Diskriminasyon ayon sa karanasan ng isang dalagang Transwoman/Ladyboy

0
4792

Ang mga transwomen/ladyboys ay hindi lamang nakakaranas ng hapdi sa kalooban kundgi nakakaranas din sila matinding pagaalala sa mundo na kung saan ang tingin ng mga tao sa kanila ay mga kakaiba. Ang lipunan na mapanghusga ay nakakadagdag pa sa mahirap na ngang sitwasyon nila. Diskriminasyon ang isa sa mga masaklap na reyalidad na nararanasan sa halos lahat ng bahagi ng bansa at ito ay isang uri ng diskriminasyon na walang awang hindi ka tatantanan.

Ang Diskriminasyon ay tumutukoy sa pagtrato sa isang tao o grupo ng mas mababa o mas hindi kaaya aya kaysa sa ibang tao o grupo.

Ako ay isang batang Transwoman/ladyboy na naninirahan sa lipunan ng Pilipinas at ako ay magbabahagi ng aking mga karanasan ukol sa diskriminasyon bago pa ako mag anyong babae at noong nag aanyong babae na ako.

Bago pa mag anyong Babae

Bago pa ako mag anyong babae , boses babae na talaga ako nang ako ay mukha pang lalaki. Ang personalidad ay masasabing matibay na kung saan kaya kong sabihin ng may taas noo sa mga kaibigan ko na ako ay isang babae at hindi lalaki. Sa mga pagkakataong ito na una akong naranasan ang mahusgahan at masabihan na ako ay hindi normal. Alam ko sa sarili ko na ako ay kakaiba pero kapag ang mga tao ay gumagawa ng paraan para ibaba ka pa lalo, ito ay sobra sobra na at isang diskriminasyon.

Nag aanyong Babae

Noong limang buwan na ako sa hormone therapy, nagsimula na akong magsuot ng baby bra dahil lumalaki na ang suso ko. Nagsimula din akong mag makeup para ihanay sa aking pang babae na anyo. Pero gupit lalaki pa rin ako dahil pumapasok pa ako sa paaralan.

Isa sa mga pinaka diskriminasyon na aking naranasan ay ang pagtawag sa akin ng mga tao bilang gay kaysa transgender. Malaki ang pinagkaiba ng dalawa dahil ang gay ay tumutukoy sa sexual orientation at ang transgender naman ay sa gender identity. Diskriminasyon sa paaralan ay naranasan ko rin. Sa eskuwela hindi ako pinahihintulutan gumamit ng restroom ng mga babae at ako ay tinatawag na ‘sir’ kahit na ako ay nagsasabing babae ako. Pero dahil nagaaral ako sa isang Catholic school at naninirahan sa bansa na walang batas patungkol sa mga transgender, tanggap ko na ang mga pahirap na ito – sinasadya man o hindi – ay mangyayari talaga.

Pero akin ding nabatid na kahit na ako ay isang normal na babae, makakaranas pa rin ako ng diskriminasyon. Ito ang aking karanasan noong nagging passable ako.

Passable: parte ng pag aanyong babae ng nga transwomen/ladyboy na kung saan napagkakamalan ng cisgender ang mga ito.

Nagyong sampung buwan na ako sa hormone therapy, ako ay gupit babae, boses babae at mukhang babae, halos sa lahat ng oras nakikita ako ng mga tao bilang dalagang babae. Ang mga hindi ko kilala binabati ako ng ‘miss’ at ang mga lalaki ay itinuturing akong babae, at hindi lang basta babae kungdi bilang isang magandang babae. At dito ko naranasan ang isang diskriminasyon sa pamamagitan ng pangbabastos ng ilang mga lalaki. Nalaman ko na may mga lalaking may maiitim na balak sa mga babae lalo na kung maganda ito. Ang uri  ng discriminasyon na ito ay ginagawa ng mga hindi mo kilala at ng mga kakilala. Ang pagtingin sa katawan ng babae bilang isang laman lamang para sa pagnanasa ay sex discrimination.

Ang isang babae – transgender o cisgender – lahat tayo nakakaranas ng diskriminasyon. Ang isang transwoman makakaranas nga lang ng mas maraming uri na diskriminasyon pero ito naman ay may mga aral na kapupulutan kung ating gugustuhin. Nawa’y an gating mga puso ay mapuspos ng pagasa at ang ating mga kamay ay maging aktibo sa paggawa ng kabutihan habang tayo ay naglalakbay sa mundo patungo sa inaasam na pagkapantay pantay ng bawat isa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here