Dear Maria June 19: Hindi gets ang kinakasama

0
325
Dear Maria: Advice column on PhilippineOne

Tunghayan ninyo sa Dear Maria June 19 ang tanong ni Ehra Madrigal

 

Dear Maria,

Hindi ko ma-explain ang ugali ng kinakasama ko. Ayaw niyang makipag-usap tungkol sa mga bata. Ayaw niyang ayusin ang aming buhay. Habang panahon na lang ba kaming ganito? Ano ba ang gagawin ko? — Ehra Madrigal 

Ehra Madrigal,

Kung susuriin kong mabuti ang sinasabi mo, gusto mo na mag-level up ang inyong relasyon. Hindi ka na kuntento sa relasyon ninyo bilang magka-live in. Wala namang masama kung gusto mo ng kasal dahil ibig mong magkaroon ng kasiguraduhan sa inyong relasyon at siyempre para maging tunay na pamilya na kayo.  

Kahit naman kasi nagsasama kayo sa iisang bubong, hindi ka pa rin nakasisiguro kung magiging kayo talaga habambuhay. Kung ang mag-asawa ngang tunay ay naghihiwalay, kayo pa kaya? ‘Yan ba ang iyong kinakatakutan. Kung ‘oo nga’ ang sagot mo, naintindihan naman kita. Talaga naman kasing nakakatakot na wala kang magiging habol sa kanya. Paano naman ang inyong mga anak?  

Gayunpaman, hindi mo naman mapipilit ang isang tao kung ayaw niya. Sabi mo nga, ayaw pag-usapan ng kinakasama mo ang inyong sitwasyon. Kung ganoon, malinaw pa sa sikat ng araw ang gusto niyang sabihin. Ayaw niya na mag-level up ang inyong relasyon. Ang tanong, bakit?

 

Hindi lang ba siya talaga naniniwala sa kasal? Kung ganoon, makabubuting huwag mo na siyang pilitin. Masakit man ito sa puso pero siguro ito ang makabubuti kaysa naman mauwi sa hiwalayan ang sama ng loob mo at pagkairita niya. Dapat kasi sa simula pa lang ay napag-usapan na ninyo ang inyong sitwasyon.  

Teka nga pala, gaano mo ba siya kakilala? Natanong ko ito kasi madalas kapag na-in love tayo ay hindi na importante sa atin ang nakaraan ng ating partner. Basta ang mahalaga ay ang kasalukuyan. Kaya ang tanong ko sa’yo, nakakasiguro ka ba na wala siyang pamilya?  

Kung mayroon kasi, kahit pilitin mo siya ay hindi ka niya mapapakasalan. Ngayon kung alam mo naman pala na may pamilya siya, bakit mo pa ipagpipilitan na maging isang pamilya kayo?  

Kahit kasi hiwalay na ang mag-asawa kung mayroon pa ring bisa ang kanilang kasal, nasa tunay na asawa pa rin ang karapatan.  

Pasensiya ka na kung masyado akong advance mag-isip. Hindi mo kasi diniretsang tanungin kung ano ang problema mo sa iyong asawa. Ito lang ang naintindihan ko.

Pero, sana ay mag-usap kayo ng masinsinan. Kung ayaw niyang pag-usapan, igalang mo ang kanyang desisyon. Walang magandang mangyayari kung ipagpipilitan mo ang isang topic na ayaw niyang marinig. Tiyak kasi na magkakaproblema lamang ang inyong pagsasama.  

Sana, nagawa kong sagutin ang iyong  tanong, Ehra Madrigal dito sa Dear Maria June 19. 

More Dear Maria

More K-Pop

More Movie Reviews

More Beauty and Health

More Beauty Pageants

More Commentary

More Politics

More OFW

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here