangan natin amg fefedralismo..
    “Sa ngayon ang ating gobyerno ay isang unitary form of government. Ibig sabihin, halos lahat ng kapangyarihan at kapamahalaan ay itinatalaga sa isang sentralisadong pamahalaan. Isang aspeto nito ay ang mga kita at pondo ng bawat rehiyon ay mapupunta lahat sa sentralisadong pamahalaan. At mula doon, ang budget ay ipinamamahagi pabalik sa bawat rehiyon batay sa halaga na itinakda ng pamahalaan. Sa federalismo, ang kapangyarihan ay mahahati sa pagitan ng National Federal Government at Local State Government. Ang Pilipinas ay mahahati sa iba’t ibang estado at ang bawat estado ay mapapanatili ang 80% ng kanilang kita at pondo at 20% lamang ang mapupunta sa federal national government. Mula sa 80% ng bawat estado, ang 30% ay mapupunta sa local state at 70% sa mga probinsya, lungsod, munisipalidad at barangay. Bawat estado ay mayroong sariling hanay ng mga senador at mga kinatawan. Ang legislative powers ay hahatiin sa pagitan ng national federal government at local state government. Sa madaling salita, ang national federal government ay responsable sa usapang military at proteksyon ng buong bansa. Ang local state government naman ang magiging responsible sa sarili nilang estado, kung saan ang bawat local na pamahalaan ay mas may kontrol sa mga proyekto, budget at mga pagpasa ng batas.”

    Sa madaling salita ay mas mapagtutuunan ng pansin ng ating
    national government ang pangangalaga at proteksyon sa bansa at ang local state government naman ang bahala sa pagpapatayo ng mga imprastraktura sa kanya-kanyang estado.

    Hindi na nakakapagtaka na ang mga bansang Russia at America ay tinatawag na mga superpowers na mga bansa. Kaya hindi na nakapagtataka kung gaano ka-high-tech ang mga gamit na pangdigma ng mga nasabing bansa dahil ang 20% na mula sa mga local state government ay naifo-focus sa mga bagay at gamit ng kanilang mga military at kapulisan.
    Maaari ring ang mangyari ay magpapatalbugan sa pagpapaganda ang mga opisyales ng kanya-kanyang estado upang hindi maangatan ng iba. Nakakahiya nga naman kung pakaiisipin na ang mga estadong katabi mo ay napakaunlad na samantalang ang iyong estado ay hindi pa rin.
    Noong nakaraang taon ay sinabi ng Pangulong Duterte na gusto niyang maamendahan ang konstitusyon sa pamamagitan ng constituent assembly kung saan magpupulong ang mga taga-gawa ng batas upang mapag-usapan ng husto ang mga pagbabago o charter change.
    Ngunit, sinabi rin ng pangulo na bukas siya sa ideya na gumawa ng isang constitutional commission na kinasasalihan ng mga former justices.
    “I suggest that we appoint 24 commissioners. If you want, you can put all the retired justices. Few civilians, about five”, dagdag pa ng Pangulo.
    Matatandaang noong nakaraang taon lamang ay nag-issue ng Executive Order no. 10 ang Pangulo upang makabuo ng dalawampu’t limang miyembro ng consultative body na ire-review ang 1987 Constitution.
    Naniniwala kasi siya na hindi lahat ng nakasaad sa konstitusyon ay maaari pa rin mai-apply sa panahon natin ngayon.
    Marami ang pabor ngunit marami rin naman ang hindi pabor sa kagustuhang ito ng Pangulo.

  2. Oo, kailangan natin ng federalismo.
    Kapag kasi nahati ang pondo at naibigay sa pamamahala ng bawat estado at lokal na pamahalaan ang pagpapaunlad ng kanilang nasasakupan tulad ng pagpapatayo ng imprastraktura, atbp, makikita natin kung sino ang tunay na nangungurakot at mga lugar na mabilis na umaasenso.

  3. Sa nagsulat ng artikulong ito, nais ko lang sabihin na ang magpapalit ay Unitaryo sa pagiging Federal at kahit na maging federalismo ang uri ng gobyerno natin ay mananatili pa rin itong demokratiko, at iba ang tinutumbok ng aritkulo mo dahil sa simula pa lamang ay nagkamali ka na.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here