Dear Ka-DDS

0
917
Dear Ka-DDS

Latest posts by @nagmamatyag (see all)

Ka-DDS ka pa rin ba? Ano na ang ibig sabihin ng initials na DDS sa iyo ngayon? Duterte Diehard Supporters o Disappointed Duterte Supporters? Bilib na ako kung Diehard ka pa rin pero marami akong tanong sa iyo.

Bakit ka diehard? Ano ang meron si Duterte na lubos mong sinusuportahan? Bukas ba ang mata mo sa mga nagawa niyang labis na ikinadidismaya ng marami na dating umasa sa ipinangako niyang pagbabago? Maalam ka ba sa mga isyu? Ano na ang tindig mo sa mga sumusunod na usapin?

  1. Pangangamkam ng China sa ating mga isla sa WPS at kanilang kahina-hinalang interes sa Benham Rise. Ang ating mga opisyales ay mukhang sa China na ang loyalty. Wala raw masama sa pagiging mapilit ng China sa ating mga sakop. Mas mainam na yata ito para sa kanila kaysa ibang bansang nauna na nating nakatuwang sa maraming bagay. Nabalitaan mo ba kung paanong hirap pa ring makapangisda ang mga Pilipino sa Masinloc? Pero ang sabi ng idol mo, joke lang daw na magjetski siya para ilaban ang karapatan ng ating mga mangingisda.
  2. War on Drugs – ito na yung greatest “achievement” ni Duterte kung ang batayan ay bilang ng mga namatay. Sasabihin mo siguro, hindi siya ang nagpapatay sa mga iyan. Mga sindikato na ang nagliligpitan. Pero ang latest ay mahihirap pa rin ang naililigpit pero ang kumpareng si Peter Lim at si Kerwin Espinosa na umamin sa pagkasangkot sa droga ay iaabsuelto na. Okay lang sa iyo yun? Di ko na itatanong kung okay lang din sa iyo na sangkot ang pangalan ng mismong anak ni Digong sa usapin ng droga. Quiet nga lang ang senado rito. Yung tatoo sa likod ayaw pa ring ipakita. Alam ko naman kung diehard ka, walang salbahe sa pamilya ni presidente. Idol mo ang ama, pati na ang mga kaanak niya.
  3. Impeachment ni CJSereno- may paki ka ba rito? Naniniwala ka bang walang kinalaman si Digong sa pagkuyog ng HOR at mga kalabang justices sa pilit na pagpapatalsik kay Sereno? Mukha ngang galawang Midas at Terry ito na may suporta siguirado ng mga magbebenepisyo kapag natanggal ang napakabatang CJ na appointee ni PNoy. Pero si Duterte ang nagbigay ng go-signal dito noong tumalak siya laban kay CJ , di ba?
  4. TRAINLaw- ano ang naging reaksyon mo rito? Nagalit ka ba sa excise tax na magpapataas ng presyo ng mga produkto at serbisyong madalas mong bilhin? O natuwa ka dahil lumiit ang income tax mo? Bihirang ordinaryong tao ang nakaiintindi gn TRAINLaw pero ramdam nating lahat ang epekto nito sa ating perang panggastos sa araw-araw.
  5. Pagkakulong ni Senator De Lima- sigurado ako kung diehard ka e wala kang pakialam kay De Lima. Gigil na gigil kasi si Digong sa kanya noon pa. Pero ewan ko kung napansin mo na yung tumestigo laban sa kanya na si Espinosa ay iaabsuelto nila dahil kulang daw sa ebidensiya. Alam mo bang kulang din kundi man wala talaga silang ebidensiya para hayaang makulong si De Lima?
  6. Hidden bank accounts- na hanggang ngayon ay di pa rin niya pinipirmahan ang waiver para mabuksan. Naniniwala ka bang mayaman talaga si Digong o talagang mahirap lang siya tulad ng packaging sa kanya noong kampanya? E yung assistant niyang mahilig sa selfie, bilyonaryo raw. Paano nangyaring nagtityaga siyang maging alalay kung bilyonaryo siya?

Saan ka kumukuha ng impormasyon tungkol sa mga isyung nabanggit? Hulaan ko. Doon sa paboritong ASec ni presidente na marami raw followers sa FB. Bakit siya naging credible sa iyo? Di ba maraming beses nang sablay ang impormasyon niya? Sino nga pala ang bise presidente mo? Kung naniniwala ka kay ASec , sigurado si BBM ang gusto mong bise. Bakit? Anak ng diktador yun, ah?. Ang daming nakulimbat noong panahon nila. Ang tagal naming binayaran ang mga utang nila sa World Bank-IMF. Ngayon, si idol mo naaakit sa mga pautang ng China. Mas mataas ang interes at ang gusto ay mga likas na yaman pa natin ang iprenda. Alam ng China na napakayaman natin. Ikaw alam mo ba bakit ipinipilit ng China na ituring tayong teritoryo nila? Okay lang sa iyo kasi okay lang kay Digong?

Ano ang tsansang Disappointed Duterte Supporter ka na? Sana may epekto na sa iyo ang mga isyung naglalarawan ng kinasasadlakan ng bansa natin. Di naman masama kung magbabasa ka rin ng hindi galing kay ASec o sa mga tao niya. Madali namang kilatisin kung mali ang impormasyong hatid.Konting isip lang. Konting lohika lang. Konting konsyensiya lang para sa bayan. #

More @nagmamatyag

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here