Dear MAR

0
13724
Dear MAR

Latest posts by @nagmamatyag (see all)

Natutuwa ako kapag nakikita kita, Sec Mar, sa mga IG posts ni Korina. Sinusundan ko ang account na iyon dahil sa iyo. Lalo na pagkatapos ng eleksyon. Gusto ko kasing malaman kung okay ka lang, kayo. Kaya naman pag nakakakita ako ng mga larawan o video clip ninyong mag-asawa sa bundok o sa ilalim ng dagat, sa New York o sa San Mateo, nalulugod ako nang husto dahil mukhang okay na okay ka lang. Kahit pa nga ang bansa natin ay hindi okay. Hindi mo iyon kasalanan.

Napakaganda ng iyong pagtanggap ng pagkatalo. Emosyonal pero may dignidad. Umiyak ang marami nang gabi ng Mayo a-nueve. Pero kailangan nating tanggapin pare-pareho ang desisyon ng mas marami sa atin. Siyam na milyong mahigit lang tayo. Labing-anim na milyon sila. Inisip siguro natin pare-pareho, saan ka nagkulang, saan kami nagkulang noong kampanya at bakit di tayo nakakuha ng mas maraming suporta. Mabuti na lang at mabait pa rin ang langit dahil nanalo ang isa pang disente at matapat na kandidato, ang ating bise-presidenteng si ma’am Leni Robredo. Isipin na lang kung iba pa ang nanalo sa pangalawang puestong iyon. Ngunit sabi nga nila nakalipas na raw iyon. Tanggapin na ang realidad na ang maraming botante ay narahuyo sa mga pangako at malakas na personalidad ni Duterte. Di nila alintana ang talino at mas malinaw na mga plano na iniaalay mo. Yun sana ang kailangang-kailangan natin ngayon.

Dear MARSec Mar, naiinis ako sa patuloy nilang pagpula sa iyo at kay PNoy. Mas naiinis yata ako dito kaysa sa mabahong bibig ng nanalo at ng mga alipores niya. Yun kasing kabastusan ng mga nasa poder puede kong huwag nang basahin o pakinggan pero nagpupuyos ang aking kalooban kapag patuloy pa rin akong nakababasa ng pintas o alipusta o kaya’y balitang idinadawit kayo sa kung anu-anong anomalya. Matindi rin ang mga kalaban. Nanalo na nga sila, di pa rin tumitigil sa sipa at tadyak at bato ng putik sa mga nananahimik nang natalong partido. Iniisip ko tuloy, dapat ka na bang magsalita? Bumalik sa aktibong pag-oopinyon sa mga nagaganap at sa mga isyung nagliliyab ngayon? Pero magagawa mo ba iyon nang di ka muling pag-iisipan nang kung anu-ano?

Di naman kasi patas ang mga kaaway. Nasa poder na sila ay ayaw pa nilang tumigil ng paninira at pagtapak. Ang mas malungkot pa rito, yung mga taong patuloy na kumakatig sa kanila kahit na mali ang paratang at huwad ang ebidensiya. Tuloy-tuloy ang saboy ng putik na dapat ay sa sarili nila ikulapol. Porke di kayo lumalaban ni PNoy at mga kasama. Porke di kayo katulad ni Duterteng marumi ang isip at bibig. Minsan ka nga lang nagmura noon, di ka na tinantanan ng batikos. Minsan kang nagtaas ng boses, ginawa pang dahilan para takpan nila ang iyong mga pagpapakasakit. Pati ang iyong pagiging maykaya ay di nila matanggap. Para bang galing sa kulimbat ang pera mo samantalang lantad naman ang kagahamanan ng mismong naghahatak sa iyo paibaba.

Sa araw-araw na lumilipas sa ilalim ng kasalukuyang rehimen, di ko mapigilang isipin kung ano kaya ang Pilipinas kung ikaw ang nanalong presidente. Mas lalo naman akong nalulungkot kapag iniisip ko ang mga magaganda sanang balakin mo sa pagpapatuloy ng daang matuwid na sinimulan ni PNoy. Kung puede nga lang ibalik ang panahon sa bago mag-eleksyon at kung nagkaroon tayo ng pangalawang pagkakataong linawin sa mga botante noon ang kahalagahan ng kanilang pagpili. Kung nakita natin sana agad ang makinarya ng dilim na lumaro sa imahinasyon at opinyon ng mga tao. Ang hirap isiping anim na taon at posibleng higit pa ang wawaldasin natin bilang isang bansa sa ilalim ng rehimeng nangako at nagpako sa mga Pilipino.

Sec Mar, kasihan ka nawa ng Diyos na Totoo sa magiging plano mo sa mga susunod na panahon. Manatili ka sanang malusog sa isip at pangangatawan at bigyan ka sana ng Maykapal ng isa pang tsansang mapaglingkuran ang iyong mga kababayan. Enjoy ka lang muna sa iyong pamamahinga. Pero dalas-dalasan mo sana ang pagtitweet dahil nakalulugod para sa aming naniniwala sa iyo at sa iyong mga adhikain ang makita ka online. Sana, magkita tayo uli sa kampanya. Sana sa malapit na hinaharap. Maibabalik pa natin ang disente, matalino, at matapat sa gobyerno. Di pa huli ang lahat.

Mabuhay po kayo.  

Lubos na gumagalang,

@nagmamatyag

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here