Deployment ban ng mga domestic workers sa Kuwait, dapat lang!

Sa ngayon, ang deployment ban na itinaas ng gobyernong Duterte ay para sa lahat ng BAGONG OFW papuntang Kuwait. Regardless kung skilled worker, halimbawa, engineer, hotel worker, nurse or caregiver o domestic worker – basta bagong OFW lang. Pero kung dati ka nang may kontrata at naka-bakasyon lang, o Balik-Manggagawa, walang problema sa immigration. You may go.   

Sa totoo lang, talaga namang a-apela ang mga skilled workers dahil parang inalisan sila ng pagkakataon na kumita ng malaking pera na hinding-hindi nila matatamasa sa Pilipinas. 

Sang-ayon ako sa desisyong ito ng Pangulong Duterte. 100%. Pero sana, domestic workers lang. Mga kababaihan lang. Sila kasi ang vulnerable sector. Dahil sa nature ng kanilang trabaho, talagang malaki ang tsansa na maabuso sila kung masama ang ugali ng employer nila. At saludo talaga ako sa sinabi ni Pangulong Duterte sa sinabi niya sa Kuwait, ‘what’s wrong with your culture or values?’ It’s a strong message na walang pang ibang mataas na opisyal ng bansa ang nakapagsabi kahit pa lagi na lang may namamatay na Pinay mula noon pa.  

Pero, bakit domestic workers lang ang dapat i-ban sa pagpuntang Kuwait? 

Una, malinaw na wala silang protection sa Kuwait. Hindi sakop ng labor rights doon ang mga domestic worker. Malinaw sa Senate hearing nung isang araw na hindi kailanman pumirma ang Kuwait sa anumang labor bilateral agreements on domestic workers. Yan siguro ang dahilan kaya ang taas ng incidence ng pang-aabuso, contract violation at sexual abuse sa mga Pinay na OFW. 

Andyan pa ang kafala system. Ang sponsor o employer ang syang magi-isyu ng exit visa sa domestic worker at hindi pwedeng lumipat ng employer o umuwi kung hindi sila magbibigay ng visa. 

Nakakalungkot ang Sistema ng pag-hire sa domestic worker. Parang tinda. Naka-catalogue nga daw. Sisipatan kung ikaw ang kursunadang maging maid ng client. Magbabayad ng KD1000, at susunduin ka na. 

Mataas na halaga ang KD 900 to KD1000 para sa ordinaryong Kuwaiti. Kaya naman, ang karaniwang istorya ng isang OFW na galing Kuwait ay nagtatrabaho sya ng halos 24 hours dahil naglilinis din sya sa bahay ng kaibigan, kamag-anak o ibang bahay kung saan sya dalhin ng employer. For a fee. Nagiging servant for hire sya. At ang employer niya ang kumikita dito. Ginawa na siyang human machine. 

Bagamat mainit ang isyu na ito sa ngayon, maraming Pinay na walang ibang alam na trabaho ang gusto paring magpunta ng Kuwait o ng alinmang bansa sa Middle East kahit pa sabihing maaabuso sila, di-pakakainin o mare-rape. Bakit? Andun kasi ang trabaho na kaya nilang gawin. Nakakalungkot pero totoo. 

So, habang naka-deployment ban, ano ang dapat gawin ng mga Pinay? 

Personal kong opinion. Mag-aral ng ibang kasanayan o skills para hindi pagiging domestic worker sa ibang bansa ang tanging alam na trabaho. Hamunin ang sarili na may iba kang kayang gawin maliban sa paglilinis, paglalaba, pagluluto at iba pa. 

Itaas ang respeto sa sarili na hindi ka lang pang-gawaing bahay kundi may iba pang talent o serbisyong pwedeng ibigay sa kapwa. At gagawin mo ito ng buong husay dahil hawak mo ang pangalan ng Pilipinas. 

O kaya naman, iligid ang mata sa paligid at don maghanap ng trabaho. Sa sariling bayan. At dito ibigay ang lahat ng husay. Lagi namang pinagpapala ng Diyos ang trabahong malinis at mahusay. Lawakan ang pananaw sa buhay. 

Yun lang!

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here