Diary ng Commuter: Ano ang Totoo sa Inaakala Mo

Isang panibagong araw ng pakikipagbuno. Isang panibagong araw ng pagsasayang ng oras sa kalsada. Matapos ang apat na oras na tulog, gigising ka ng madaling araw upang maghanda sa pagpasok sa trabaho. Gagawin ang mga gawaing bahay, magluluto, maliligo at magbibihis.

Bilang Pilipino, tayo ay dapat makaalis sa bahay bago magliwanag. Around 5am? Minsan nga hindi pa epektibo. Magmamadaling maglakad patungo sa sakayan ng tricycle at pumila dahil pahirapan na naman ang byahe.

Makalipas ang ilang minuto, tatayo ang isang manggagawang Pilipino sa gilid ng highway, mag-aabang ng bus o jeep papunta sa LRT. Ilang bus at jeep na ang dumaan sa harapan mo pero hindi ka parin nakakaalis. Palibhasa’y punuan kahit makasabit man lang, wala talaga.

Alas-sais na ng umaga, kakasakay mo pa lang ng bus pa MRT. Sasalubungin ka na ng mabagal na daloy ng trapiko habang standing at pinipilit kang isiksik dahil marami ring katulad mong Pilipino ang nagnanais makasakay. Alang-alang sa kapwa, di bale na lang na sumiksik upang sama sama tayong makausad sa buhay.

Halos kalahating oras ka bago nakarating sa LRT station, ang maaabutan mo ay napakaraming tao. May nakapaskil, walang operasyon ng tren kaya’t di mo na alam kung paano ka papasok. Wala na ring masasakyan dahil katulad mo, at ng maraming manggagawang Pilipino, lahat tayo ay dumidiskarte makabyahe lang.

Dumaan na ang alas-syete, 7:30 at 8 pero wala talaga. Hindi mo man ginusto, half-day na naman sa trabaho ang bagsak mo nito. Makikipagpatintero sa mga dumarating na jeep, kanya kanya nang diskarte makausad lang.

8:30 swerteng nakasiksik ka sa isang punuan na jeep. Ang kahahantungan mo ay mata-traffic lang at wala nang magagawa kundi huminahon na lamang. Nagdaan na ang alas-nuwebe, mag a-alas diyes na naman. Tinanggap ng ng Pilipinong manggagawa ang kanyang kapalaran, magbubukas na laman ng Facebook baka sakaling malibang na lang.

“Walang mass transport crisis, nakakarating naman tayo sa pupuntahan natin”. Sa mga katagang nabasa, lalo lang nag-init ang ulo ng isang mamamayang Pilipino.

“Everybody suffers from that, that is a given, but there is no mass transport paralysis, hence there is no mass transport crisis”

Napaka-insensitive niyo naman po para masabing dahil sa nakakarating naman kami sa aming pupuntahan ay para bang balewala na lamang ito para sa inyo. Subukan lamang po ninyong mamuhay tulad ng isang tipikal na mamamayan kahit isang araw lang.

Wala po kasi kaming kotse, wala ring hahawi ng kalsada kung mali-late na kami. Wala ring VIP treatment sa lugar na aming pupuntahan.

Kami lang naman po ang Pilipinong nagtitiis na gumising madaling araw ngunit mahuhili pa rin. Kami lang naman po ang Pilipinong magmamadaling mag-out sa trabaho pero makakarating parin ay dis-oras na.

Umalis kaming wala pang araw, uuwi kaming wala nang araw. Pasalamat na lamang kami sa MMDA dahil sa kanilang pagsisikap na maisaayos ang trapiko at commuting system sa Metro Manila. Pero sa mga katagang narinig namin mula sa inyo Mr. Panelo, sana’y hindi ninyo dala dala ang opinyon ng kabuuan ng administrasyong ito.

Kaunting awa na lamang ang hinihingi ng manggagawang Pilipino mula sa gobyernong ito, insensitibong kataga pa ang maririnig namin sa kabila ng lahat ng ito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here