Edukasyon sa Ilalim ng Kahirapan

0
114

Latest posts by Joshua A. Daarol (see all)

Kahirapan, ang salitang kahirapan ay di na nangangailangan ng ispesipikong depinisyon. Lumingon ka lamang sa iyong paligid at tiyak malalaman mo ang salitang iyon. Kawalan ng opurtunidad, di sapat na panananalapi sa araw-araw na gastusin at kakulangan ng permanenteng trabaho ay ilan lamang na sinyales ng lumalalang kahirapan sa bansa. Sa katunayan, mahigit limang pong porsyento (50%) ng kabuuang populasyon ang nasasadlak sa kakapusan at isang kahig, isang tukang pamumuhay sa panahong kasalukuyan (Social Weather Station, 2017). Ang nakatatakot na datos na ito ay kaakibat ng nakababahalang realidad na marami sa mga kabataan ay hindi kailanman nakatungtong ng paaralan. Ano na nga ba ang kalagayan ngayon ng sistema ng edukasyon sa ilalim ng kahirapan?

Buhat ng malalang kahirapan, nasasangkot ang maraming mga kabataan sa ilang mga gawaing labag sa batas. Umaabot sa puntong napapatanikala sila kung ano ang madaling paraan upang kumita ng salapi nang sa gayon ay malagpasan ang isang araw ng kapagod-pagod na pakikibaka. Racket dito, racket doon, para lamang matustusan ang pangangailangan ng mag-anak at mapunan ang kumukulong sikmura. Hindi alintana ang sariling kahihiyan at dignidad upang mapangahas na pasukin ang dimensyon ng kriminalidad. Mga musmos na paslit na nagsisikalat sa bawat madadaanan upang manghingi ng limos. Pagkaripas ng takbo ng isang binatang may hinablot para lamang may maiuwe sa mag-anak na pansit na nasa supot. Pag- aantay ng dalagita sa kalagitnaan ng gabi upang idampi ang labi sa hindi kilalang lalaki. Palitan ng pera at panandaliang aliw sa bawat eskinita ng Barangay. Dala ng kahapis-hapis na kalagayan ng mga batang ito para lamang kumita, hindi na nila nabibigyan-pansin ang pagpasok sa eskuwela. Hanggang sa umabot sa puntong tatamarin na lang suotin ang uniporme nila. Nariyan na ang impluensiya ng droga sa mga kabataang tuluyan nang nilimot ang paaralan. Lighter sa kaliwang kamay, animo’y tawas sa kanan at nariyan rin ang foil sa harapan. Handa nang lasapin ang nakakaadik na amoy at tila nasa alapaap ang mga kabataang nasa ilalim ng adiksyon. Namumulang mata, mabahong hininga, maalingasaw na amoy, hallucination at sabog na galawan ang tanging nakamit mula sa drogang sinubukan.

Sa kabilang banda, hindi dahilan ang kapos na pamumuhay upang tumigil sa pag-aaral. Oo, mahirap mag-aral pag mahirap ka pero hayaan mong bahaginan kita ng isang senaryo. Ipagpalagay nating iikot sa pagitan nating dalawa ang daloy ng kwento. Ako na nag-aral sa pribadong paaralan habang ika’y nasa pampublikong iskul, pero parehas lang naman tayong nagsipagtapos. Ako na nagpapasa ng mga printed paperworks habang i-sinubmit mo ang iyong takdang aralin nang pasulat-kamay, pero parehas tayo ng marka nang walang kamalay-malay. Ako na kumakain ng beef steak sa isang sosyal na restaurant habang ikaw na sapat na ang tinapay at tuyo sa isang lugar na mabubog, pero parehas lang tayong nabusog. Ako na may mamahaling kasuotan habang sa iyo ay simple lamang, pero ang mga pribadong bahagi ng ating katawan ay pareho lang din natatakpan. Ako na may sariling kotse habang ika’y naglalakad patungong silangan, pero parehas lang natin naabot ang destinasyong nais puntahan. Kung kaya’t di kailanman naging kompetisyon ang uri ng pamumuhay upang makapag-aral. Kesyo mayaman ang isa at kapos ka sa kabilang banda, hindi nangangahulugang nahigitan o nalamangan ka niya. Bakit? Sa kadahilanang lahat ng tao ay maaaring may magkaparehong tagumpay sa dulo ng paglalakbay. Iisa lamang ang resultang kahihinatnan ng bawat isa kung ituturing bilang kalakasan sa halip na kahinaan ang pagiging mahirap para lamang magtapos ng edukasyon.

Ikaw! Oo ikaw na nagbabasa nito. Hindi sapat na dahilan ang mga nabanggit kong sitwasyon upang pamarisan ang mga ito. Magsumikap sa buhay at magkaroon ng determinasyon upang maabot ang mga tala sa karimlan. Hindi kailanman naging kasalanan ang isinilang kang mahirap bagkus pag pumanaw kang nasa dukha pa ring antas. Kung isinilang ka ng kahirapan, pagkakataon mo ito upang umahon sa kinamulatan. Bibigyan tayo ng Poong Maykapal ng mahabang panahon upang maipakita ang angking kakayahan nang magtagumpay sa isang larangan. Wastong paggamit ng oras at kung ano ang meron ka ang natatanging susi upang mabuksan ang pinto ng kahirapan. At ang lahat ay mag-uumpisa kung pursigido kang humawak ng lapis at papel, pasukin ang masukal na gubat bitbit-bitbit ang bag, baybayin ang karagatan nang hindi nababasa ang mga aklat at akyatin ang pinakamatarik na bundok nang sa gayon ay makuha ang isang pirasong manipis na papel na hinahangad ng marami, ang DIPLOMA….

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here