NABABAHALA ang Liberal Party sa ulat na may pakana ang mga kapanalig ni Digong na kanselahin ang barangay election sa Mayo at maging ang 2019 midterm elections.
Masisira daw ang demokrasya.
Nagdadrama si Senador Frank Drilon.
Kinokopya ng LP ang pagtangis ng Pagong sa Kuwento ni Dr. Jose Rizal na sana ay huwag siyang ihagis ng Unggoy sa ilog sapagkat mamamatay siya.
Nais i-reverse psychology ng LP si Digong dahil inaakala niya na ang isip nito ay pang-Grade One lang.
Isipin natin, kapag kinansela ang barangay at SK election sa Mayo, ano ang magiging reaksiyon ng publiko?
Tama ang inyong sagot, madaragdagan ang dami ng magagalit kay Digong gamit ang argument at sintido-kumon.
Ang kakarampot na nagprotesta sa Edsa kahapon ay maaaring madagdagan.
Malaking bagay sa LP na unti-unti nadaragdagan ang mamumuhi sa Digong administration—at isa dito ang pagkansela sa barangay at SK election.
Tanging ang pusakal na politiko lamang na si Speaker Bebot Alvarez ang nagpakana ng pagkansela ng barangay election kasi’y nagagahaman sila sa poder.
Iyan din ang dahilan kung bakit pikit-matang pumagitna si Inday Sara sa “national politics” upang hindi mabiktima ng “political blackmail” ang kanyang ama.
Ngayon, kakandidato si Mayor Sara sa 2019 midterm election—tiyak na diskaril ang ambisyon ni Alvarez na makontrol ang mga kongresista.
Kapag nawala sa eksena si Alvarez, mas gaganda ang reputasyon ni Digong dahil hindi siya nadidiktahan ng mga laos nang politiko sa kanyang paligid.
Baguhan sa national scene si Inday Sara, pero siya ay repleksiyon ng isang wagas na pagbabago sa politika at sa lipunan.
Hangga’t nanatili sa poder si Alvarez, mahihila niya paibaba si Digong at madadamay ang ama ni Mayor Sara sa mabahong amoy ng pusali ng lumang politika sa bansa.