EJK — SAGOT PARA TUMINO ANG BAYAN

‘PATAYAN…patayan…puro na lang patayan.’

Heto, mayroon na namang natagpuan na patay, ‘snatcher ako, huwag mong tularan’. Mayroon pang iba, ‘ rapist ako’, ‘mamamatay tao ako’ at kung anu-ano pang krimen na nakikitang nakasulat sa plakard na iyon.

So, sino pa ba ang gagawa noon kundi ang mga taong gustung linisin talaga ang bayan na ito?

EJK — extrajudicial killing. Naniniwala ako na totoo ito. O, hindi ba, sinabi nga ni President Duterte na magiging madugo ang kanyang Administrasyon. Lumabas na sa bibig niya ang katotohanan kaya sa mga nagsasabing hindi totoo ang extrajudicial killings, neknek ninyo!

Huwag nga kayong magbulag-bulagan. Kailangan ngayon pa lang ay alam na ninyong ang Administrasyon na ito ay walang puso sa mga kriminal. Kunsabagay, tama naman talaga na mawala na ang mga taong iyon tutal perwisyo lang naman sila sa ating buhay. Pagnanakawan ka, pupugutan ka ng ulo at kung anu-ano pang masasama o kalunus-lunos ang gagawin nila sa katawan mo bago ka nila patayin.

So, unahan na lang, hindi ba?

Para sa akin, maganda rin talaga ang EJK na ‘yan, titino ang Pilipinas. Iyon nga lang, baka ilan na lang ang matira sa bansa natin dahil karamihan naman dito ay masasama. Pero, hindi ba, ang sarap kayang lumakad ngayon sa kalsada kahit gabi dahil alam mo na walang gagalaw sa’yo.

Sorry ka na nga lang kung mapagbibintangan kang adik, rapist o mamamatay tao. Tiyak na hindi ka na aabutin pa ng bukas.

Pero, hindi ba, nitong mga nakalipas na araw, buwan at isang taon, wala ng gaanong gumagawa ng krimen. Kung sakaling mayroong nang-rape o pumatay, kinabukasan pagkahuli nila, lumulutang na sila sa sapa.

Sorry na lang talaga ang mga kumokontra sa EJK dahil kahit na mag-rally pa sila diyan, hindi sila pakikinggan ng ‘batas’ ni Duterte. Kailangan daw kasing gamitan ng kamay na bakal ang mga tao para tumino. Si President Duterte ang Pangulo ng PIlipinas kaya siya ang masusunod kung ano ang gusto niyang mangyari sa ating bayan.

Mabuti nga at mayroon pang Tokhang ngayon. Iyon bang bibisitahin ka ng pulis sa bahay mo tapos aayain kang sumama nang maayos. Kapag sumama ka naman nang maayos, poposasan ang kriminal sa harapan. Para nga naman, may palusot ang mga pulis na siya ay manlalaban kaya puwede nilang barilin. Kung ilalagay kasi nila ang posas sa likod, hindi magiging kapani-paniwala ang paglaban ng kriminal o pinaghihinalaang kriminal.

O, hindi ba, iyon naman talaga ang utos ni Pangulong Duterte sa kapulisan. Kapag lumaban, patayin. Kaya nga, kahit pa na-corner na ang kriminal sa kanyang masikip na tahanan ay sasabihing nanlaban pa rin. Hayun tuloy, may dahilan silang patayin ang kriminal. O kung minsan ay pinaghihinalaan pa lang, kriminal ka na sa kanilang paningin.

Kaya, kung ikaw ay may kasalanan sa batas, mag-babu ka na sa mundong ito.

Kahit kasi sabihin mong magbabago ka na, hindi ka paniniwalaan. Kaya ang nguso na lang ng baril ng mga pulis ang kausapin mo.