DALAWANG PILOTO SABAY NA NAKITA ANG UFO

0
165

Latest posts by BOBBY V. VILLAGRACIA (see all)

Kabilang ang insidenteng naganap noong ika-9 ng Nobyembre, 2018 sa Timog-kanlurang bahagi ng karagatan ng Ireland sa mga pangyayaring iniuugnay sa unidentified flying object o UFO na pinaniwalaang tutuo kaya nagsagawa ng imbistigasyon ang Irish Aviation Authority (IAA). Naging ugat ng insidente ang pagtatanong ng piloto ng eroplanong British Airways na nasa lugar sa ganap na ika-6.47 ng umaga sa air traffic controller ng Shannon Airport.

Ayon sa ulat, nagtanong ang piloto ng British Airways kung may nagaganap na military exercises sa Timog-kanlurang bahagi ng karagatan ng Ireland dahil nakakita siya ng mga bagay na naglalakbay na napakabilis sa papawirin sa lugar. Matapos matanggap ang tawag ng air traffic controller, kaagad itong sinagot ng operator na walang nagaganap na military exercises sa lugar kaya napawi ang pangamba ng pilotong may bumangga sa pinalilipad niyang sasakyang panghimpapawid.

Sa pahayag ng piloto, naglalakbay ang eroplano niya mula sa Montreal City, Canada papunta sa Heathrow ng makakita siya ng napakaliwanag na bagay na mabilis na naglalakbay sa kaliwang bahagi ng eroplano bago ito tuluyang lumipad sa direksyon ng hilaga. Halos kasabay ng pangyayaring ito, isa pang pilotong nagpapalipad ng eroplanong Virgin ang tumawag sa air traffic controller ng Shannon Airport na nagsabing nakakita rin siya ng bagay na sinasabi ng piloto ng British Airways.

Ngunit hindi lang tumawag ang piloto ng eroplanong Virgin sa air traffic controller kung hindi nagbigay ng pananaw na maaaring bulalakaw o iba pang bagay sa kalawakan ang nakita niyang pumasok sa atmospera ng daigdig. Ayon pa sa piloto, nakakita rin siya ng dalawang napakaliwanag na bagay sa kaliwang bahagi ng eroplanong kaniyang pinalilipad na paimbulog sa kalawakan sa bilis na Mach 2,  paglalakbay na doble sa bilis ng ingay.

Batay sa paliwanag ni Apostolos Christou, astronomer na nagtratrabaho sa Armagh Observatory and Planetarium, malamang na kimpal ng alikabok mula sa kalawakan ang nakita ng piloto ng British Airways at eroplanong Virgin na pumapasok sa atmospera ng mundo. Ayon pa sa astronomer, madalas pumapasok sa atmospera ng mundo ang ganitong mga bagay na tinatawag na shooting star dahil sa nakakasilaw na liwanag kaya napagkamalang UFO ng dalawang piloto.

Idinagdag pa ni Christou na sinlaki lamang ng mansanas ang nakitang bagay ng dalawang piloto at malamang na tutuo ang kaniyang hinala dahil madalas nagaganap ang ganitong pangyayari sa buwan ng Nobyembre. Ayon pa sa astronomer, ganito rin ang nangyayari kapag may meteor o batong pumasok sa atmospera ng mundo mula sa kalawakan kaya kapag nasa papawirin ang eroplano, madalas itong makita ng mga piloto.

Dahil sa magkatugmang pahayag ng piloto ng British Airways, piloto ng eroplanong Virgin at iba pang malilit na eroplano sa pangyayaring naganap noong ika-9 ng Nobyembre, 2018, napilitang gumawa ng ulat ang Irish Aviation Authority sa insidente. Tiniyak din ng IAA na magsasagawa ng imbistigasyon ang ahensya para malutas ang kakaibang pangyayaring nakita ng mga piloto sa papawirin sa Timog-kanlurang bahagi ng karagatan ng Ireland.

Idinagdag pa ng Irish Aviation Authority na hindi maglalabas ng anumang pahayag ang ahensya sa insidente upang hindi maapetukhan ang gagawing imbistigasyon sa bagay na hinihinala ng maraming unidentified flying object o UFO. Mga bagay sa papawiring gumugulo sa isipan ng maraming tao kaya nakakabuo ng iba’t-ibang pananaw sa hangaring mabigyan ng paliwanag ang pangyayaring nagaganap na noon pang unang panahon.

Kuwento ni BOBBY V. VILLAGRACIA mula sa pananaliksik.            

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here