Disyerto Sa Panaginip

Latest posts by Myrna Maravilla (see all)

Nakarating ka na ba sa isang disyerto? Yung tipong wala kang ibang natatanaw kundi ang mga buhangin at wala ka ring nararamdaman kundi ang init at lagkit sa iyong katawan? Naranasan mo man ito o hindi, kapag ito ay pumasok sa iyong panaginip, parehas lang ang nais nitong ipahiwatig sa’yo. Ito ay may kinalaman sa iyong mga plano sa buhay na natatago lamang sa iyong isip at ni hindi mo pa pinagtutuunan ng pansin. Ang disyerto ay isang malawak na lugar kung saan malaya kang isigaw ang nilalaman ng iyong damdamin. Gawin ang kahit na ano. Bagamat karaniwang hindi maganda ang klima sa isang disyerto, hindi mababago ang lawak nito. Kapag napunta ka sa ganitong lugar ay maaaring maisip mo na napakasuwerte mo nang ikaw ay namumuhay sa isang kabihasnan kung saan naroon lahat ang mga pangangailangan mo.

Kaya kung nanaginip ka na ikaw ay nasa gitna ng iyong paglalakbay sa isang disyerto, ito ay nangangahulugan na panahon na upang pagmuni-munihan mo ang mga kailangan mong gawin sa iyong buhay. Dapat mo nang bigyan ng pagkakataon ang sarili mo na gawin ang plano na matagal ng nakakubli sa iyong isipan. Ang lawak ng disyerto ay sumisimbolo sa isang malaking pagkakataon. May pagkakataon ka na gawin ang nais mo kung iyo lamang gugustuhin. Halimbawa ikaw ay nagbabalak ng isang negosyo na matagal mo nang gustong gustong gawin pero hindi mo magawa dahil wala ka pang oras na pagtuunan iyon ng panahon. O kaya ikaw ay nagpaplanong mangibang bansa pero hindi mo pa rin nakukumbinsi ang sarili mo para seryosohin ang planong ito. Sa disyertong makikita mo sa iyong panaginip, ito ay nagpapahiwatig na nasa sa’yo na ang espasyo para makapag-isip ng husto at makapagpasya sa kung ano ba talaga ang gusto mong gawin sa buhay mo. Dapat mo nang ihanda ang sarili mo sa isang malawak at malayuang paglalakbay tulad sa kung paano naglalakbay ang isang tao sa isang mahabang disyerto.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here