EJK: Sagot nga ba Malawakang Pagbabago?

0
247

Latest posts by Joshua A. Daarol (see all)

Ang Extra Judicial Killing o EJK ay ang padalos-dalos na paggawa ng operasyon ng gobyerno sa mga kasong may kinalaman sa droga nang walang ikinokonsidera na proseso. Marami sa mga eksperto ang naniniwalang EJK ang kampanya kontra droga na inilunsad ni Pangulong Duterte (Letran, 2017). Buo ang paniniwala ng pangulo na mahihinto ang suliranin ng bansa tungkol sa droga sa pamamagitan nito. Ngunit, maniwala man kayo o hindi, narito ang nakababahalang datos na naitala ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA). Tinatayang 13-libong mga drug suspect ang kinitil ng nasabing kampanya. Bilang Pilipino na may pagpapahalaga sa sariling bayan, kukunsintihin mo ba ang ganitong mga sitwasyon? Pababayaan mo bang pati ang ibang inosenteng Pilipino ay mapabilang sa datos na iyon? Hahayaan mo lang bang matuldukan ang buhay ng kapwa mo Pilipino? Ang EJK nga ba ang sagot sa malawakang pagbabago? 

Sa bawat naririnig niyo sa radyo o telebisyon man, mga lalaking drug suspect ang kadalasang natotokhang. Sapagkat kasamang ipinangako ng Presidente na walang babae at menor de edad na mamamayan ang masasangkot. Buhat ng kaniyang mga salita, maraming tahanan ang naputulan ng haligi at tanging ilaw na lamang ang naiwan sa pagtataguyod ng pamilya. Walang sinoman ang makapagsasabi kung kailan, saan, at sino ang magiging bahagi ng madugong operasyon sa kadahilanang sumusulpot na lang ang mga biglaang Buy-Bust Operation. Maraming ina ang nagmistulang single parent sa pamilyang iniwan sa kanila ng pumanaw na asawa. Tila balot ng tanikala ang mga paa’t kamay at selyado ang isipan dahil nahihirapan sila sa tuwing iisipin ang posibleng sakripisyong iaalay nila sa mga naulilang anak. Karagdagan pa, ang dating mahihirap ay lalo pang malulubog sa kahirapan sapagkat nawalan ang maraming Pilipinong ina ng karamay sa pagpapalaki ng mga bata (Solemnity of Immaculate, 2017). 

Nagdala rin ng animo’y bangungot ang kampanya kontra droga sa ating lipunan. Ayon sa sarbey ng Social Weather Station (2017), 7 sa kada 10 Pilipino ang nangangambang baka masangkot din sila sa madugong operasyon nang hindi inaasahan. Pangangamba at takot lamang ang namutawi at bumalot sa kanilang mga isipan. Sa bawat paggising sa umaga, nag-aalala ang nakararami na baka may minsang pahintuin na lamang ng metal na bala ang kanilang pahinga. Putol-putol na pagtulog ang resulta ng labis na pag-aalala sa magiging kinabukasan ng pamilya dala ng pag-usbong ng nasabing kampanya. Marami ang nagbago pagdating sa emosyon ng mga Pilipino inosente man o kasangkot sa mga ilegal na gawain. Dating payapa na naging pangamba. Dating saya na napalitan ng lungkot. Dating tawanang labis na di umano’y naging malakas na pagtangis. At noon ay malinis na kapaligiran na tila ngayo’y hanguan na ni Kamatayan. 

Sa bawat engkwentro sa pagitan ng mga alagad ng batas at mga drug suspect , may isang buhay na namang malalagas. Sa bawat pagputok ng baril, panibagong eksena na naman ang lalabag sa batas. Republic Act 10368 ay patungkol sa pagkilala sa karapatang pantao ng bawat Pilipino na kung saan walang sinoman ang maaaring maabuso at pagkaitan ng anumang karapatan. May mga puntong naisasantabi ang karapantang pantao ng mga Pilipino sa bawat opearasyong isasagawa. Halos ang natitira na lamang na solusyon ng ating kapulisan ay ang pagkitil sa mga hinihinalang drug suspect sa tuwing manlalaban. Gayunpaman, ang pagbabago ng lipunan ay kaakibat ng pagpapabuti rin ng mga mamamayang bumubuo rito anuman ang nagawang kasalanan. Hindi kailangang may dumanak na dugo upang maramdaman ang pagbabago. Lumabas din sa sarbey na mahigit 87% ng mga respondente ang nagsabing mahalagang maaresto nang buhay ang isang drug suspect (SWS, 2017). Saklaw ng batas na binanggit kanina ang kapakanan ng lahat. Normal, abnormal o kriminal ka man, dapat lang matamasa ng bawat isa ang seguridad at matiwasay na kapaligiran.

Sa kabuuan, ang mga kapulisang naatasang kumitil sa buhay ng mga drug suspect ay hindi kailanman nagpababa ng antas ng kriminalidad sa bansa. Bagkus, idinaragdag lamang nila (mga pulis) ang kanilang sarili sa bilang ng mga kriminal sa tuwing kakalabitin ang minandohang gatilyo. Pagtangis ng maraming pamilya, pag-aabanduna sa karapatang pantao at labis na kilabot ang napapansin kong naging resulta ng madugong pamamahala. Kung nais ng Pangulo na talagang puksain ang droga sa bansa, pagtuunan niya ng pansin ang mga drug lords sa halip na mga drug user. Mas kakaunti ang bilang ng mga drug lords kumpara sa mga drug user kung kaya’t madaling mapuputol ng gobyerno ang pinaka ugat ng mga naglalakihang transakyon sa droga. Ito ang magiging mas mainam na istratehiyang dapat gamitin ng kasalukuyang administrasyon nang sa gayon ay maibsan ang suliranin sa droga habang napoprotektahan ang kalagayan ng ilang payak na mamamayan ng ating bansa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here